top of page
Search

ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | November 3, 2023


Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Tony ng Cavite.


Dear Maestra,


Napanaginipan ko na nag-aararo ako sa bukid nang biglang umulan. Sa simula, kaunti at banayad lang ang patak nito ngunit nang lumaon ay lumakas na ito ng lumakas.


At hindi rin nagtagal ay tumigil din ang ulan, maya-maya bigla raw may bahagharing lumitaw sa langit.


Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Tony


Sa iyo, Tony,


Ang ibig sabihin ng panaginip mo na nag-aararo ka sa bukid ay kaligayahan at kasaganahan sa buhay may-asawa. Matutuloy na ang binabalak mong pagpapakasal sa minamahal mo. Ang biglang umulan, sa simula ay kaunti at banayad lang ang patak ay nangangahulugan ng kasaganahan at kaligayahan sa buhay.


Samantala, ang palakas nang palakas ang ulan ay babala ng kaguluhan at kabiguan sa mga binabalak mong gawin. Ang may lumitaw na bahaghari sa langit matapos ang malakas na ulan ay tanda ng pagbabago sa iyong buhay na magdudulot ng kasaganahan, matatapos na ang paghihirap mo at yayaman ka na.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna


 
 

ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | November 2, 2023


Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Lauro ng Bicol.


Dear Maestra,


Napanaginipan ko na mayroong ginto na nakabaon sa likod ng aming bahay. Tuwing sasapit ang gabi habang natutulog ang lahat, nagpunta ako sa likod ng aming bahay para hukayin ito, nang may biglang lumitaw na higante, at may nakita rin akong multo, minulto umano ako ng father ko na matagal nang namayapa. Nagpakita siya sa akin at kinausap ako.


Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Lauro


Sa iyo, Lauro,


Ang panaginip mo na may gintong nakabaon sa likod ng inyong bahay, pinuntahan mo ito upang hukayin, ito ay babala na iwasan mong makipagsapalaran sa negosyo, maaari kang madaya. Kung mayroon kang dyowa, iwasan mong magselos, magbitiw ng masasakit na salita na maaaring maging dahilan para maghiwalay kayo.


Samantala, ang may lumitaw na higante, ito ay nagpapahiwatig na makakaranas ka ng malaking sagabal sa mga plano mo. Kakailanganin mo ang lakas ng iyong katawan at talas ng iyong isipan upang mapagtagumpay mo ito.


Ang may nakita kang multo, ay sign na kailangan mong mag-ingat sa pakikitungo sa mga mahal mo sa buhay. Ang nakita mo ang father mo na matagal nang yumao, ay pahiwatig na may darating na problema sa buhay mo pero ‘wag kang mag-alala dahil may tutulong naman sa iyo.


Ang kinausap ka ng father mo ay nagpapahiwatig na dapat mong sundin at ipatupad kung anuman ang sinabi niya sa iyo, gawin mo na ito agad!


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna



 
 

ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | October 31, 2023



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Raymond ng Pampanga.


Dear Maestra,


Napanaginipan ko na malabo umano ‘yung eyeglasses ko, hindi ko napansin ‘yung baso sa lamesa, kung kaya’t natabig at nabasag ko ito. Sa katunayan, wala akong suot na salamin nu’n, pero ang buong akala ko ay suot ko na ito. Samantala, lumuwag umano ‘yung garter ng pajama ko, at muntik na itong mapigtas.


Ano’ng ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Raymond


Sa iyo, Raymond,


Ang panaginip mo na malabo ang suot mong salamin kaya natabig mo ‘yung baso sa lamesa, ito ay nangangahulugang makakaranas ka ng kabiguan sa buhay pero hindi naman ito gaanong grabe dahil malalagpasan mo rin ito. Ang wala ka palang suot na salamin, ito ay nagpapahiwatig ng paghihiwalay. Mauuwi sa hiwalayan ang inyong relasyon dahil sa hindi pagkakaunawaan.


Samantala, ang lumuwag ang iyong garter, muntik na itong mapigtas, ay babala na madadamay ka sa gulo, kaya ngayon palang umiwas ka na sa mga kaibigan mong walang mabuting maidudulot sa iyo. Hindi naman ito grabe, konting gulo lang pero mabuti na rin ‘yung nag-iingat bago pa lumala ang lahat.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna


 
 
RECOMMENDED
bottom of page