top of page
Search

ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | October 20, 2023


Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Jomarth ng Laguna.


Dear Maestra,


Napanaginipan ko na pinasok kami ng magnanakaw, giniba nila ‘yung gate namin, at dahil luma na ito madali nila itong nasira, kaya agad silang nakapasok.


Kinabukasan, bumili ako ng bakal para magawa ‘yung gate. Nagpunta ako sa hardware, at nadumihan ang damit ko nang buhatin ko ‘yung bakal.


Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Jomarth


Sa iyo, Jomarth,


Ang panaginip mo na nanakawan kayo, pinasok ang bahay n’yo ay babala na may mawawala sa iyong ari-arian. Sa madaling salita, posibleng magkatotoo ang panaginip mo kaya dapat mong ingatan ang iyong mga gamit lalo na kung ito ay mahalaga at mamahalin.


Ang bumili ka ng bakal sa hardware para magawa ‘yung gate, ay nangangahulugang kakailanganin mo ang ibayong lakas ng iyong katawan upang magampanan mo ang mga gawaing nakaatang sa iyo. Iwasan mong magkasakit, laging kang mag-exercise upang lumakas ang iyong katawan para makayanan mo ang mabibigat na gawaing dapat mong tapusin.


Samantala, ang nadumihan ang damit mo, ay nagpapahiwatig na may lihim kang kaaway na magiging sanhi ng kalungkutan mo sa buhay. Gagawin niya ang lahat para hindi ka lumigaya sa piling ng iyong minamahal.

Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna




 
 

ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | October 19, 2023


Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Florida ng Batangas.


Dear Maestra,


Napanaginipan ko na pumunta ‘yung mayor namin sa barangay. Naghahanap siya ng puwesto para pagtayuan ng fast food chain. May kasama siyang magandang babae, nilapitan niya ko at sinabing kami raw ang magma-manage ng fast food chain.


Natuwa ako sa sinabi niya, at bumili rin siya ng lupa para pagtayuan ng magiging bahay namin. Tiningnan ko ‘yun bakuran. May puno rito ng bayabas, hinog na mga bunga kaya sinungkit namin.


Ano’ng ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Florida


Sa iyo, Florida,


Napakaganda ng kahulugan ng iyong panaginip na nagpunta ang mayor n’yo sa inyong barangay. Ang ibig sabihin n’yan ay makakatanggap ka ng karangalan, pararangalan ka bilang natatanging mamamayan ng inyong barangay.


Ang magtatayo siya ng fast food chain d’yan sa barangay n’yo, ikaw at ‘yung magandang babae ang magma-manage, ay nagpapahiwatig ng kasaganaan at magandang pamumuhay, sasagana at liligaya na ang iyong buhay, at hindi ka na kakapusin. Ito rin ay nangangahulugan na magiging masaya ang iyong lovelife.


Samantala, ang bumili ng lupa si mayor para pagtayuan ng bahay n’yo, ay senyales ng kayamanan at pagiging malaya sa buhay. Yayaman at mamumuhay ka ng walang nakikialam.


Malaya mong magagawa ang mga bagay na iyong gusto.


Ang hinog na bayabas sa bakuran, ay tanda na magtatagumpay ka sa iyong pinapangarap, at makakamit mo rin ang iyong mga pangarap.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna


 
 

ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | October 18, 2023


Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Carmen ng Pangasinan.

Dear Maestra,


Napanaginipan ko na nag-almusal ako ng tinapay at pinalamanan ko ito ng keso habang uminom ako ng mainit na kape. Pagkatapos ko mag-almusal, nagbihis na ako upang pumasok sa opisina.


Ano ang ibig ipahiwatig ng panaginip ko?

Naghihintay,

Carmen

Sa iyo, Carmen,


Ang ibig sabihin ng panaginip mo na nag-almusal ka, at uminom ka ng mainit na kape, ay malapit nang guminhawa ang iyong buhay. Paparating na ang mga grasya at pagpapala sa iyo, at tiyak na yayaman ka na.


Ang kumain ka ng tinapay, ay nangangahulugang malulusutan at maiiwasan mo ang paparating na problema.


Ang keso na palaman mo sa tinapay, ay nagpapahiwatig na hindi tapat sa iyo ang dyowa mo. May inililihim siya sa iyo. Samantala, ang nagbihis ka na pagkatapos mag-almusal upang pumasok sa opisina, ay tanda ng kaginhawaan sa iyong buhay pero tama lang.


Hindi mayaman, hindi rin mahirap. Tamang-tama lang para sa iyong pangangailangan.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna



 
 
RECOMMENDED
bottom of page