top of page
Search

ni Estrellia de Luna @Panaginip Gabay ng Buhay | June 21, 2024



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Lorna ng Pangasinan.


Dear Maestra,


Napanaginipan ko na may nakita akong papel sa ibabaw ng kama namin ng asawa ko.


Binasa ko ‘yung nakasulat, at pinunit ko ito dahil hindi ko nagustuhan ‘yung nakasulat. Iyak ako nang iyak dahil iiwan na niya pala ako, at may iba na pala siyang mahal.


Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Lorna



Sa iyo, Lorna,


Maganda ang ipinahihiwatig ng panaginip mo na pinunit mo ang papel na nakita mo sa ibabaw ng kama n’yo, lahat ng alalahanin mo sa buhay ay tuluyan nang mawawala.


Matatapos na rin ang mga problema mo, dahil magkakaroon na ito ng solusyon.


Samantala, ang iyak ka nang iyak dahil hindi mo nagustuhan ang nabasa mo ay kabaligtaran ang ibig sabihin, ito ay nangangahulugan na liligaya at susuwertehin ka sa buhay. May mga grasyang darating, at yayayain mo ang kaibigan mo para mag-celebrate. 


Ang iiwan ka na ng asawa mo dahil may iba na siyang mahal, ito ay senyales na mahal ka ng asawa mo. Tapat at wagas ang pag-ibig niya sa iyo. Kaya naman tiyak na magtatagal ang inyong pagsasama. 


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

 
 

ni Estrellia de Luna @Panaginip Gabay ng Buhay | June 19, 2024



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Brenda ng Capiz.


Dear Maestra,


Napanaginipan ko na sobrang lungkot ko. Lumabas ako ng bahay upang mamasyal sa mall, at nakita ko roon ang dati kong kaibigan, at gaya ko malungkot din siya.


Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Brenda



Sa iyo, Brenda,


Kabaligtaran ang ipinahihiwatig ng panaginip mo na sobrang lungkot mo, ibig sabihin nito ay magiging masaya ka sa susunod na mga araw. May hindi ka inaasahang pangyayari na siyang magpapasaya sa iyo.


Samantala, ang lumabas ka ng bahay, pumunta ka sa mall, at nakita mo roon ang dati mong kaibigan na malungkot ay pahiwatig na magiging mapalad, at susuwertehin sa pananalapi ang kaibigan mo. Isa pa, ito ay senyales na malapit na siyang yumaman.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna


 
 

ni Estrellia de Luna @Panaginip Gabay ng Buhay | June 18, 2024



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Jonathan ng Taguig.


Dear Maestra,


Napanaginipan ko na nasa gitna ako ng gubat, nakakita ako ng mga rabbit. Hinabol ko ‘yung isa para hulihin, ngunit hindi ko napansin na may kumunoy pala, at doon ako nalubog.


Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Jonathan



Sa iyo, Jonathan,


Ang ibig sabihin ng panaginip mo na nasa gitna ka ng gubat nakakita ka ng mga rabbit, hinabol mo ‘yung isa para hulihin ay napapaligiran ka ng mga kaaway mo. Gayunman, maiiwasan mo ito kung mag-iingat ka, talasan mo ang iyong pakiramdam at maging mapagmasid sa lahat ng sandali.


Ang nalubog ka sa kumunoy dahil ‘di mo ito napansin ay babala ng panganib sa iyong paligid dahil na rin sa iyong pagiging arogante at pagbigkas ng mga salitang hindi maganda pakinggan. Iwasan mong magpakita ng ‘di magandang ugali sa iyong kapwa. Maging mahinahon ka para ‘di ka mapaaway at malagay sa panganib.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

 
 
RECOMMENDED
bottom of page