ni Lolet Abania | February 4, 2021
Inaprubahan na ng House Special Committee on Senior Citizens ang panukalang naglalayon ng libreng hemodialysis, peritoneal dialysis at iba pang katulad nito sa lahat ng mga senior citizens ngayong Huwebes.
Sa naganap na pulong, aprub na sa panel ang House Bill 7859 o ang panukalang "Free Dialysis for Senior Citizens Act" na ang may-akda ay ang chairperson na si Senior Citizens party-list Representative Rodolfo Ordanes.
Sa ilalim ng panukala, ang mga gastusin na kailangan para sa hemodialysis, peritoneal dialysis at iba pang Department of Health-approved na dialysis procedures ay sasagutin ng PhilHealth kung saan gagawin ang treatment o gamutan nito sa mga PhilHealth accredited hospitals at nakatalagang dialysis centers.
Subalit ang mga procedures na gumagamit ng dialysis solutions na kabilang sa pinakabagong edisyon ng Philippine National Drug Formulary at mga kailangang laboratoryo at iba pang dapat na supplies lamang ang sasagutin at maaaring i-reimburse ng PhilHealth.
Ayon kay Ordanes, inihain niya ang naturang panukala dahil sa pagnanais na masiguro ang kalusugan at kapakanan ng mga senior citizens.
"It is only by providing them a higher degree of care and protection can we ensure that we stay true to our mandate of upholding social justice and their right to life," sabi ni Ordanes.
"In view of this, the passage of the bill is sought," dagdag niya.
Matapos maaprubahan sa committee level, ang measure ay dadalhin sa plenaryo para sa gagawing deliberasyon.