top of page
Search

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | October 04, 2021



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Girlie ng Isabela.


Dear Maestra,

Nais kong malaman ang kahulugan ng panaginip ko kagabi. Napanaginipan ko na andaming langaw sa kusina namin. Lumabas ako para bumili ng pamatay sa langaw, tapos biglang nagkaroon ng fog sa daraanan ko.

Hindi na lang ako nagpatuloy sa paglakad, sa halip ay bumalik na lang ako sa bahay. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Girlie


Sa iyo, Girlie,

Ang ibig sabihin ng panaginip mo na maraming langaw sa kusina ninyo ay makokonsumi ka sa dami ng nakakainis na mga pangyayaring darating sa buhay mo dahil halos sabay-sabay ang paparating na problema.


‘Yun namang paglabas mo ay biglang naging foggy sa daraanan mo, ito ay nagpapahiwatig na hindi magiging stable o panatag ang kondisyon o kalagayan mo sa darating na mga araw.


Babagabagin ka ng mga problemang hindi inaasahang darating sa buhay mo. Nagpapahiwatig din na ibayong pag-iingat ang dapat mong gawin. Maging matalino at mapagmasid ka sa kapaligiran dahil kung hindi, mararanasan mo ang matinding kapighatian.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

 
 

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | October 03, 2021



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Jerrico ng Romblon.


Dear Maestra,

Nasisiyahan akong basahin ang column ninyo sa BULGAR. Hanga ako sa pag-aanalisa ninyo sa mga panaginip na ikinukonsulta sa inyo ng mga mambabasa, kaya gusto ko ring magpaanalisa ng aking panaginip.

Napanaginipan kong pumunta ako sa aming taniman ng mga gulay, tapos nasiyahan ako nang makita ko ang tanim kong repolyo. Kumuha ako ng kaunti at inuwi sa bahay, tapos agad ko itong iniluto pero hindi ako nasarapan sa lasa ng repolyo. Medyo mapait ito kaya kaunti lang ang nakain ko. Ano ang ibig sabihin nito?


Naghihintay,

Jerrico


Sa iyo, Jerrico,

Kapag ang isang tao ay nanaginip ng repolyo, hindi maganda ang kahulugan nito. Nagpapahiwatig ito na mawawalan ka ng pera dahil may magtatangkang pagnakawan ka. Nagbababala rin ang panaginip mo na dapat kang mag-ingat sa pakikisalamuha sa mga kaibigan mo dahil ang isa r’yan ay lihim na naiinggit sa iyo. Nagbabalak siya ng masama sa tindi ng selos. Maaaring saktan ka niya nang patalikod, kaya maging mapagmatyag ka sa kapaligiran upang makaligtas sa anumang uri ng kapahamakan.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

 
 

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | September 29, 2021



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Rowena ng Cotabato.


Dear Maestra,

Magandang araw sa inyong lahat d’yan. Dalangin ko sa Diyos na iligtas Niya kayo sa lahat ng panganib at kapahamakan. Gusto kong ipaanalisa sa iyo ang panaginip ko.

Napanaginipan ko na ang lungkot-lungkot ko, tapos nasa isang lugar ako kung saan malungkot din ang mga kasama ko. Ang ginawa ko ay lumabas at naglakad-lakad, tapos may nadaanan akong garden na maraming rosas na para bang basa pa ng hamog at sariwang-sariwa pa. Bigla akong sumaya at gumanda ang pakiramdam na para bang feeling in love ako. Naalala ko tuloy ang boyfriend ko noon. Binigyan niya ako ng bouquet of roses nang una siyang dumalaw sa akin.

Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Rowena


Sa iyo, Rowena,

Kabaligtaran ang ipinahihiwatig ng panaginip mo na ikaw ay malungkot na malungkot kasama ng iba pa na pawang malungkot din. Ito ay nangangahulugan na magiging maligaya ka sa darating na mga araw. Madadagdagan pa ang kaligayahan mo dahil may kaibigan ka na biglang yayaman at magse-celebrate kayo dahil hindi niya sukat akalain may suwerte pala siyang makakamit.


‘Yun namang rosas sa panaginip mo na ang sabi mo ay sariwang-sariwa at basa pa ng hamog, ito ay nangangahulugan ng tagumpay sa negosyo, kaligayahan at kayamanan. Mabuti na lang ay sariwang-sariwa pa ang roses na napanaginipan mo, kasi kung malapit na itong malanta, hindi na kaaya-ayang tingnan, gulo at kamalasan ang ibig sabihin nito. Hanggang dito na lang, sana ay nasiyahan ka sa pag-aanalisa ko sa panaginip mo.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

 
 
RECOMMENDED
bottom of page