top of page
Search

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | August 19, 2021



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Alma ng Caloocan.


Dear Maestra,

Nais kong isangguni ang mga panaginip ng aking pinsan.

Ang una ay napanaginipan niyang magkasama ang aking nanay at tatay na nakahiga sa kama, pero alternate ang posisyon ng pagkakahiga at nakamulat ang kanilang mga mata. Kinumusta raw niya ang mga magulang ko, pero hindi sila nagsasalita at nakatitig lang sa kanya. Sa totoong buhay, ang tatay at nanay ko ay pareho nang patay. Nangyari ito pagkatapos ng death anniversary ng nanay ko noong nakaraang taon.

‘Yung pangalawang panaginip niya ay magkasama ulit sina nanay at tatay. Nangyari naman ‘yun noong May ngayong taon, bago ang death anniversary ng nanay ko. Sa panaginip niya, parehong nakatayo sina nanay at tatay, tapos may ibinibigay sa kanyang puting papel ang tatay ko. Nang tanungin niya kung para saan ang papel, hindi naman sila nagsasalita. Tapos kinumusta ulit niya kasi buhay na buhay sila sa panaginip niya, pero hindi rin sila nagsasalita.

Nagtataka ang pinsan ko kung bakit nagpapakita ang aking mga magulang sa kanyang panaginip nang magkasunod na taon. Ang pinsan kong ito ay ulilang lubos mula nang maliliit pa silang magkakapatid. Nagtataka rin siya dahil kahit minsan ay hindi nagpakita sa panaginip niya ang kanyang mga magulang.

Anu-ano ang mga ibig sabihin nito?


Naghihintay,

Alma


Sa iyo, Alma,

Una sa lahat, nais kong ipabatid sa iyo na ang mga yumaong mahal natin sa buhay ay patuloy pa ring sumusubaybay sa atin na nandito pa sa mundong ibabaw. Physical body lang nila ang nawala o namatay, pero ang kaluluwa nila ay buhay na buhay at patuloy na nakasubaybay sa landas ng ating buhay, mula sa sa pakikibaka, pagtitiis, dalamhati, kapighatian, sila ay nagpaparamdam upang ipaalala na hindi ka nag-iisa. Handa silang ipagdasal ka, hingin ang tulong ng Diyos upang hanguin sa mga kapighatiang dumarating. Ganyan ang nangyayari at dinaranas ng pinsan mo na maagang naulila. Nagpaparamdam ang parents mo sa kanya sa dahilang alam nila na kailangan ng pinsan mo ang moral support upang hindi panghinaan ng loob.


Ang ibig sabihin ng puting papel na ibinibigay sa pinsan mo ay nangangahulugan na matatapos na ang mga pighati niya sa buhay. Matutupad na ang pinakamimithi niya sa buhay sa pamamagitan ng isang lalaking nagmamahal sa kanya nang tapat o kaibigan na nagmamalasakit sa kalagayan niya ngayon. Liligaya at pagpapalain na siya. Gagantimpalaan na ng Diyos ang pagsasakripisyo niya sa buhay.

Mayroon din siyang matatanggap na regalo nang hindi niya inaasahan at masu-surprise siya sa mga biyayang darating. May magandang balita rin siyang matatanggap galing sa dati niyang kaibigan na matagal na niyang kakilala.


Kaya huwag siyang mabalisa o mag-alala kung nagpaparamdam sa panaginip niya ang parents mo. Nawa’y magkaroon ng kaganapan ang kahulugan ng panaginip ng pinsan mo. Pakisabi sa kanya, think positive. Walang dapat ipag-alala kung nagpapakita sa panaginip niya ang parents mo dahil patuloy pa rin silang nakasubaybay sa kanyang paglalakbay sa landas ng kanyang buhay dito sa mundong ibabaw.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

 
 

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | August 17, 2021



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Lorna ng Pasig.


Dear Maestra,

Magandang araw sa inyo. Sana ay palagi kayong safe r’yan at manatili nawang No.1 ang inyong pahayagan. Tagasubaybay ako ng column ninyo at gusto kong malaman ang kahulugan ng panaginip ko.

Pumunta kami sa supermarket ng friend ko at bumili kami ng cheese. Nang magawi kami sa fruit section, nakakita ako ng cherries. Parang ang sarap ng mga ito at mukhang matamis dahil sariwa at parang bagong pitas pa, pero nang hawakan ko, may nakita akong uod. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Lorna


Sa iyo, Lorna,

Una sa lahat, binabati kita ng isang mapagpala, mapayapa at panatag na araw sa inyong lahat d’yan. Maraming salamat din sa iyong pagsangguni tungkol sa panaginip mo.


Ang ibig sabihin ng bumili kayo ng cheese ng kaibigan mo ay hindi tapat sa iyo ang karelasyon mo. Kumbaga, hindi ka niya totoong mahal dahil may mahal siyang iba.


‘Yung cherries ay nangangahulugan ng pakabigo sa larangan ng pag-ibig. Mabibigo ka sa inaasam-asam mong pagmamahal ng lalaking iyong tinatangi at pinahahalagahan.


Samantala, ang uod na nakita mo sa cherries ay nagbababala na isa sa iyong mga kaaway ay pagtatangkaang sirain ang mga plano mo. Magkukunwari siyang kaibigan at ‘yun pala ay lihim mo siyang kaaway. Ingatan mo ang sobrang tiwala sa mga kaibigan dahil wala kang kamalay-malay, isa pala sa kanila ang magpapabagsak sa iyo.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

 
 

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | August 15, 2021



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Antonio ng Capiz.


Dear Maestra,

Magandang araw sa inyo r’yan sa BULGAR. Tagasubaybay ako ng column ninyo at gusto kong alamin ang kahulugan ng panaginip ko.

Bumili ako ng isang magandang sumbrero na pambukid para gamitin ko tuwing pupunta ako sa bukid namin. Kinabukasan, maaga akong gumising at ginamit ko na ito. Isinuot ko ang bago kong sumbrero at pinuntuhan ko ang maliit naming bukid na matagal na naming sinasaka. Agad kong kinuha ‘yung mga dayami at isinalansan ko ito nang maayos hanggang maging kasing taas ito ng bundok. Ano ang ibig ipahiwatig ng panaginip ko?


Naghihintay,

Antonio


Sa iyo, Antonio,

Ang panaginip mo na bumili ka ng magandang sumbrerong pambukid at ito ay ginamit mo agad, nagpapahiwatig ito na matutupad na ang pinakamimithi mo sa buhay sa lalong madaling panahon. Susuwertehin ka rin sa negosyo at uunlad na ang kabuhayan mo.


‘Yun namang tungkol sa dayami na isinalansan mo at kasing taas na ng bundok, napakaganda ng kahulugan nito. Magugulat ka dahil magkakatotoo na sa wakas ang isang bagay na matagal mo nang ipinagdarasal at minimithing makamit sa buhay. Paparating na ang sunud-sunod na suwerte at mga pagpapala sa iyo.


Huwag mong kalimutang magpasalamat sa Diyos sa mga biyayang darating at bahagian mo na rin ‘yung ibang taong kapos-palad kung inaakala mo na sobrang grasya at pagpapala ang biglang dumating sa iyong buhay. The more you help others who are in need, the more blessings will return back to you by Lord God, the father almighty.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

 
 
RECOMMENDED
bottom of page