top of page
Search

ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | October 23, 2023


Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Regie ng Baguio.


Dear Maestra,


Napanaginipan ko na naliligo ako sa beach nang may biglang lumitaw na balyena na akma akong sasagpangin. Bigla akong binangungot, 'yun pala ay nananaginip lang ako.


Ano ang ibig sabihin nito?


Naghihintay,

Regie


Sa iyo, Regie,


Ang ibig sabihin ng panaginip mo na naliligo ka sa beach ay depende kung malinaw o malabo ang tubig.


Kung malinaw ang tubig, ito ay tanda ng kaligayahan at kasaganaan. Liligaya at sasagana na ang iyong pamumuhay. Ngunit, kung malabo ang tubig, ito ay babala ng kalungkutan at mga pagdurusa sa buhay. Makakaranas ka ng kamalasan sa susunod na mga araw.


Samantala, ang biglang may lumitaw na balyena at akmang sasagpangin ka, ito ay nagpapahiwatig na isa sa mga matalik mong kaibigan ay makakapangibang-bansa, makakapagtrabaho siya ru’n sa abroad, at tuluyan na kayong magkakalayo.


Ang binangungot ka, ito ay senyales na alipin ka ng isang taong hindi mo mahindian.


Nasa ilalim ka ng kanyang impluwensya. Sa lalong madaling panahon, umiwas ka na sa kanya. Gawin mo na ito bago pa mahuli ang lahat.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna


 
 

ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | October 22, 2023


Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Rosita ng Malabon.


Dear Maestra,


Napanaginipan ko na pumayat ako ng sobra at para bang galing ako sa malubhang sakit. Umiyak ako nang umiyak dahil naawa ako sa sarili ko.


Ang daming luha sa mata ko, hanggang sa nakaramdam ako ng pagkauhaw. Kaya agad akong kumuha ng tubig sa refrigerator at uminom nang uminom.


Ano’ng ibig sabihin ng panaginip ko?

Naghihintay, Rosita

Sa iyo, Rosita,


Ang ibig sabihin ng panaginip mo na pumayat ka na para bang may malubha kang sakit, ay susuwertehin ka sa mga pinaplano mo sa buhay. Magtatagumpay ka sa kasalukuyan mong pinagkakaabalahan mapa-trabaho o negosyo man ito.


Ang umiyak ka nang umiyak, ay nangangahulugang matatapos na ang iyong mga paghihirap, at yayaman ka na. Magse-celebrate kayo ng mga kaibigan mo, at iimbitahan mo sila sa isang simpleng salu-salo.


Samantala, ang nakaramdam ka ng pagkauhaw, agad ka kumuha ng tubig sa refrigerator para uminom, ay halos pareho rin ang kahulugan, ito ay tanda nang kasaganaan, pagpapala at mga biyaya na malapit nang mapasaiyo. Gaganda na ang iyong buhay, at ‘di ka na maghihirap pa.

Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna


 
 

ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | October 21, 2023


Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Emma ng Taguig.


Dear Maestra,


Mahigit tatlong taon na akong biyuda. Napanaginipan ko na nag-asawa akong muli, at pinatulan ko ‘yung asawa ng kapitbahay namin.


Nakaraan naman, napanaginipan ko na bumalik ako sa pagkabata, at iniinsulto ako ng mga kalaro ko.


Ano’ng ibig sabihin ng mga panaginip ko?

Naghihintay,

Emma


Sa iyo, Emma,


Kapag ang isang babae ay walang asawa, hindi na ito muli pang makakapag-asawa, at tatanda na itong dalaga na walang kaagapay sa buhay. Pero, dahil ang sabi mo ay biyuda ka na, ang ibig sabihin nito ay malapit ka nang makapag-asawa. Pakakasalan ka ng lalaking napupusuan mo.


Ang pinatulan mo ‘yung asawa ng kapitbahay mo, ito ay nagpapahiwatig na hindi mo papansinin ang mga lalaking nagpaparamdam sa iyo, at dededmahin mo lang ang mga pambobola nila sa iyo.


Samantala, ang bumalik ka sa pagkabata mo, ay senyales na magtatagumpay ka sa negosyo at liligaya ka sa larangan ng pag-ibig. Magiging masaya ang lovelife mo kung papansinin mo ang mga manliligaw mo.


Ang ininsulto ka ng mga kalaro mo, ay tanda na mag-aaway kayo ng mahal mo.


Maaaring mauwi ito sa hiwalayan, magpapatuloy ito kung hindi mo babaguhin ang iyong pag-uugali.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna


 
 
RECOMMENDED
bottom of page