top of page
Search

ni Jasmin Joy Evangelista | August 31, 2021



Binatikos ni Pangulong Rodrigo Duterte si Senator Richard Gordon tungkol sa tinawag niyang seven-hour “talkathon” nito sa huling imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa mga overpriced umanong pandemic supplies.


Sa kanyang taped public address na inere ngayong Martes nang umaga, sinabi ni Pangulong Duterte na ‘wag nang muling iboto ang mga congressmen at senador na ginagamit lamang umano ang posisyon upang ipagyabang ang kanilang kaalaman.


“Makita mo si Gordon sa mga TV, sa committee hearing, marami ang congressman [senador], dahan-dahan 'yan mawala kasi si Gordon ang champion noon ng talkathon,” sabi ni Duterte.


“Kanya ang tanong, kanya ang sagot at siya ang magsabi kung mali ka o hindi,” dagdag niya.


Nagmistula umanong German interrogator sa Nazi si Sen. Gordon.


“Seven hours bugbugin mo ng tanong, mawawala talaga ‘yan,” sambit pa ng pangulo.


“The guy wants to talk and show to the world that he is a bright boy. Wala namang question 'yan, parehas tayong abogado, parehas tayong pumasa sa bar. Iisa lang naman 'yan pero iba ka, ‘dre,” dagdag niya.


Kinuwestiyon din ni Pangulong Digong ang resulta ng mga nagdaang imbestigasyon.


“Sino napakulong niya sa anomalya ng gobyerno? Sino?” tanong ni Duterte.

 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | August 30, 2021



‘Missed opportunity’ umano para kay Vice- President Leni Robredo ang isa’t kalahating taon na hindi man lang nakapag-face-to-face classes sa mga lugar na may low risk COVID-19 dahil maraming mga estudyante ang hirap sa distance learning.


Nanghihinayang umano siya dahil hindi ito nagawa bago pa kumalat ang nakahahawang Delta variant.


"Sa akin, 'yung nakalipas na isa't kalahating taon, 'missed opportunity' iyon. Noong wala pang Delta variant, sobrang daming [local government units] all over the Philippines 'yung wala namang cases," sabi ni Robredo sa kanyang radio show ngayong Linggo.


Noong nakaraang taon ay nagtayo ang Office of the Vice- President ng mga community learning hub sa 58 lugar, kung saan maaaring matulungan ang mga estudyanteng walang gadgets at hirap sa pag-aaral gamit ang printed modules.


Magsasagawa sana ang Department of Education ng dry run ng limitadong face-to-face class sa ilang low-risk area nitong taon pero kinansela ito ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil hindi raw siya papayag sa face-to-face classes hangga't hindi nakakamit ng bansa ang herd immunity.


"Dapat ipakita nila (DepEd) na not 'one size fits all.' Parang resigned na tayo. 'Di natin naiisip ang mga bata," dagdag ni Robredo.


Distance learning pa rin ang paraan ng pagkatuto sa muling pagsisimula ng school year sa mga pampublikong paaralan sa darating na Setyembre 13.

 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | August 29, 2021




Inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang operasyon ng casino sa Boracay, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque sa kanyang statement kagabi.


"This latest presidential pronouncement is part of the revenue-generating efforts of the government to augment funds for COVID-19 response," ani Roque.


Dagdag pa niya, ang mga pupunta sa casino ay kailangang mag-comply sa health protocols at ang mga nasabing establisimyento ay kinakailangang mayroong mga panuntunan na nagbabawal sa mga menor de edad.


Sa isang panayam ay nabanggit na ng Pangulo na pinapayagan niya ang pagtatayo ng casino sa Boracay upang magkaroon ng dagdag na pondo panlaban sa Covid-19.


"Patawarin na po ninyo ako for the contradiction," ayon kay Pangulong Duterte sa kanyang late night address. "Ngayon po, wala tayong pera. Kung saan man tayo makakuha ng pera, kukunin ko. Kung diyan sa gambling, so be it."


"Ngayon, kung nagkamali ako, tama 'yan, nagkamali ako. Kung wala akong isang salita diyan, tama 'yan, wala akong isang salita diyan. Pero kailangan ko ng pera para patakbuhin ang gobyerno kasi marami akong gagastusan."

 
 
RECOMMENDED
bottom of page