top of page
Search

ni Zel Fernandez | May 8, 2022


ree

Matapos ianunsiyo ng PhilHealth ang nakatakdang pagtaas ng buwanang kontribusyon ng mga miyembro nito, umapela si Senador Joel Villanueva na kailangan na rin aniyang maningil ng taumbayan kaugnay sa kinasasangkutang isyu ng ahensiya.


Paglalahad ng senador, kabilang umano sa mga tanong na dapat sagutin ng PhilHealth ang mga hakbang na ginawa at ginagawa ng PhilHealth upang maresolba ang mga anomalyang naungkat sa panahon ng pagdinig ng Senado.


Ani Villanueva, dapat din umano na ang kahingiang dagdag-kontibusyon sa PhilHealth ay maging katumbas ng pinagbuting health services na mapapakinabangan ng bawat miyembro ng ahensiya, tulad ng pagkakaroon ng mas malawak na outpatient drug benefit at emergency package ng PhilHealth batay sa Universal Health Care (UHC) Act.


Dagdag pa ng mambabatas, kapansin-pansin na mistula umanong pasakit sa mga mamamayan ang taas-singil sa PhilHealth contribution sa halip na maramdaman ang serbisyong nakukuha sa PhilHealth.


Giit ni Villanueva, ang Universal Health Care Law ay naisabatas para mabigyan ng de-kalidad na healthcare system ang mga Pinoy at hindi upang pagyamanin ang PhilHealth.


 
 

ni Zel Fernandez | May 7, 2022


ree

Kasunod ng anunsiyo na dagdag-kontribusyon sa mga miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation, umapela si Bayan Muna Chairperson Neri Colmenares ng dagdag-sahod sa mga manggagawa bago ang pagtataas ng buwanang hulog ng mga kasapi.


Ani Colmenares, kailangan munang ikonsidera ng gobyerno ang dagdag-sahod sa mga empleyado bago itaas ang premium contribution ng PhilHealth sa susunod na buwan dahil wala na halos matitira sa take home pay ng mga manggagawa sa 4% increase sa Hunyo.


Paliwanag ni Colmenares, kasabay ng taas-presyo sa langis at mga pangunahing bilihin, magiging dagdag-pasanin sa mga Pinoy kung magtataas ang PhilHealth contribution nang walang dagdag sa sahod.


Giit ng chairperson, mahalagang pagtuunan ng pansin ng gobyerno ang kapakanan ng mga manggagawa, partikular ang sahod ng mga ito, upang hindi maging pasakit ang kahingiang dagdag-hulog sa PhilHealth.


 
 

ni Zel Fernandez | May 6, 2022


ree

Mas mataas na premium rate ang ipapatupad ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa darating na Hunyo.


Paglalahad ni PhilHealth Senior Manager for Formal Sector-member Management Group Rex Paul Recoter, sang-ayon ito sa nakasaad sa Universal Health Care (UHC) Law kung saan dapat tumaas ng 0.5% ang premium rates ng mga miyembro kada taon.


Kaugnay nito, aakyat na sa 4% ang kontribusyon kung saan ang mga sumasahod o kumikita ng ₱10,000 kada buwan ay dapat nang maghulog ng ₱400 PhilHealth contribution kada buwan na katumbas ng ₱4,800 kada taon.


Ani Recoter, “So, the monthly PhilHealth contribution by each individual shall be ₱400 for those earning ₱10,000 while the annual premium shall be ₱4,800. For those who are earning the ceiling is ₱80,000, the monthly PhilHealth contribution shall be ₱3,200, while the annual PhilHealth contribution shall be ₱38,400.”


Matatandaang ipinagpaliban ang premium hike sa PhilHealth noong 2021 bunsod ng pagputok ng pandemya sa bansa.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page