top of page
Search

ni Maestra Estrellia de Luna @Panaginip Gabay ng Buhay | July 21, 2024


Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Tony ng Ilocos Sur.


Dear Maestra,


Napanaginipan ko na may malubha akong sakit, at maaari itong mauwi sa cancer kung hindi ito maaagapan. 

Nang malaman ng aking kaibigan ang aking kondisyon, inalok niya ako na magbenta ng shabu upang magkaroon ako ng pera na maaari kong magamit sa pagpapagamot ko. Pumayag ako noong umpisa, pero kalaunan ay agad din akong tumanggi. 

Ano ang ibig sabihin ng aking panaginip?


Naghihintay,

Tony



Sa iyo, Tony,


Ang ibig sabihin ng iyong panaginip na may malubha kang sakit na maaaring mauwi sa cancer ay may posibilidad na matukso kang gumawa ng isang bagay na labag sa iyong kalooban, malaki rin ang tsansa na ika’y mapahamak. 


Ang pag-alok sa iyo ng kaibigan mo na magbenta ng shabu upang magkaroon ka ng sapat na pera para sa iyong pagpapagamot ay babala na maaari kang madamay sa isang kaguluhan. Pero, dahil sa umpisa mo lang ito tinanggap, at sa dakong huli ay tinanggihan mo rin ang alok, ito ay nagpapahiwatig na mapagtatagumpayan mo ang mga pagsubok mo sa buhay, at makakamit mo rin ang iyong minimithi sa buhay.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna






 
 

ni Maestra Estrellia de Luna @Panaginip Gabay ng Buhay | July 20, 2024


Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Helen ng Tanay Rizal. 


Dear Maestra,


Napanaginipan ko na nagkamalas-malas ako sa buhay, at para ba akong binagsakan ng langit at lupa sa sobrang kamalasan ko. Nagtungo ako sa Monasterio malapit sa amin, humingi ako ng tawad sa mga nagawa kong kasalanan, at hiniling ko rin sa Diyos na hanguin niya na ako sa kamalasan. 


Makalipas ang ilang saglit, may narinig akong magandang musika. Very solemn ang tunog at makapanindig balahibo ang musikang iyon. 


Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Helen



Sa iyo, Helen,


Kabaligtaran ang ipinahihiwatig ng panaginip mo na nagkamalas-malas ang buhay mo, ito ay nangangahulugang uunlad na ang buhay mo. Makakaramdam na kayo ng kaginhawaan at lalago na rin ang kabuhayan n’yo. 


Ang pumunta ka sa Monasterio upang magdasal at humingi ng tawad sa Diyos ay senyales ng kapayapaan, kalayaan at kaligayahan ng puso't isipan. 


Samantala, ang may narinig kang magandang musika na solemn ang dating ay tanda na hahaba pa ang buhay mo.Ito rin ay nagpapahiwatig ng pagmamahal mula sa iyong mga kaibigan. Kung wala ka pang asawa, ito ay senyales na liligaya ka sa buhay may asawa. Giginhawa at magsasama rin kayo habambuhay.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna






 
 

ni Maestra Estrellia de Luna @Panaginip Gabay ng Buhay | July 18, 2024



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Star ng Silang, Cavite.


Dear Maestra,


Napanaginipan ko ang biyenan kong babae, sumakabilang buhay na siya, at katatapos lang namin gunitain ang kanyang 40 days na pagkawala. 


Gaya ng dati, mataba pa rin siya, nakangiti at maaliwalas ang kanyang mukha. Magpapa-checkup umano siya kasama ng biyenan at ate ko. Inutusan ako ng biyenan ko na mag-withdraw ng pera para pambayad sa checkup. Habang nasa ATM Machine, ang tagal lumabas ng pera, at makalipas ang ilang sandali, nakita ko ‘yung dollar, pero bigla naman akong nagising. 


Ano kaya ang ibig sabihin ng panaginip ko?

Naghihintay,

Star



Sa iyo, Star,


Ang ibig sabihin ng panaginip mo na nagpakita sa iyo ang biyenan mong babae na nakangiti, at maaliwalas ang mukha ay susuwertehin ka sa maraming bagay. 


Ang 40 days ay nangangahulugan na kapag sinuwerte ka, sunud-sunod ito, at nakakagulat na biyaya ang nakalaan para sa iyo. 


Ang inutusan ka naman mag-withdraw ay sumisimbolo na magiging maganda, masagana, payapa at maayos ang buhay mo. 


Subalit, ang natagalan ka sa ATM Machine ay senyales na matatagalan pa bago ka tuluyang yumaman at magkapagkamit ng napakaraming biyaya sa buhay.


Samantala, ang dollar ay nagpapahiwatig na magiging dollar earner ka. May posibilidad na makatanggap ka ng pera galing sa mahal mo sa buhay na nagtatrabaho sa ibang bansa. Ito rin ay paalala na matuto kang mag-ipon at maghawak ng salapi.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna






 
 
RECOMMENDED
bottom of page