top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Palad | Sep. 27, 2024



Kapalaran Ayon Sa Palad

KATANUNGAN

  1. Gusto ko sanang malaman kung sa ano’ng edad ako magsisimulang yumaman? Sabi n’yo kasi ang mga taong may straight Head Line ang kadalasang yumayaman.

  2. Ganu’n kasi ang guhit sa aking palad, straight ang Head Line ko. Darating ba ang araw na yayaman din ako? Kung ‘di ako nagkakamali, kailan kaya ito mangyayari at magkakatotoo?

 

KASAGUTAN

  1. May bagong pilosopiya o aral na itinuro si Dikong Ben, habang sinusuri niya ang kaliwa at kanang palad ng isang kaibigang bumisita sa kanyang accounting firm office. 

  2. Habang kaharap ako, sabi niya sa akin, “Alam mo, Honorio, ‘yang mga manghuhula, nahuhulaan din nila ang nakaraan, kasalukuyan at ang darating, pero itong karunungang dala-dala ko na ituturo ko sa iyo ngayon ay iba!” “Iba?” ang may pagulat kong tanong sa medyo nagtatakang tinig. “Ano naman ang ikinaiba ng karunungan mo?” Muli kong inusisa ang aking kausap at sumagot siya ng, “Sapagkat ang ituturo ko sa iyo ngayon ay kung paano mo maipapatupad ang gusto mo! Alam mo, kung mahusay kang manghuhula, kahit pa makita mo ang nakaraan, kasalukuyan at ang darating pa lamang, wala itong saysay kung hindi mo naman maisasakatuparan ang gusto o hangarin ng namomroblemang tao.”

  3. Sabi pa ni Dikong Ben, “Kapag ang isang manghuhula ay may dala-dalang puwersa o enerhiya, kaya niyang ilipat sa kanyang hinuhulaan ang enerhiyang ito upang mangyari ang kanyang gusto at ang gusto ng taong kanyang hinuhulaan!” Sa susunod na mga araw, muli natin itong tatalakayin. 

  4. Samantala, tama ka Darrel, nagtataglay ka ng straight Head Line (Drawing A. at B. H-H arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na sa takdang panahong inilaan ng kapalaran, tunay ngang uunlad at yayaman ka, ito ay maingat na inilarawan ng pagkapal at pagsisimula ng Fate Line sa kalagitnaang bahagi ng Life Line (Drawing A. at B. L-L arrow b., F-F arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na sa edad mong 45 pataas hanggang 55, magsisimula ka nang yumaman dahil na rin sa kasalukuyan mong propesyon o trabaho na hindi ka umaalis sa nasabing linya.

  5. Kung saan, sa sinop na pamumuhay, mapo-promote ka sa iyong trabaho, madaragdagan ang mga sidelines mo (E-E arrow d.) hanggang sa bandang huli, hindi n’yo na mamamalayan ng misis  mo na malaki-laki na pala ang ipon n’yo sa iba’t ibang online investment, sapat na rin ito para matawag ng ilang mga tsismosa at dalahira ninyong mga kapitbahay na mayamang-mayaman na pala kayo.


DAPAT GAWIN

Ayon sa iyong mga datos Darrel, sa taong 2032 sa edad mong 45 pataas, unti-unti at tuluyan na ring magaganap ang pag-unlad ng inyong kabuhayan hanggang sa marating n’yo ang rurok ng kaunlaran, sa edad na 55 pataas.






 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Palad | Sep. 20, 2024



Kapalaran Ayon Sa Palad

KATANUNGAN

  1. Ano ang ibig sabihin ng isang Marriage Line na baluktot at magulo? Sa katunayan, may live-in partner ako ngayon. Pero pamilyadong tao na ito, may sarili naman kaming apartment, kaya lang minsan lang siyang dumadalaw sa akin. 

  2. Nahihirapan na ako sa kalagayan namin ngayon. Natatakot at kinakabahan din ako na baka isang araw, bigla na lamang dumating sa apartment namin ang tunay na misis ng kinakasama ko at away-awayin ako. 

  3. Maestro, may pag-asa bang maging legal wife ako ng lalaking kinakasama ko ngayon kahit na siya ay may asawa na? Kung saka-sakaling wala talaga akong pag-asa ru’n, may chance kaya na makapag-asawa ako ng isang binata at magkaroon ng matino at masayang pamilya?




KASAGUTAN

  1. Bukod sa pagiging magulo, may bilog at ‘di rin normal ang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad, na nagkaroon pang napakalaki ng bilog sa Heart Line mo (Drawing A. at B. h-h arrow b.). Ito ay isang malinaw na tanda na ikaw ay masusuong sa isang relasyong hindi normal. At dahil hindi normal ang nasabing relasyon, posible ngang ito ay ang kasalukuyan mo nang nararanasan, ‘yun bang nakikisosyo ka lang sa asawa o pag-aari ng iba.

  2. Ayon sa pag-aanalisa, malabo ka nang makaalis sa kasalukuyan mong kinasasadlakan, kung saan ikaw ay isang kabit o kerida, na kinumpirma pa ng magulo mong lagda. Bukod sa may malaking bilog, nagpaikut-ikot pa ito kung saan-saan, na nakalikha ng malaking hugis hoyo at sadyang nagpagulo sa iyong lagda. Tanda na sa umpisa pa lang, magulo na ang background ng iyong pamilya, at dahil may magulo kang pinanggalingan angkan o pamilya, maaaring ito rin ang nagtulak sa iyo upang ikaw ay pumatol sa lalaking may asawa na. Bagama’t hindi mo naman ito ginusto, pero paano ka nga ba makakawala sa magulong relasyon na pinasok mo? 

  3. Hindi na nga maganda ang Marriage Line mo (1-M arrow a.), pinagkalooban ka pa ng pangit at magulong Heart Line (h-h arrow b.). Ito ay isang malinaw na indikasyon, malinaw pa sa mineral water, na posible ngang habambuhay ka nang magiging kabit. Kaya wala ka na dapat gawin ngayon, kung halimbawang sustentado ka naman ng lalaking kinakasama mo, mas maganda kung mag-ipon ka nang mag-ipon, ngayon pa lang ay paghandaan mo na ang iyong future upang makapamuhay ka pa rin ng marangya at maligaya.

 

DAPAT GAWIN

Ayon sa iyong mga datos, Cynthia, kahit na gusto nating gawin ang tama at ituwid ang lahat, minsan mas nananaig pa rin ang ating kapalaran. Kaya dapat  kang mag-ipon nang mag-ipon, dahil nakatakda na sa iyong ang pagiging kerida habambuhay. 




 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Palad | September 18, 2024



Kapalaran Ayon Sa Palad

KATANUNGAN

  1. Naisipan kong kumonsulta sa inyo upang ipabasa ang aking kapalaran. Ako ay ipinanganak noong September 23, 1985. Sa edad kong ito, wala pa rin akong asawa o nobyo. May chance pa bang makapag-asawa ako at magkaroon ng sariling pamilya? 

  2. Sa career naman, ano ang dapat kong gawin para makapag-ipon? Ako na lang ang bumubuhay sa mga magulang ko, at minsan kinakapos din ako, kaya naman nawawalan na rin ako ng pag-asa. Sana matulungan n’yo ako para sumaya naman ang buhay ko. Ang ikinatatakot ko ay baka tumanda na akong dalaga. 



KASAGUTAN 

  1. Tandaang hindi totoo na nakatakda ang kapalaran. Sa halip, ang kadalasang nangyayari ay kalahati lang ang nakatakda at ang kalahati naman ay ang gagawin pa lang ng tao. Halimbawa, may puno ng mangga sa harap ng bahay n’yo, nagkaroon ng bunga, at hindi mo agad ito kinuha. Tiyak na mahuhulog ito sa lupa, at kakainin ng mga ibon, hanggang sa unti-unti na itong mabulok at hindi na mapakinabangan pa.

  2. Ganundin ang buhay ng tao. Kapag alam mong hinog na hinog ka na, mas maganda kung mag-aasawa ka na kaysa matulad ka sa mangga na nabulok. 

  3. Sa ganu’ng paraan, kung tadhana ang nagbibigay ng magagandang kapalaran, siya ang instrumento para mahinog ang mangga, habang ikaw naman ang gagawa ng paraan upang pitasin ito.

  4. Sa totoo lang, pang-asawa na ang edad na 25 hanggang 31, pero ‘yung iba na nasa edad 33 hanggang 45, ayaw pang mag-asawa. Pero bakit kaya? Maaaring wala kasi sa kanilang nagsasabing “Hoy mag-asawa ka na kaya,” at kumbaga sa mangga, “Hinog ka na, dapat ka nang pitasin,” at kapag hindi napitas ang hinog na mangga, darating ang panahong mabubulok ka, mahuhulog sa lupa at habambuhay na mag-iisa.

  5. Makakapag-asawa ka pa, Wenna, lalo na kung pagdudugtung-dugtungin mo ang pagsulat sa iyong pirma dahil magkahiwalay ang letrang “M” at” D”. Kaya dapat mo itong pagdugtungin hanggang matapos ang iyong apelyido sa letrang “Z” na may buntot na bilog. 

  6. Sa ganyang lagda, tuluy-tuloy na umawas paagos ang iyong libido patungo sa malaya, masaya at romantikong relasyon habambuhay. Kumbaga kasi sa isang rosas na nakatanim sa paso, kaunting alaga at dilig pa upang tuluy-tuloy nang gitawan ng ubod na sa bandang huli ay siya ring magiging mabango at magandang bulaklak. Ganundin sa pag-aasawa, kahit sabihin pang 40-anyos ka, kung gusto mo talagang mag-asawa, na madali namang kinumpirma at pinatunayan ng magkahiwalay na Head at Life Line (Drawing A. at B. H-H arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad, kung ikaw lang ang masusunod, kayang-kaya mo itong gawin. ‘Yun nga lang, dahil hindi magkakadugtong ang iyong lagda, para ‘di naaantala ang mga balak at gusto mong gawin sa buhay.



MGA DAPAT GAWIN

  1. Ngunit ngayon, ‘wag ka nang malungkot at mawalan ng pag-asa dahil ayon sa iyong mga datos, kahit 39 na ang iyong edad, kung sisimulan mong pagdugtungin ang iyong lagda, Kumbaga, isulat mo nang tuluy-tuloy, walang hinto o tigil ang ballpen, hanggang sa matapos hanggang dulo ng letrang “Y” na may bilog na buntot

  2. Sa ganyang lagda, hindi naputol, at tuluy-tuloy na isinulat, kusa ring mangyayari ang lahat ng mga pangarap at adhikain mo sa buhay – sa takdang panahong inilaan ng kapalaran;  makakapag-asawa at magkakaroon ka ng isang simple at panghabambuhay na pamilya na nakatakdang mangyari at maganap sa susunod na taong 2025, sa edad mong sarado 40 pataas (Drawing A. at B. 1-M arrow b. at h-h arrow c.) hatid ng isang lalaking, mas mataas sa iyo ang height, balingkinitan ang pangangatawan at may kayumangging kulay ng balat.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page