top of page
Search

ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | November 12, 2023


Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Gio ng Pila, Laguna.


Dear Maestra,


Napanaginipan ko na naglalaro kami ng billiard ng pinsan ko. Kasali kami sa tournament, natalo kami kaya ako ang sinisi niya. Ako umano ang dahilan ng aming pagkatalo pero sa katunayan, siya naman talaga ang may kasalanan kung bakit kami natalo.


Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Gio


Sa iyo, Gio,


Ang ibig sabihin ng panaginip mo na naglaro kayo ng billiard at sumali kayo sa tournament, ay babala na kung hindi ka mag-iingat sa bawat kilos at pananalita mo, maaari kang madamay sa gulo. May nakaambang gulo r’yan sa paligid n’yo.


Samantala, ang sinisi ka ng pinsan mo dahil natalo kayo sa tournament pero siya naman talaga ang may kasalanan, ito ay senyales na maiiwasan mo ang mga kaaway mo, hindi ka nila magagapi. Sa halip, makikita mo pa ang kanilang pagbagsak.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna


 
 

ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | November 11, 2023


Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Ronnie ng Pampanga.

Dear Maestra,


Napanaginipan ko na may malaking memorial arch na ginagawa rito sa lugar namin.


Naglakad at dumaan ako sa ilalim nito, at nu'ng makalampas ako may nakasalubong akong iba’t ibang uri ng mga hayop.


Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?

Naghihintay,

Ronnie

Sa iyo, Ronnie,


Ang ibig sabihin ng malaking memorial arch ay magtatagumpay ka dahil sa iyong sipag at tiyaga. Ang naglakad at dumaan ka sa ilalim ng memorial arch ay nagpapahiwatig na makakaranas ka ng kabiguan at mga pagsubok sa buhay pero sa dakong huli, malalampasan mo rin ito at tuluy-tuloy na pagpapalain at magtatagumpay sa buhay.


Samantala, ang may nakasalubong kang iba’t ibang uri ng hayop, ito ay nangangahulugan na marami kang sakripisyo at paghihirap sa buhay pero ang lahat ng ito ay iyo pa ring mapagtatagumpayan. Mapapasaiyo pa rin ang mga biyaya at pagpapala. Yayaman at pagpapalain ka na sa dakong huli.

Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna


 
 

ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | November 10, 2023


Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Rosy ng Tarlac.


Dear Maestra,


Napanaginipan ko na kinuha ko ang apron para makapagluto. Kahit na marumi ito, sinuot ko pa rin ang apron. Butas din pala ito kaya tinahi ko muna nang bigla kong marinig ang iyak ng alaga kong baby kaya pinuntahan ko agad ito. May nakita akong lobo sa kwarto niya, kung kaya pinalipad ko ito. Tumigil na siya sa pag-iyak nang makita niyang pinalipad ko ang lobo at tumawa siya nang tumawa.


Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Rosy


Sa iyo, Rosy,


Ginamit mo ang apron kahit na marumi, ito ay nangangahulugan na magkakaroon ka ng mga bagong damit. Ang tinahi mo ang punit na apron, ay tanda na may bagong pag-ibig na darating sa buhay mo. Magkakagusto siya sa iyo, at liligawan ka niya.


Samantala, ang nadinig mong umiyak ‘yung alaga mong bata kaya pinuntahan mo ay nagpapahiwatig na may mga pagsubok sa iyong buhay at makakaranas ka ng kapighatian.


Ang tumigil siya sa pag-iyak nang makita niya ‘yung lobo, ay sign na may mga kaibigan kang maaasahan sa sandali ng kagipitan. Kaya huwag kang malungkot dahil may mga kaibigan ka na nagmamahal pa rin sa iyo.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna



 
 
RECOMMENDED
bottom of page