top of page
Search

ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | October 30, 2023



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Dorry ng Naic, Cavite.


Dear Maestra,


Madalas kong mapanaginipan ang tungkol sa aking buhok, at minsan naman ay ang maduming kamay. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Dorry


Sa iyo, Dorry,


Depende sa buhok ang ibig sabihin ng iyong panaginip. Kung sinusuklay mo ang iyong buhok, ito ay pahiwatig na hindi tapat sa iyo ang iyong dyowa, at may mahal na siyang iba. Kung sa panaginip mo ay naging gray ang kulay ng iyong buhok, ito naman ay nangangahulugan na mabibigo ka sa iyong mga pinapangarap. Kung gusut-gusot naman ang iyong buhok, ito ay paalala na iwasan mo ang pagsasalita ng kung anu-ano.


Sa madaling salita, iwasan mong maging tsismosa para 'di ka mapahamak.


Samantala, ang dumi ng iyong kamay mo, ito ay paalala na mag-ingat ka sa mga kaibigan mo.


May posibilidad na idamay ka nila sa mga maling kanilang ginagawa.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna


 
 

ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | October 29, 2023


Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Gio ng Zambales.


Dear Maestra,


Napanaginipan ko na pumunta ako sa gulayan namin, may makita akong malagong repolyo, pinitas at niluto ko ito. Agad ko itong kinain dahil mukhang masarap ang aking pagkakaluto.


Kinabukasan, bumalik ako para mamitas uli ng repolyo pero may baka akong nakita, hinabol ako nito kaya umuwi na lamang ako.


Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Gio


Sa iyo, Gio,


Ang panaginip mo na nagpunta ka sa gulayan, may nakita kang malagong repolyo, ito ay nangangahulugan na mawawalan ka ng pera, kaya ingatan mo ang iyong wallet, huwag mo ito ilagay kung saan-saan, huwag ka rin masyadong magtiwala sa iyong mga kasambahay, at i-lock mo palagi ang kabinet na pinaglalagyan mo ng iyong salapi.


Ang kinain mo agad ang niluto mong repolyo dahil mukha itong masarap, ito ay nagpapahiwatig na may lihim kang kaaway, handa niyang gawin ang lahat upang sirain ang iyong reputasyong pinakaiingat-ingatan.


Samantala, ang bumalik ka kinabukasan pero may nakita kang baka at hinabol ka nito, ay babala na may darating na gulo sa buhay mo. Pero, ‘wag kang mag-alala dahil malalampasan mo rin ito.

Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna


 
 

ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | October 25, 2023


Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Ollie ng Tarlac.


Dear Maestra,


Napanaginipan ko na pumunta ako sa bangko, nakausap ko ‘yung banker, at paglabas ko ng banko ay may nasalubong akong poging kalbo. Nakipagkilala siya sa akin, binata umano siya at gusto niya akong maging kaibigan.


Ano’ng ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Ollie


Sa iyo, Ollie,


Ang ibig sabihin ng panaginip mo na nagpunta ka sa bangko, ay babala na dapat kang maghanda sa paparating na hirap. Kailangan mong kumayod nang kumayod upang matugunan mo ang pang-araw-araw mong pangangailangan.


Ang nakausap mo ang banker, ay paalala na kailangan mong magdoble ingat dahil may posibilidad na mabiktima ka ng budul-budol gang. Talasan mo ang iyong pakiramdam, at huwag kang maniniwala basta-basta.


Samantala, ang may nasalubong kang lalaki, ay nangangahulugang tatanda kang dalaga hanggang sa huling sandali ng iyong buhay.


Ang kalbo pero pogi ang nasabing lalaki, ay tanda na may matatanggap kang masamang balita.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna


 
 
RECOMMENDED
bottom of page