top of page
Search
  • BULGAR
  • Dec 11, 2023

ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | December 11, 2023


Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Lerma ng Laguna.

 

Dear Maestra,

 

Napanaginipan ko na ang daming loro na nagliliparan sa bubong namin. Ang ganda ng pakpak nila, lalo na kapag nasisinagan ng araw dahil nagkikislapan ang mga kulay nito. Subalit, ‘yung tatlo ay parang malungkot at walang sigla sa paglipad. 

 

Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?

 

Naghihintay,

Lerma

 

Sa iyo, Lerma,

 

Ang ibig sabihin ng panaginip mo na ang daming parrot na nagliliparan sa bubong n’yo ay maglalakbay ka sa ibang bansa, at du’n mo matatagpuan ang magiging kabiyak mo.


Pakakasalan ka niya sa lalong madaling panahon. 

 

Samantala, ang nagkikislapang mga kulay ng kanilang pakpak ay nagpapahiwatig na may mga kaibigan kang bakla. Madaldal at masayahin sila. Nalilibang at masaya kayo kapag magkakausap at magkakasama kayo. 

 

Ang tatlong parrot naman na nakita mong malungkot at walang sigla ay sumasagisag naman sa ugali mo na ayaw dinidiktahan pero isa ka rin namang diktador. Ito rin ay sumisimbolo na bago mo marating ang tagumpay, matinding pagsubok muna ang iyong pagdadaanan.

 

Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

 

 
 

ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | December 10, 2023


Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Dolly ng Makati.

 

Dear Maestra,


Madalas kong mapanaginipan ang tungkol sa mga papel. Noong una, napanaginipan ko na may inabot sa akin ‘yung dyowa ko na puting papel at ang ganda ng pagkakatupi nito. 


Noong nakaraang gabi naman ay napanaginipan ko na may binigay sa akin ang best friend kong lukut-lukot at gusut-gusot na papel. 


Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?

 

Naghihintay,

Dolly

 

Sa iyo, Dolly,


Ang ibig sabihin ng panaginip mo na may inaabot sa iyo ‘yung dyowa mo na puting papel, ay kaligayahan, tagumpay at katuparan ng iyong mga minimithi sa tulong ng dyowa mo na walang hangad kundi ang tulungan ka sa lahat ng iyong adhikain sa buhay. 


Samantala, ang papel na lukut-lukot at gusut-gusot ay nagpapahiwatig ng pagkabalisa, magulong isipan, pagkabagabag ng puso’t kalooban na labis mong daramdamin at may posibilidad na maapektuhan ang iyong kalusugan. May posibilidad din na masangkot ka sa gulo. Makabubuting maging kalmado ka sa lahat ng sandali. Iwasang maging seryoso sa buhay, habaan pa ang pasensya at magpakumbaba.

 

Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

 

 

 
 

ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | December 9, 2023


Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Mar ng Marikina.

 

Dear Maestra,


Napanaginipan ko na bumili ako ng talaba, binanlian ko ito ng kumukulong tubig para makain na agad. Tinikman ko ito at nasarapan umano ako. Ang dami kong nakain, kaya sumakit ang tiyan ko. 

 

Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?

Naghihintay

Mar

Sa iyo, Mar,

 

Ang ibig sabihin ng panaginip mo na bumili ka ng talaba at binanlian mo ito ng kumukulong tubig para makain agad, ay matatagalan pa bago maganap ang mga plano mo. Dahil d’yan, dapat mong habaan ang iyong pasensya sa lahat ng mga binabalak mo.

 

Samantala, ang nasobrahan ang kain mo dahil nasarapan ka sa talaba ay nagpapahiwatig na sobrang yabang mo kung magsalita at ang taas ng tingin mo sa iyong sarili.

 

Ang sumakit ang tiyan mo dahil ang dami mong nakain ay kabaligtaran ang ipinahihiwatig. Ito ay nangangahulugan na makikinabang ka sa mga proyektong pinagkakaabalahan mo sa kasalukuyan dahil may biglang grasyang darating sa iyo. Magkakapera at magbubukas ka ng panibagong negosyo.

 

Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

 

 

 
 
RECOMMENDED
bottom of page