top of page
Search

ni Maestra Estrellia de Luna @Panaginip Gabay ng Buhay | Oct. 10, 2024



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Geraldine ng Tarlac.


Dear Maestra,


Napanaginipan ko na madalas akong mawalan ng butones. Ang isa ko pang napapanaginipan ay ang kandila at baraha. Ano ang ibig sabihin nito?

Naghihintay,

Geraldine



Sa iyo, Geraldine,


Ang ibig sabihin ng panaginip mo na nawalan ka ng butones ay may makakatanggap kang magandang balita.


Ang kandila naman ay nangangahulugan ng kasiyahan, lalo na kung hinipan mo ito, gaya ng pag-blow mo sa birthday cake.


Samantala, kung naglalaro ka ng baraha, ito ay nagpapahiwatig na mabibiyuda ka hanggang sa huling sandali ng buhay mo.


Kung hinuhulaan mo ang sarili mo sa pamamagitan ng baraha ito ay nangangahulugan na bigyang pansin mo ang mabuting sinasabi ng baraha, dahil maaaring magkatotoo ang kahulugan nito.

Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna


 
 

ni Maestra Estrellia de Luna @Panaginip Gabay ng Buhay | Oct. 8, 2024



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Linda ng Pasig.


Dear Maestra,


Napanaginipan ko na birthday ko. May nagregalo sa akin ng cake, at may biglang dumating na dalawang paru-paro na nagpaikut-ikot sa akin. 


Patay na ang mga magulang ko, kaya naisip ko na baka sila ‘yung mga paru-paro na dumalaw sa akin. 


Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?

Naghihintay,

Linda


Sa iyo, Linda,


Ang ibig sabihin ng panaginip mo na may nagregalo sa iyo ng cake, dahil birthday mo ay susuwertehin ka sa lahat ng bagay.


Kung hinipan mo ang candle sa cake, ito ay nangangahulugan na magiging maganda ang kalusugan mo, at magiging masagana ka rin sa lahat ng bagay.


Pero kung hiniwa mo naman ang cake, ito ay nagpapahiwatig na pansamantala lamang ang suwerteng darating sa buhay mo. 


Samantala, ang may dumating na paru-paro ay senyales na liligaya ka na sa susunod na mga araw. 


Ang bilang ng dalawa ay tanda na pabagu-bago ang iyong isip, at madali kang magpalit ng desisyon. Ang inakala mong magulang mo ‘yung umikot na paru-paro ay babala na madadamay ka sa kaguluhan, pero may tutulong sa iyo, para maiwasan mo ito.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna


 
 

ni Maestra Estrellia de Luna @Panaginip Gabay ng Buhay | Oct. 7, 2024



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Jonathan ng Baguio.


Dear Maestra,


Ano ang ibig sabihin kapag madalas mong napapanaginipan ang eroplano at tulay?


Naghihintay,

Jonathan



Sa iyo, Jonathan,


Kung ang eroplano sa panaginip mo ay nasa himpapawid, at tanaw na tanaw mo ay pahiwatig ng malaking pagbabago sa takbo ng iyong buhay. 


Pero kung nakasakay ka sa eroplano, ito ay paalala na mag-ingat ka sa pagpapasya. Huwag kang pabigla-bigla, at planuhin mo muna ang mga binabalak mo para hindi ka mabigo.


Samantala, depende rin sa tulay ang ibig sabihin ng panaginip mo. Kung napadaan ka sa ilalim ng tulay, ito ay nangangahulugan na masasangkot ka sa kaguluhan, pero hindi rin ito magtatagal, dahil agad mo rin itong maiiwasan.


Kung ikaw naman ay naglalakad sa ibabaw ng tulay, o nakasakay sa sasakyan, ito ay senyales na magtatagumpay ka sa mga binabalak mo sa buhay. 


Pero kung tanaw na tanaw mo ang tubig, ito ay tanda na hindi mo agad makakamit ang tugatog ng iyong tagumpay. Alalahanin mo, hindi ito magic, dahil kailangan mong kumilos.

Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

 
 
RECOMMENDED
bottom of page