top of page
Search

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | March 10, 2022



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Giovann ng Sta. Maria, Bulacan.


Dear Maestra,


Napanaginipan ko na mayaman na ako. Enjoy na enjoy ko ang buhay dahil nabibili ko lahat ng gusto kong bilhin kahit mahal ang halaga nito at pati ang maid namin ay binilhan ko ng mga gusto niyang bilin.


Niyaya ako ng maid ko sa isang mall upang mamili ng mga mamahaling gamit, tapos agad kaming nagsuot ng mask at pumunta sa pinakamalapit na shopping mall.


Ano ang ibig sabihin nito?


Naghihintay,

Giovann



Sa iyo, Giovann,


Ang ibig sabihin ng panaginip mo na mayaman ka na at enjoy na enjoy ang buhay dahil nabibili mo lahat ng gusto mong bilhin ay kabaligtaran ang ipinahihiwatig. Nagbabadya ito ng kahirapan at pagkawala ng mga ari-arian.


Sa larangan naman ng pag-ibig, ito ay nagpapahiwatig ng panibugho o pagseselos nang walang kabagay-bagay.


Samantala, ang maid na tinutukoy mo sa iyong panaginip na binili mo rin ng mga gusto niyang bilhin ay nangangahulugan na malapit ka nang magpakasal sa iyong karelasyon.

Ang mask naman ay nagpapahiwatig ng kawalan ng tiwala sa taong malapit sa puso mo. Nagdududa ka sa katapatan niya sa iyo. Dahil dito, bawasan mo ang kawalan ng tiwala sa kapwa dahil hindi ‘yan makabubuti sa iyo.


Hanggang dito na lang. Maraming salamat sa pagsangguni mo sa akin.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna


 
 

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | April 14, 2021



Analisahin natin ang ipinadalang panaginip ni Evelyn ng Taguig.


Dear Maestra,

Nasisiyahan ako sa pagbabasa ng column n’yo. Nagkataon kasi na kahawig ng panaginip ko ang napa-publish sa column n’yo. Gayunman, naisip kong ako na mismo ang sumangguni ng panaginip ko dahil madalas akong managinip.

Ang pinakahuling panaginip ko ay hindi maganda dahil maraming sagabal sa binabalak kong pagbubukas ng bagong negosyo. Maraming tumututol dahil baka raw lalo akong mahirapan. Sa kabilang dako, nilapitan ako ng best friend ko para humingi ng tulong sa mabigat na problemang dinadala niya at sa abot ng aking makakaya, siya ay aking tinulungan. Sobrang lungkot ko dahil sa panahon ngayon, halos hindi na alam ng mga tao ang dapat gawin para makaraos sa pang-araw-araw na buhay.

Nagising ako na umiiyak at hindi mapigil ang aking luha. Ano ang ibig sabihin nito?


Naghihintay,

Evelyn


Sa iyo, Evelyn,

Salamat sa pagtitiwala mo sa akin tungkol sa ibig sabihin ng panaginip mo. Sadyang mahirap ang buhay natin ngayon at halos lahat ay hindi alam ang gagawin para makaraos sa buhay. Gayunman, buti na lang ay mayroon tayong gabay at ito ay walang iba kundi ang panaginip natin. At labis akong nagpapasalamat sa Diyos dahil sa kaalamang ipinagkaloob sa akin na mabigyan ng kahulugan ang mga panaginip.


Ang panaginip mo ay nagpapahiwatig na dapat kang magtrabaho nang dibdiban upang makaraos sa buhay. Kumbaga, hindi puwedeng hinay-hinay lang dahil doble-kayod ang dapat mong gawin. Ingatan mo lamang ang iyong kalusugan dahil dagdag na problema ‘yan na mauuwi sa mas mabigat na pasanin sa buhay.


Gayunman, tungkol sa kaibigan mong humihingi ng iyong tulong, ganyan ang mangyayari sa totoong buhay. Lalapitan ka ng best friend mo upang hingin ang iyong tulong sa problemang kinakaharap niya ngayon. Sa kanyang palagay ay tanging ikaw lang ang puwedeng makatulong sa napakabigat na problemang dinaranas niya sa kasalukuyan, at hindi nga siya nagkamali.


Ang sabi mo ay nagising ka na umiiyak. Maganda ipinahihiwatig nito dahil ito ay nangangahulugang matatapos na ang paghihirap mo. Makakaahon ka na sa hirap at mayroon pang surpresang regalo sa iyo ang langit. Malaking suwerte ang nakatakdang dumating— maaari kang manalo ka sa lottery. Sa sobrang tuwa mo, magpapa-blow out ka at iimbitahan mo ang iyong mga kaibigan kung saan magkakaroon kayo ng masaganang salo-salo.


Kaya, huwag ka nang malungkot simula ngayon. Harapin mo ang masaganang buhay na papalapit na sa iyong pintuan.


Huwag mo kalimutang magpasalamat sa Diyos sa lahat ng pagpapala at mga biyaya. Hanggang dito na lang, sumaiyo nawa ang kapayapaan ng puso’t isipan.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

 
 
RECOMMENDED
bottom of page