top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | September 1, 2023



KATANUNGAN

  1. Matagal na akong sumusubaybay sa mga artikulo n’yo at medyo marunong na rin akong tumingin ng guhit ng palad. Napansin kong dalawa ang Travel Line ko at dalawang beses na akong nakapag-abroad, pero ‘yung kinita kong pera noon ay ubos na, kaya balak muli na mag-apply

sa abroad.

  1. Ang problema hindi ako matuluy-tuloy at hindi ko alam kung bakit maraming aberya ang nangyayari, dahil ba dalawa lang ang Travel Line ko, sign ba ito na ‘di na muli ako makakapangibang-bansa?


KASAGUTAN

  1. Hindi ‘yun ganu’n! Sa halip, ang tamang pag-aanalisa ay ganito, basta malawak at maganda ang pagkakahugit ng Travel Line (Drawing at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanang palad, ang itatalang pag-a-abroad, ay lubhang magiging mabunga, produktibo, masagana at maaari ring magpabalik-balik sa abroad.

  2. Bagama’t, minsan ay binibilang din natin ang Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) na nakikita sa kaliwa at kanang palad, ang higit na mas mahalaga tulad ng nasabi na ay iyong “quality” o pagiging maayos, makapal at malawak ng Travel Line (arrow a,) sa kaliwa at kanang palad.

  3. Halimbawa, isa lang na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.), pero napakalawak ng pagkakaguhit, ay maaaring hindi bilang ang kahulugan ng numero - bagkus ang kahulugan ng “isa” ay maraming pangingibang-bansa na mabunga, dahil nga ito ay malawak, at sadyang napakaganda na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) lalo na kung ito ay matatagpuan sa kaliwa at kanang palad.

  4. Kaya nga kapag Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a. at b.) ang pag-uusapan tulad ng nasa kaliwa at kanan mong palad, hindi “quantity” o dami ang mas mahalaga, kundi ang “quality”, na nangangahulugang gaano ba kalawak, kakapal at kaganda ang nasabing Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a. at b.)?

  5. Kung maganda at malawak ang Travel Line (Drawing A,. at B. t-t arrow a. at b.), tulad ng nasa kaliwa at kanan mong palad Darwin, kahit isa lang ‘yan, maaari ring ang kahulugan n’yan ay ang walang tigil na mabungang pangingibang-bansa.

DAPAT GAWIN

Kaya nga, ayon sa iyong mga datos Darwin, ituloy mo lang ang binabalak mong pangingibang-bansa, dahil tulad ng naipaliwanag na, tiyak ang magaganap sa susunod na taon 2024, sa buwan ng Enero o Pebrero, sa edad mong 34 pataas, tuluyan nang matutupad ang ikatlo at isa sa pinakamabungang pangingibang-bansa ang itatala sa iyong kapalaran.


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | August 30, 2023



KATANUNGAN

1.Nag-apply ako ngayon sa Australia bilang caregiver, kaya lang ang mga papeles ko ay nando’n pa rin sa agency na tumulong sa akin at hanggang ngayon ay wala pa rin akong balita.


2. Napaisip tuloy ako na baka nabiktima ako ng illegal recruiter, kaya naisipan kong sumangguni sa inyo Maestro, pero hindi naman siguro dahil pinsan ko na nasa Australia ang nagsabi sa akin na sa Agency na ‘yun ako magpatulong.


3. Maestro, sa palagay mo may Travel Line ako at gaano kalaki ang tsansa na ako ay makapag-abroad? Kung makapag-a-abroad ako, kailan naman kaya ito mangyayari?


4. Sobrang tagal ko na naghihintay, sumagi na rin sa akin isipan na bumalik na lang sa dating kumpanya na pinapasukan ko. Ayon kasi sa boss ko, ‘pag nagbago raw ang isip ko, anytime ay puwede umano akong bumalik sa kanila kasi ro’n kabisado ko na ang trabaho ko at nahihirapan raw silang maghanap ng kapalit ko.

KASAGUTAN

1.Tama ang nasa isip mo Florabelle, mas mainam na bumalik ka na lang sa dati mong trabaho kaysa na maghintay ka sa wala o sa isang kapalarang hindi pa naman nakatakdang dumating ngayon.


2. Tunay ngang hindi pa ngayon ang tamang panahon para ikaw ay makapag-abroad, dahil medyo magulo pa ang namataang Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na tama ang iminumungkahi ng dati mong boss na bumalik ka muna sa kanila dahil hindi naman gaanong pumangit ang Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay malinaw na tutuparin ng dati mong boss ang pangako niya sa iyo na muli kang makakabalik sa kanila at muli ka nilang tatanggapin upang magtrabaho, kaya imbis na tumambay at naghintay kung kailan ka makakaalis papuntang abroad, mas mabuting magtrabaho ka na lang muli sa dati mong amo, lalo na magpapasko pa naman ngayon, mahirap ang walang regular income at para sa pagsapit ng takdang panahon na kung saan luminaw na ang Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad saka ka na lang muli mag-apply sa abroad.

DAPAT GAWIN


Habang ayon sa iyong mga datos Florabelle, hindi pa ngayon ang tamang panahon upang ikaw ay makapangibang-bansa, kaya tamang-tama ang iyong pasya, bumalik ka na lang muna sa dating employer mo, sapagkat gumanda rin naman ang Travel Line sa medyo dulo ng bahagi (t-t arrow c.) at sa taong 2025 ka pa makapag-a-abroad, hindi sa bansang Australia kundi sa bansang Canada.


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | August 28, 2023



KATANUNGAN

  1. Itatanong ko sana kung nasa guhit ba ng aking palad ang pag-a-abroad? Nakakatatlong subok na kasi akong mag-apply pero hanggang ngayon ay hindi pa rin ako nakakaalis, bakit kaya gano’n? Samantalang domestic helper (DH) lang naman ang inaapplyan ko. Sa katunayan nga ay noong 2020 aalis na sana ako kaya lang ay nagka-pandemic, kaya ‘di tuloy ako natuloy.

  2. Maestro, sa palagay mo ba may pag-asa pa akong makapag-abroad? O dapat ko na lang tanggapin ang aking kapalaran dito sa Pilipinas?

  3. Dati akong tindera sa bakery, ang kaso matumal ang benta kaya sila-sila na lang magpapamilya ang nagtinda.

  4. Kaya ngayon ay gustung-gusto ko talagang makapag-abroad para maiahon ko sa kahirapan ang pamilya ko na nasa probinsya at makapagpadala ako sa kanila.

  5. Sa palagay n’yo, matutuloy kaya ako sa abroad at kung sakaling oo, kailan naman ito magaganap? Ang birthday ko ay January 8, 1988.

KASAGUTAN

  1. Ganyan talaga ang kapalaran ng mga taong osto na tulad mo Ms. Capricorn hindi mo madaling makukuha ang tagumpay, kaya asahan mo na bago ka makapangibang-bansa, maraming pagsubok muna ang iyong mararanasan, pero matapos ang mga negatibong pangyayari, ang mahalaga nanatili kang nakakapit, at lumalaban.

  2. Ayon sa malinaw na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad, makapag-a-abroad ka rin na kinumpirma ng lagda mong medyo umaalon-alon at bahagya pa ngang umangat ang pinakapaa ng dulong letrang “n”.

  3. Ibig sabihin, ngayon pa lang nasasagap ng unconscious mong isipan ang nakatakdang maganap, na kung ‘di ka titigil sumubok nang sumubok, sa susunod na pagpihit ng mga buwan at pag-usad ng panahon, may isang produktibo at masaganang paglalakbay ang itatala sa iyong kapalaran.

MGA DAPAT GAWIN

  1. Hindi porke malinaw na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanang palad, senyales na makakapag-abroad ka, binabase rin ito sa bitbit na numero at siyempre sa will power o matinding kagustuhan ng isang tao na makapangibang-bansa.

  2. Katulad ng mga taong otso, may bitbit silang mga numerong 8, 17 at 26, kahit may Travel Line (arrow a.), medyo mahihirapan pa rin silang makamit ang magandang kapalaran, dahil kaakibat ng kanilang numero ang sinasabi nating “hard road to glory” o sa madaling salita, “paghihirapan mo muna ang iyong pangarap bago mo ito mapitas at pagpapawisan mo muna ang lahat bago ka tuluyang lumigaya at umunlad!”

  3. Habang ayon sa iyong mga datos Ms. Capricorn, konting tiis pa, basta't ‘wag ka lang sumuko at tumigil, makikita mo sa susunod na taong 2024, sa buwan ng Setyembre o kaya’y Oktubre habang lumalapit ang panahon ng kapaskuhan may isang maaliwalas at masaganang pangingibang-bansa ang itatala sa iyong karanasan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page