ni Eli San Miguel - Trainee @News | December 20, 2023
Sinibak sa puwesto ang dalawang pulis dahil sa naiulat na pagkakasangkot sa pagkalat ng video na nagpapakita ng bangkay ng aktor na si Ronaldo Valdez, ayon sa Philippine National Police (PNP) ngayong Miyerkules.
Sinabi ni PNP spokesperson Colonel Jean Fajardo na ang dalawang pulis na tinanggal sa kanilang mga puwesto ang unang rumesponde.
“Kausap ko kanina si district director at ni-relieve na po niya 'yung first responder at kaniyang station commander para tignan ang liability," pahayag ni Fajardo sa isang press briefing sa Camp Crame.
Sinabi ni Fajardo na maaaring humarap sa administratibo at kriminal na kaso ang dalawa na kasalukuyang nasa QCPD holding unit habang iniimbestigahan.
"This is a regrettable incident na hindi dapat kumalat sa social media," pagbibigay-diin ni Fajardo.
"Kung ito ay kuha ng ating first police responders for documentation purposes, wala po sanang naging problema," dagdag niya.
Pumanaw si Valdez, isa sa mga pinakatanyag at sikat na aktor sa TV at pelikula sa bansa, noong Linggo sa edad na 76.