top of page
Search

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | September 05, 2021



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Mameng ng Surigao.


Dear Maestra,

Napanaginipan ko na nag-shopping ako. Bumili ako ng maraming sabon at damit na ang tela ay silk dahil ‘yun ang gagawin kong souvenir sa best friend ko na malapit nang mag-birthday.

Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Mameng


Sa iyo, Mameng,

Maganda ang ipinahihiwatig ng panaginip mo tungkol sa damit na ang tela ay silk. Ito ay nangangahulugan ng magandang kapalaran, lalo na kung ikaw mismo ang magsusuot. Liligaya ka na at magkakamit ng mga pagpapala sa darating na mga araw.


‘Yun namang sabon, ito ay nagbababala ng panganib at kapahamakan pero maaari mong maiwasan kung gagamitin mo ang iyong isip at talino.


Gayunman, ang sabi mo ay gagawin mong souvenir ang mga pinamili mo, ito naman ay nangangahulugan na darami pa ang mga kaibigan mo at may pag-asang bumuti pa kaysa sa dati ang kasalukuyan mong kalagayan.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

 
 

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | September 04, 2021



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Rebecca ng Cebu.


Dear Maestra,

Magandang araw sa iyo at pagpalain nawa kayo ng Kataas-taasan. Nasa abroad ang dyowa ko ngayon at madalas ko siyang mapanaginipan. Kagabi ay napanaginipan ko na uuwi na siya pero hindi niya sasabihin ang petsa at bigla na lang daw siyang darating. Ang ginawa ko ay palagi kong inaayos ang kama namin para pagdating niya ay masiyahan siya. Ano ang ibig sabihin nito?


Naghihintay,

Rebecca


Sa iyo, Rebecca,

Kung sa panaginip mo ay masaya ang mukha ng karelasyon mo, ito ay nangangahulugan na tapat siya sa iyo. Mahal na mahal ka niya, subalit kung siya naman ay mukhang malungkot at parang may sakit, ang ibig sabihin niyan ay hindi siya tapat sa inyong pagmamahalan at may iba siyang mahal. Balat-kayo lamang ang pag-ibig niya sa iyo.


‘Yun namang inaayos mo palagi ang kama ninyo para pagdating niya ay masiyahan siya, nagpapahiwatig ito na magpapalit ka ng pinagkakakitaan. Kung ikaw ay kasalukuyang nagtatrabaho sa isang kumpanya, posibleng lumipat ka ng pinagtatrabahuhan.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

 
 

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | September 03, 2021



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Gio ng Camarines Norte.


Dear Maestra,

Nawa’y nasa mabuti kayong kalagayan, gayundin ang mga mahal ninyo sa buhay at mga kasamahan d’yan sa BULGAR. Gusto kong malaman ang kahulugan ng panaginip ko.

Madalas kong mapanaginipan na ako ay nagta-travel, hindi by bus o airplane kundi tren. Sa train ako sumasakay sa bawat travel ko. Ano ang ipinahihiwatig nito?


Naghihintay,

Gio


Sa iyo, Gio,

Ang ibig sabihin ng panaginip mo na tren ang iyong sinasakyan tuwing ikaw ay bumabiyahe ay mananatili ka sa isang lugar, kumbaga, hindi ka na makakaalis pa roon. Doon ka na mamamalagi ng mahabang panahon. Maaaring dahil sa pagpasok mo sa buhay may asawa at maaari ring dahil sa iyong kinagisnang pamilya na hindi mo kayang iwan.


Mabuti sana kung sa panaginip mo ay hindi ka sumakay sa tren, bagkus ay narinig mo lang ang whistle nito dahil ito ay nangangahulugan na malaking pagbabago ang magaganap sa buhay mo sa lalong madaling panahon. Maglalakbay ka sa malayong lugar at doon ay malaking suwerte at pagpapala ang mapasasaiyo.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

 
 
RECOMMENDED
bottom of page