top of page
Search

ni Angela Fernando - Trainee @News | April 11, 2024




Iniimbestigahan ng mga otoridad ang posibleng lokasyon ng lider ng Kingdom of Jesus Christ na si Apollo Quiboloy matapos hindi makita sa kanyang mga ari-arian sa Davao City at Samal Island, ayon sa Philippine National Police (PNP) sa isang pahayag nitong Huwebes.


Nagpahayag si PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na tinulungan ng PNP at National Bureau of Investigation (NBI) ang Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) ng Senado sa pagbibigay ng arrest warrant kay Quiboloy nu'ng Miyerkules.


“Tatlo po yung lugar na pinasyalan po nila kahapon but unfortunately wala nga po doon at hindi natsempuhan doon si Pastor Quiboloy,” saad ni Fajardo sa press briefing.

Tanging ang mga abogado lang din ni Quiboloy ang tumanggap ng arrest order mula sa OSAA.


Pinayagan din naman ng mga abogado ang pulisya na suriin ang ilang kwarto sa nabanggit na mga ari-arian.


Samantala, binigyang-diin naman ni Fajardo na may ilang mga lugar silang sinusuri ngunit hindi niya maaaring ibunyag ang mga lokasyon.

 
 

ni Angela Fernando - Trainee @News | April 9, 2024




Ibinulgar ng Department of Justice (DOJ) nitong Martes na umaasa sila sa isa pang arrest warrant para sa pinuno at tagapagtatag ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na si Pastor Apollo Quiboloy para sa ibang kaso ng qualified human trafficking.


Ang DOJ ay nag-file ng kaso sa harap ng Korte ng Pasig City matapos ang isang resolusyon na inilabas ni Justice Sec. Jesus Crispin Remulla nu'ng Marso 5, 2024, na binawi ang dismissal ng mga kaso ng rape, qualified human trafficking, at child abuse laban kay Quiboloy ng Tanggapan ng mga Prosecutor sa Lungsod ng Davao.


"Hinihintay pa ng Department of Justice na mailabas ng Pasig Regional Trial Court ang isa pang warrant of arrest laban kay Quiboloy para sa kasong qualified trafficking," saad ni DOJ Undersecretary Marge Gutierrez sa isang public briefing.


Matatandaang naglabas ang Davao Regional Trial Court ng isang warrant of arrest laban kay Quiboloy para sa child abuse kamakailan lang.

 
 

ni Angela Fernando - Trainee @News | March 15, 2024




Nagsumite ng kanyang tugon si Pastor Apollo Quiboloy para sa isang show cause order ng Senado nitong Biyernes kaugnay ng imbestigasyon sa mga pang-aabuso na iniuugnay sa kanya at sa relihiyosong grupong Kingdom of Jesus Christ (KOJC).


Isinumite ni Quiboloy ang mga dokumento sa pamamagitan ng kanyang mga abogado at opisyal na tinanggap ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality.


"We followed the order and submitted within the required 48 hours from the morning of March 13," saad ng abogado ni Quiboloy na si Atty. Elvis Balayan.


Kinumpirma niyang tinanggap ang kanilang tugon bandang 8:40 ng umaga ngayong araw.


Matatandaang ang show cause order na inilabas nu'ng Marso 13 ay nagtakda kay Quiboloy na magpaliwanag sa loob ng 48-oras kung bakit hindi siya dapat na arestuhin at ikulong sa Office of the Senate Sergeant-at-Arms para sa kanyang pagtangging dumalo sa pagdinig ng komite ng Senado kahit na may imbitasyong ibinaba para dito.


Samantala, maghihintay naman ang kampo ni Quiboloy ng tugon mula sa Senado bago gumawa ng legal na hakbang.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page