top of page
Search

ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | Ika-15 Araw ng Abril, 2024


Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Norma ng Quezon Province.


Dear Maestra,


Matagal na kaming hindi nagkikita ng tatay at nanay ko. Mula nang mag-asawa ako, hindi na ako nakauwi sa pamilya ko, dahil sumama ako sa probinsya ng asawa ko. 


Napanaginipan ko na pumunta rito sa bahay namin ang nanay ko. May dala siyang basket na puno ng mga prutas, at nagkuwentuhan kami. 


Noong nakaraang gabi naman, napanaginipan ko ‘yung tatay ko. Kinausap niya ako at pinayuhan kung paano magiging masaya ang pagsasama namin ng asawa ko. 


Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko ?


Naghihintay,

Norma


Sa iyo, Norma,

Ang ibig sabihin ng panaginip mo na dinalaw ka ng nanay mo riyan sa bahay n’yo, may dala siyang basket na puno ng prutas ay kasaganahan at kaligayahan sa buhay. Magiging masaya ka na sa piling ng iyong asawa. Sasagana na rin ang pamumuhay n’yo. 

Ang nakipagkuwentuhan ka sa nanay mo ay nagpapahiwatig na magiging masuwerte ka sa negosyo. Kikita ng malaki ang negosyong gusto mong pasukin. Simulan mo na ito agad, huwag na mag-alinlangan pa. 

Samantala, ang dinalaw ka ng tatay mo at pinayuhan ka niya kung paano magiging masaya ang pagsasama n’yo ay babala na may kakaharapin kayong problema sa susunod na araw. Subalit, hindi rin ito magtatagal dahil makakaisip ka rin naman ng paraan para masolusyunan ito.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna


 
 

ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | Ika-14 Araw ng Abril, 2024


Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni James ng Davao.


Dear Maestra, 


Napanaginipan ko na naglalakad ako sa baku-bakong daan. Madilim ang paligid kaya ‘di ko nakita ‘yung bato, at nadapa ako.


Gayunman, tumayo at nagpatuloy ako sa paglalakad. Mabuti na lang, may nabanaagan akong liwanag sa dako pa roon. 


Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

James


Sa iyo, James,


Ang ibig sabihin ng panaginip mo na naglalakad ka sa baku-bakong daan, madilim ang paligid, at nadapa ka ay makakaranas ka ng mga sagabal sa mga plano mo sa buhay.


Malaki ang magiging problema mo na halos ‘di mo malaman kung paano ito sosolusyunan. Dahil dyan, matatagalan pa bago mo makamit ang tagumpay. 


Samantala, ang nagpatuloy ka sa paglakad hanggang sa may nabanaagan kang liwanag ay nagpapahiwatig na kung hindi ka mawawalan ng pag-asa, patuloy na makikibaka sa mundo, at buong tapang na haharapin ang mga problema, sa dakong huli ay makakaraos ka rin. Uunlad ang iyong buhay at isa ka sa magiging pinakamayaman sa lugar n’yo.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna


 
 

ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | Ika-12 Araw ng Abril, 2024


Analisahin po natin ang panaginip na ipinadala ni Daniel ng Malabon.


Dear Maestra,


Napanaginipan ko na hinahabol ako ng dalawang aso. Kakawag-kawag ang buntot at parang gusto akong kagatin. Tumakbo ako nang mabilis at nagtago ako sa damuhan.


Ngunit, muntik naman akong tuklawin ng ahas.


Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Daniel


Sa iyo, Daniel,


Maganda ang ipinahihiwatig ng panaginip mo na hinahabol ka ng dalawang aso, kakawag-kawag ang buntot nila ay susuwertehin ka sa pag-ibig. Matatagpuan mo na ang babaeng pakakasalan mo. Kaya lang, malilito ka sa pagpili sa dalawang babae na napupusuan mo sa ngayon. Gayunman, pareho kang liligaya sa kanila, pareho silang inlab sa iyo at handa silang makasama ka habambuhay.


Ang bilang na dalawa ay nangangahulugan din ng pabagu-bagong desisyon. Oo na ang sagot mo, naging hindi pa. Madali kang magpalit ng desisyon, kumbaga may pagka-fickle minded ka. Makakabuting kung ano ang una mong desisyon, ‘wag mo nang baguhin dahil guided ka rin naman ng Holy Spirit sa una mong desisyon. Kapag binago mo, hindi na magiging maganda ang lahat. 


Samantala, ang tumakbo ka sa damuhan, muntik ka na matuklaw ng ahas ay babala na may lihim kang kaaway, ngunit hindi siya magtatagumpay sa masama niyang binabalak laban sa iyo, dahil matutunugan mo ito agad at makakagawa ka agad ng solusyon bago niya maisakatuparan ang masama niyang binabalak.



Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna


 
 
RECOMMENDED
bottom of page