ni Angela Fernando - Trainee @News | December 7, 2023
Nagpaalala ang Philippine National Police sa publiko nitong Huwebes na maging maingat sa mga kahina-hinalang email matapos nilang makita ang ilang banta ng pambobomba kasunod ng nangyaring pagsabog sa isang misa sa Mindanao State University sa Marawi City nu'ng Linggo.
Ayon kay PNP spokesman Col. Jean Fajardo, sunud-sunod ang kanilang naitalang banta ng bomba kamakailan na agad namang nirespondehan ng kapulisan.
Aniya, base sa imbestigasyong ginawa ng Anti-Cybercrime Group, karamihan sa umiikot na nasabing email ay galing sa labas ng 'Pinas.
Saad ni Fajardo, may isang pekeng email na umano'y galing sa nagngangalang Takehiro Karasawa na sinasabing isang Japanese lawyer ang umiikot hindi lamang sa bansa kundi sa mga bansa tulad ng South Korea, Taiwan, at China, noon pang buwan ng Setyembre at Oktubre.
"Nakikipag-ugnayan na ang ating PNP Anti-Cybercrime group sa ating mga foreign counterparts, para ma-trace ang origin nitong email na ‘to," dagdag niya.