top of page
Search

ni Estrellia de Luna @Panaginip Gabay ng Buhay | June 25, 2024



Analisahin natin ang panaginip ni Loida ng Iloilo


Dear Maestra, 


Madalas kong mapanaginipan ang lampara at tupa. Ano ang ibig sabihin nito?


Naghihintay,

Loida



Sa iyo, Loida,


Kung sa panaginip mo ay dala-dala mo ang lampara, at maliwanag ang sindi nito, ito ay nangangahulugan na magtatagumpay ka sa napili mong propesyon.


Kung malabo ang ilaw ng lampara, ito ay paalala ng kalungkutan. 


Kung tuluyan namang namatay ang ilaw ng lampara, ito ay babala na may hahadlang sa mga pangarap mo. Magdahan-dahan ka, para maabot mo ang tugatog ng tagumpay.


Samantala, ang tupa naman ay may iba't iba ring kahulugan. Kung dalaga ka pa, ito ay senyales na ikakasal ka na sa lalaking sobrang bait, mapagpakumbaba at may malawak na pananaw sa buhay. Isa pa, mabibiyayaan din kayo ng mga anak na matatalino at malulusog.


Subalit kung may asawa ka na, ito ay tanda na magiging maligaya ang pagsasama n’yo sa piling ng inyong magiging anak.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna


 
 

ni Estrellia de Luna @Panaginip Gabay ng Buhay | June 24, 2024



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Elvie mula sa Occidental Mindoro.


Dear Maestra,


Napanaginipan ko na nagwawalis ako sa bakuran namin dahil sobrang daming kalat ng tuyong dahon na galing sa puno ng mangga. Nang mapagod ako, laking gulat ko dahil nahirapan akong makahinga. 


Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay, 

Elvie



Sa iyo, Elvie,


Ang ibig sabihin na nagwalis ka sa bakuran n’yo ay dapat mong ituwid ang mga pagkakamaling nagawa mo sa nakaraang mga araw. Ito rin ay nangangahulugan na lahat ng iyong pagkukulang sa iyong pamilya ay kailangan mo nang isakatuparan. 


Ang mga tuyong dahon na galing sa puno ng mangga ay nagpapahiwatig na kailangan mong harapin ang mga pagsubok upang magtagumpay ka. Kailangan mo muna itong pagtiisan bago mo maabot ang iyong pinakamimithi.


Samantala, ang nahirapan ka makahinga ay babala na kailangan mong mag-ingat.


Huwag ka magtrabaho nang magtrabaho, isipin mo rin ang sarili mo dahil hindi na ito nakakabuti sa iyong kalusugan. Mag-ingat at maghanap ka ng balanse sa iyong mga gawain.


Matapat na sumasaiyo,


Maestra Estrellia de Luna

 
 

ni Estrellia de Luna @Panaginip Gabay ng Buhay | June 23, 2024



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Veronica mula sa Tagaytay.


Dear Maestra,


Napanaginipan ko na nasa isang napakatahimik na lugar ako. Walang ingay na maririnig, at kalmado ang lahat sa paligid. Tumingin ako sa langit at biglang lumitaw ang isang bahaghari. 


Ano ang ibig sabihin ng aking panaginip?


Naghihintay,

Veronica



Sa iyo, Veronica,



Ang ibig sabihin ng panaginip mo na nasa isang lugar ka na tahimik, walang ingay na maririnig, at kalmado lahat ang paligid ay hudyat na matatapos na ang mga alalahanin mo sa buhay. Malulutas na rin sa wakas lahat ng problemang gumugulo sa isip mo. Magiging kuntento at panatag na rin ang iyong isipan.


Samantala, ang nakakita ka ng bahaghari ay nagpapahiwatig na dapat kang matuwa dahil magkakaroon na ng mga pagbabago sa buhay mo na magdudulot sa iyo ng kaunlaran at kasaganahan. Tuluy-tuloy ka na ring yayaman. 


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna


 
 
RECOMMENDED
bottom of page