top of page
Search

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | September 28, 2021



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Gregory ng Binangonan.


Dear Maestra,

Sumainyo nawa ang pagpapala ng Dakilang Lumikha. Gusto kong malaman ang kahulugan ng panaginip ko.

Napanaginipan ko na naglalakad ako sa isang napakagandang park at masayang-masaya ako. Naglakad ako nang naglakad at paikot-ikot sa park, tapos may nakita akong mga parrot na nagliliparan sa paligid. Ang gaganda ng kulay ng pakpak at nagkikislapan pa ang mga ito, tapos lalo akong sumaya at tuwang-tuwa. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Gregory


Sa iyo, Gregory,

Ang ibig sabihin ng panaginip mo na naglalakad ka sa isang magandang park ay tagumpay sa negosyo, mabubuting mga kaibigan, kalusugan ng katawan at kaligayahan.


‘Yun namang mga parrot na may magagandang kulay ng pakpak at nagkikislapan, ito ay nagpapahiwatig na maglalakbay ka sa ibang bansa at doon mo na rin matatagpuan ang iyong magiging partner sa buhay at makakapag-asawa ka na roon. Nagpapahiwatig din ang panaginip mo ng masayahin at madaldal na kabiyak ng buhay ang magiging asawa mo.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

 
 

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | September 27, 2021



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Danilo ng Pasay City.


Dear Maestra,

Ako ay isang seaman. Madalang akong umuwi sa pamilya ko, kaya madalas ay nag-aalala ako sa kalagayan ng asawa at mga anak ko.

Napanaginipan ko na huminto ang barko namin sa pampang ng dagat, tapos andaming talaba sa pampang. Kinuha namin ang mga ito at iniluto sa loob ng barko, tapos ginawa naming pulutan ng mga kasama ko. Kinagabihan, ang sakit ng buong katawan ko at hindi ako nakabangon agad kinabukasan. Ano ang ipinahihiwatig nito?


Naghihintay,

Danilo


Sa iyo, Danilo,

Ang ibig sabihin ng talaba sa panaginip mo ay kailangan mo pa ng mahabang pagtitiyaga at pagsusumikap dahil ang mga plano mo sa buhay ay matagal pa bago magkaroon ng katuparan. ‘Yun namang sumakit ang katawan mo matapos kumain ng talaba na siyang naging pulutan ninyo ng mga kasamahan mo, ito ay nagpapahiwatig na bagama’t matagal ang pag-asenso mo, sulit naman ang pagsusumikap at pagtitiyaga mo dahil ang kapalit niyan ay pag-unlad at kasaganaan sa buhay.


Dahil dito, ipagpatuloy mo lang ang pagsusumikap at pagtitiyaga. Huwag kang susuko sa mga pagsubok. Manalig ka sa kasabihan na ‘pag may tiyaga, may nilaga.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

 
 

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | September 26, 2021



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Geraldine ng Zamboanga.


Dear Maestra,

Napanaginipan ko na nasa kusina ako at naghihintay na maluto ‘yung cake sa oven. Nakarinig ako ng napakagandang music sa organ kaya pumunta ako sa loob ng bahay para tingnan kung sino ‘yung tumutugtog. Nasunog tuloy ‘yung cake na niluluto ko dahil nakalimutan kong balikan agad. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Geraldine


Sa iyo Geraldine,

Ang ibig sabihin ng nakarinig ka ng magandang music sa organ ay kaligayahan, kasaganaan at papalarin ka sa buhay may-asawa.


‘Yun namang oven ay nangangahulugan ng tagumpay sa darating na panahon. Pero ang sabi mo ay nasunog ‘yung cake na niluto, ito ay nagpapahiwatig ng pag-aaway at hindi pagkakaunawaan dahil pagseselosan ka ng iyong matalik na kaibigan. Dahil d’yan, ihanda mo ang iyong sarili sa hindi inaasahang pag-aaway ninyo ng best friend mo. Gayundin, maging mahinahon ka at gamitin mo ang iyong kutob bago mangyari ang ipinahihiwatig ng panaginip mo.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

 
 
RECOMMENDED
bottom of page