top of page
Search

ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | Marso 16, 2024



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Norma ng Tanay, Rizal. 


Dear  Maestra,


Napanaginipan ko na nasa palasyo ako. Ang ganda, tahimik, at nakaka-relax, nang bigla akong pinatawag ng reyna, hindi ko alam kung ano ang sasabihin niya hanggang sa nagising na ako.


Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Norma


Sa iyo, Norma,


Ang ibig sabihin ng panaginip mo na nasa palasyo ka, pinatawag ka ng reyna ay pag-asenso sa buhay. Magulat ka dahil bigla kang makakahawak ng malaking halaga.


Kung wala ka pang karelasyon, makikilala mo na ngayon ang iyong destiny. Ang lalaking iyon ay may mataas na posisyon sa gobyerno at siya na rin ang mapapangasawa mo. 


Samantala, ang ganda, tahimik at nakaka-relax na paligid ay senyales na matatapos na ang mga problema mo. Hindi ka na malulungkot, magiging payapa at panatag na ang iyong buhay. Ngayon na rin bubuhos ang grasya sa darating na mga araw.



Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna


 
 

ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | Marso 13, 2024



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Dante ng Bulacan.



Dear Maestra,


Magsasaka ang tatay ko at may kubo kami sa bukid. Madalas kong mapanaginipan ang bukid, pero hindi ang bukid namin. 


Ano kaya ang ibig ipahiwatig ng panaginip ko?


Naghihintay,

Dante



Sa iyo, Dante,


Kung sa panaginip mo ay naglalakad ka sa bukid na may magandang tanim, berde at malago ang mga dahon, ito ay nangangahulugan na matutupad mo na ang mga wish mo. Magtatagumpay ka sa iyong mga pangarap sa buhay. 


Kung sa panaginip mo ay bagong araro pa lang ang bukid, ito ay nagpapahiwatig na makakamit mo ang tagumpay kung patuloy kang magsusumikap sa buhay. Subalit kung tatamad-tamad ka, maaaring gumuho ang iyong mga pangarap. Mabibigo ka sa mga gusto mong marating. 


Samantala, kung sa panaginip mo kampante kang namamahinga sa bahay kubo n’yo, ito ay senyales na magkakaroon ka ng mga bagong kaibigan na maaasahan, matulungin, at masayang kasama.



Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna


 
 

ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | Marso 12, 2024



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala Louie ng Cavite.


Dear Maestra,



Napanaginipan ko na umiinom ako ng tsaa, binaba ko sa mesa ‘yung tasa, pero natabig ko ito, natapunan ang damit na suot ko at namantsahan. 


Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Louie



Sa iyo, Louie,



Ang ibig sabihin ng panaginip mo na umiinom ka ng tsaa ay mahaharap ka sa isang nakakainis na sitwasyon na kung saan labis kang mag-aalala. Subalit kung mag-iingat ka sa mga kilos at pananalita mo, maiiwasan mo ito.


Samantala, namantsahan ang damit mo dahil natapunan ng tsaa ay nangangahulugan na may darating na mga pangyayari sa buhay mo na magiging hadlang sa kaligayahan mo. Makakaranas ka ng kalungkutan sa susunod na mga araw.



Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna


 
 
RECOMMENDED
bottom of page