top of page
Search

ni Zel Fernandez | April 27, 2022


ree

Kasabay ng muling pagbubukas ng foreign employment sa bansa, muling pinaalalahanan ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mga overseas Filipino workers (OFWs) sa implementasyon ng Expanded Compulsory Insurance para sa mga balik-manggagawa at direct hires.


Batay sa Department Order No. 228, Series of 2021, o ang Expanded Compulsory Insurance Coverage for Rehires at Direct Hire ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Philippine Overseas Employment Administration (POEA) Memorandum Circular No. 10 na nilagdaan ni POEA Administrator Bernard Olalia, ipinatutupad ang mandatory insurance bilang pagbibigay-proteksiyon sa mga manggagawang Pinoy na nagtatrabaho, abroad.


Ayon sa kawani, ang pagkakaroon ng insurance sa panahong ito ay makatutulong na magbigay ng seguridad sa mga migranteng manggagawa sa gitna ng pandaigdigang krisis sa kalusugan; saklaw ang insidente ng kamatayan, kapansanan at iba pang medical emergency.


Gayundin, sakop ng insurance policy ang repatriation o deportation ng mga OFWs, kabilang ang transportasyon ng mga personal na gamit kapag napatunayang ang manggagawa ay tinanggal ng employer sa kanyang trabaho nang walang wasto o makatarungang basehan.


Sa inilabas na abiso ng DMW, ibinahagi nito ang listahan ng mga insurance companies na accredited na ng Insurance Commission (IC) ng POEA para mag-alok ng OFW insurance.


Kabilang sa mga tinukoy ay ang Paramount Life & Insurance Corporation, Fortune General Corporation, Pioneer Insurance & Surety Corporation, MAPFRE Insular Corporation, UCPB General Insurance Company Inc., Stronghold Insurance, at Philippine British Assurance Company, Inc.


 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | March 29, 2022


ree

Nagpaalala ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) hinggil sa mga alok na trabaho abroad na makikitang naka-post sa social media.


Sa ulat ng GMA News Regional TV, mayroong makikitang job posting sa social media kung saan naghahanap ito ng 450 Filipino teacher na kailangan sa Taiwan.


Marami ang interesadong mag-apply dito dahil ang sahod na umano’y matatanggap ng mga makakapasang aplikante ay nasa 115,000 kada buwan.


Nang puntahan ng grupo ng GMA ang POEA-Region 7, napag-alaman nilang walang pangalan ng recruiter at employer na nakasaad sa social media post tungkol sa nasabing job hiring.


Ayon sa ulat, ang nakalagay lamang ay pangalan ng Ministry of Education ng Taiwan.


Batay sa listahan ng POEA sa mga rehistradong recruiter, mayroon lang isang kompanya ang lumitaw at isang guro lang ang kailangan.


Matatandaang sinabi ng Department of Labor and Employment (DOLE) na mangangailangan ang Taiwan ng mga English teacher na mga foreign workers, at hindi eksklusibo lamang para sa mga Pinoy.


Patuloy naman ang pagpapaalala ng POEA na maging maingat sa mga trabahong inaaplayan sa abroad na makikita sa social media.

 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | February 13, 2022


ree

Patuloy na tumataas ang demand sa mga overseas Filipino workers (OFWs), ayon sa opisyal ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) nitong Sabado.


Ayon kay POEA Deputy Administrator Bong Ventura Plan, mayroong mataas na demand sa mga OFW, partikular na sa mga healthcare worker.


“Actually, dumadami na po ang mga demands [or] request coming from the different countries of destination,” ani Plan sa Laging Handa briefing.


“For example, iyong UK (United Kingdom), marami na rin po silang demand sa atin pagdating sa mga healthcare workers natin particularly iyong mga nurses and caregivers. This is the same with Germany and Japan,” patuloy niya.


Sa kabila ng mataas na demand, kailangan muna umanong ikonsidera ng gobyerno ang pangangailangan ng bansa, kung saan ang deployment cap ay nasa 7,000 health workers kada taon.


“Kaya iyon, marami pong demands kaso nga lang po, we have to consider also our personal demands here in the Philippines also kaya medyo mayroon pa tayong kaunting deployment,” paliwanag ni Plan.


“Up to 7,000 lang po ang puwede po nating i-deploy na healthcare workers kaya medyo limitado pa rin po pagdating sa mga nurses and healthcare workers,” dagdag niya.


Gayunman, pagdating naman sa trabaho abroad sa logistics sector ay marami pang available slots para sa aplikasyon.


“Pero pagdating po sa mga truck drivers, pagdating po sa mga seafarers open po tayo. At basically based on our data and our projected data, mas dadami po ang demands natin pagdating po dito sa logistics area po natin,” aniya.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page