top of page
Search

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | September 23, 2021



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Jannet ng Osamis, Occidental.


Dear Maestra,

Napanaginipan ko na nasa kagubatan ako, tapos marami akong nakita na tinapyas na puno at nakaharang sa daraanan ko. Inisa-isa kong buhatin ang mga ito para makaraan ako, tapos biglang nahulog ‘yung singsing ko sa bunton ng lumber na ‘yun. Buti na lang, nakita ko ulit ito at kinuha agad. Sa awa ng Diyos, naalis ko ‘yung nakaharang na mga tinapyas na puno at nakaraan ako nang maluwalhati at nakarating sa aking pupuntahan. Ano ang ibig sabihin nito?


Naghihintay,

Jannet


Sa iyo, Jannet,

Ang ibig sabihin ng panaginip mo na may nakaharang na mga tinapyas na puno sa daraanan mo, inisa-isa mo itong alisin hanggang biglang nahulog ang singsing mo sa bunton ng mga ‘yun pero nakita mo naman at agad na kinuha ay nagpapahiwatig ng hindi inaasahang grasya at pagpapala. Ibig sabihin, yayaman ka na at susuwertehin ka sa darating na mga araw. Buti na lang, nakita mo ulit ‘yung singsing na nahulog sa bunton ng mga tinapyas na puno dahil kung hindi mo ito natagpuan at tuluyang nawala, kamalasan ang ipinahihiwatig niyan. Salamat na lang at suwerte ang hatid ng panaginip mo.


Patuloy ka nawang pagpalain ng Diyos sa iyong pamumuhay at huwag kalimutang magbahagi sa kapwa ng tatamuhin mong pagpapala. Makikita mo, kapag hindi ka naging makasarili at maramot, ‘pag ibinahagi mo sa nangangailangan ang grasya mo, doble pa kaysa inaasahan ang magiging balik niyan. Ganyan kabuti ang Diyos sa mga taong kinalulugdan Niya at binibigyan ng mga pagpapala sa buhay.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

 
 

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | September 22, 2021



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Tintin ng Laguna.


Dear Maestra,

Nagbabalak na akong magpakasal sa lalaking napupusuan ko. May kaugnayan ba ang panaginip ko sa nalalapit naming kasal?

Napanaginipan ko na may natanggap akong mana mula sa kamag-anak namin na malaon na palang yumao. Nasa abroad siya kaya nagulat ako nang malaman na isa pala ako sa tagapagmana niya at tuwang-tuwa ako, tapos tawa ako nang tawa. Sobrang galak ang aking naramdaman. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Tintin


Sa iyo, Tintin,

Kapag may natanggap kang mana gaya ng nasa panaginip mo, ito ay nagbababala na hindi totoo ang ipinangako sa iyo ng lalaking balak mong pakasalan. Gusto lang niyang ma-impress ka sa kanya at pumayag na magpakasal kayo.


‘Yun namang sobrang tuwa mo at tawa ka nang tawa sa sobrang galak, ito ay nagpapahiwatig ng kabiguan, kung saan mabibigo ka sa iyong minimithi. Kung in love ka sa kasalukuyan, dapat kang mag-ingat dahil hindi tapat sa kanyang salita ang iyong minamahal. Dahil dito, maging maingat ka sa iyong pagpapasya at pagtitiwala sa taong hindi dapat pagkatiwalaan.


Mag-ingat ka rin sa pagbibitiw ng mga salita. Ang panaginip mo ay nagpapahiwatig din ng pagluha dahil sa sobrang lungkot na kakaharapin mo sa susunod na mga araw.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

 
 

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | September 13, 2021



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni John ng Zambales.


Dear Maestra,

Magandang araw sa inyo. Nais kong malaman ang kahulugan ng panaginip ko.

Napanaginipan ko na pumunta ako sa bukid namin at nakatuwaan kong magpalipad ng saranggola. Pinalipad ko ito nang pinalipad hanggang sa ubod ng taas na at halos umabot na sa langit. Nang magsawa ako sa pagpapalipad, naisip ko nang umuwi. May nadaanan akong mga kambing sa paligid. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

John


Sa iyo, John,

Maraming salamat sa pagsangguni mo sa akin tungkol sa iyong panaginip.


Ang ibig sabihin ng nagpalipad ka ng saranggola nang ubod ng taas na halos maabot na ang langit ay mapo-promote ka sa pinakamataas na posisyon sa pinapasukan mong kumpanya. Tatanggap ka ng karangalan at rerespetuhin ng lahat. Susuwertehin ka rin sa larangan ng pag-ibig. Nagpapahiwatig din ito ng paglalakbay na may kahalong pakikipag-deal sa isang malaking negosyo.


Tungkol naman sa mga kambing na nadaanan mo, ito ay nagpapahiwatig na ang mga lihim mong kaaway ay magtatangkang pabagsakin ka, subalit hindi sila magtatagumpay kung hindi ka magiging duwag at handang ipakita na hindi ka nila kaya.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

 
 
RECOMMENDED
bottom of page