top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | September 15, 2023




KATANUNGAN:

1. Sa edad kong 26, marami na akong naging boyfriend. Nakapagtrabaho na rin ako dati sa isang club, kaya naman hindi ko na alam ngayon, kung may chance pa akong makapag-asawa ng isang matinong lalaki lalo na’t kapag nalaman niya ang aking nakaraan.

2. Marami na rin akong naging live-in-partner, ngunit hindi ito nagtatagal. Kaya, hindi na ako magpapaliguy-ligoy pa. Maestro, makakapag-asawa pa kaya ako ng isang matino at disenteng lalaki na mamahalin ako habambuhay?

KASAGUTAN

  1. Sabi nga ng isang makata, “Tayo’y nasa tanghalan ng buhay, na tinatawag na mundo. Pagbaba ng tabing, hindi kung anong role o papel tayo’y huhusgahan, kundi kung paano natin isinabuhay at ginampanan ang papel na sa ati'y ibinigay.” Kaya kung ikaw ay dating mababa ang lipad, o halimbawang nagbebenta ng aliw, wala tayong magagawa ru’n, dahil baka ‘yun ang papel na ibinigay sa iyo ng tadhana.

  2. Kahit na marami ka nang naging karanasan sa iba’t ibang uri ng lalaki, makakapag-asawa at magiging maligaya ka pa rin. Ito ang nais sabihin ng ikaapat na malinaw at mas mahabang Marriage Line (Drawing A. at B. 4-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na sa ikaapat na pag-ibig at pakikipagrelasyon, tulad ng nasabi na, muli kang magkaka-boyfriend, at magkakaroon ng isang maligaya at panghabambuhay na pamilya, na madali namang kinumpirma ng maayos at hindi naman gaanong na baboy na iyong lagda. Tanda na bagama’t na baboy at maraming bilog ang unahang bahagi ng iyong pirma, tiyak ang magaganap sa takdang panahong inilaan ng kapalaran, makakatagpo ka pa rin ng isang lalaking pakikisamahan, mamahalin at ituturing kang asawa habambuhay.

DAPAT GAWIN

Habang ayon sa iyong mga datos Sarah Lee, kalimutan mo na ang mga nagdaang relasyon na sumira sa iyong pagkatao, dahil pagdating ng isang lalaking isinilang sa zodiac sign na Taurus, muli kang magkakaroon ng boyfriend hanggang sa magkaroon ka ng isang maligaya at panghabambuhay na pamilya na nakatakdang mangyari at maganap sa susunod na taong 2024 sa edad mong 27 pataas.


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | September 13, 2023




KATANUNGAN

1. Matagal na akong sumusubaybay sa mga artikulo n’yo. Pero, hanggang ngayon hindi ko pa rin maunawaan kung ano ang ibig sabihin ng Fate Line na nag-start sa Life Line at natapos sa ilalim ng daliring hilalato?

2. Ganyan kasi ang guhit ng palad ko, kaya sana masagot n’yo ang katanungan kong ito upang maunawaan ko ng lubos kung ano ang mangyayari sa aking kapalaran lalo na sa aking career?

KASAGUTAN

1. Kapag ang Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow a.) ay nakadikit sa Life Line (L-L arrow a.) sa kaliwa at kanang palad, ito ay tanda na sa sarili mong diskarte at pagsisikap, kayang-kaya mong maiahon ang iyong buhay sa kahirapan, gayundin makakaya mo ring maiahon sa kahirapan ang inyong pamilya na nasa probinsya.

2. Ito ang tipikal na kuwento ng isang indibidwal na nanggaling sa isang mahirap na angkan, ngunit dahil sa matinding pagsisikap, nagawa niyang paunlarin ang sarili niyang buhay gayundin ang buhay ng kanyang mga magulang. Ibig sabihin, dadaan ka sa hindi birong pagsisikap hanggang sa makamit mo ang isang maunlad at masaganang pamumuhay (F-F arrow b).

3. Ang nasabing makakaahon ka sa kahirapan kasama ang iyong mga kamag-anak ay madali namang pinatunayan ng malinaw at malawak na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito naman ay tanda na sa takdang panahong inilaan ng kapalaran, makapag-a-abroad ka at sa sandaling tuluyan ka ng nakalayo sa sinilangan mong bayan, du’n na unti-unting itatala ang sunud-sunod mong suwerte at magandang kapalaran hanggang sa tuluy-tuloy ka na umunlad at makaahon sa kahirapan kasama ang iyong pamilya.

DAPAT GAWIN

Kaya ayon sa iyong mga datos Raymond, kung kasalukuyan kang naninirahan sa inyong probinsya at balak mong lumuwas ng Maynila at makipagsapalaran sa ibayong dagat, tiyak na ang magaganap sa susunod na taong 2024, sa edad mong 37 pataas, walang duda, may isang mabunga at mabiyayang pangingibang-bansa ang itatala sa iyong kapalaran na magiging daan, upang tulad ng nasabi na, uunlad at maiaahon mo rin sa kahirapan ang inyong pamilya hanggang sa magkaroon ka ng sariling pamilya. Gamit ang iyong sariling pagsisikap, tuluy-tuloy na kayong uunlad at yayaman (H-H arrow d.).


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | September 11, 2023




KATANUNGAN

  1. Magsi-siyam na taon na rin ang nakakalipas mula noong pumanaw ang mister ko, nabundol siya ng kotse habang siya ay nagmomotorsiklo. Nagawang aregluhin ang kaso at ‘yung nakuha kong pera ang ginamit kong puhunan sa itinayo kong tindahan sa palengke.

  2. Naging maayos naman ang buhay namin ng mga anak ko. Sa ngayon, ‘yung panganay ko ay nakapagtapos na ng kolehiyo at may trabaho na habang ang bunso ko naman ay malapit na ring makatapos ng kolehiyo.

  3. Ang isasangguni ko sa iyo Maestro, ay tungkol sa aking lovelife, may nanliligaw ngayon sa akin na binata, gusto ko siya pero natatakot ako na baka kung kailan ako nagkakaedad at may mayroon na ring naipundar ay malasin pa ako sa ikalawa kong pag-aasawa.

  4. Puwede na ba akong mag-asawang muli at sa ikalawang pag-aasawa kong ito, susuwertehin na kaya ako?

KASAGUTAN

  1. Ayon sa ikalawang nabiyak na Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad, tunay ngang sa ikalawang pagkakataon, makakapag-asawa ka. Ngunit, isa hanggang dalawang taon lang magiging maligaya ang inyong pagsasama, at makalipas ang tatlo hanggang apat na taon, hindi rin ito magiging successful, at magkakahiwalay din kayo ng lalaking mapapangasawa mo.

  2. Ang pag-aanalisang mas mabuti pang ‘wag ka na lang muli pang mag-asawa dahil wala ka namang talagang suwerte sa pag-ibig at pakikipagrelasyon na kinumpirma ng magulo at may malaking bilog na Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow c.) na parang nabiyak na hindi mo maintindihan sa kaliwa at kanan mong palad.

  3. Ito ay malinaw na tanda na kung maligaya ka ngayon sa piling ng iyong mga anak at nalilibang ka naman sa iyong negosyo, tulad ng nasabi na, ituring mo na ang iyong sarili at italaga mo na ang iyong buhay sa paglilingkod at pag-aaruga sa iyong mga anak at sa mga magiging apo mo. Pagsikapan mo pa na mapaunlad ang inyong kabuhayan hanggang sa yumaman ka - na siyang pinapagawa sa iyo ng iyong kapalaran (H-H arrow d.), kung saan, sa pag-aaruga sa iyong mga anak at magiging apo, tiyak ang magaganap, mas makakatagpo ka pa ng ligaya at kapanatagan sa iyong isipan.

  4. Pero, siyempre dahil babae ka rin naman, puwede ka pa ring ma-inlove, pero hanggang romantic feeling lang, hindi mo dapat seryosohin o gawing asawa.

MGA DAPAT GAWIN

  1. Habang ayon sa iyong mga datos Zen, kung namatay ang una mong asawa (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) tiyak ang magaganap, sa ikalawa mong pag-aasawa, muli kang luluha at mag-iisa, dahil sa hindi n’yo pagkakaintindihan na sa bandang huli ay hahantong din sa hiwalayan (2-M arrow b.).

  2. Okey lang na umibig at magmahal Zen, pero ‘wag mong ituring na asawa ang anumang relasyong darating sa iyo. Sa halip, tulad ng isang magandang paru-paro na dumapo sa isang bulaklak, magiging maligaya ka rin naman sa fling na relasyon, ‘yun bang hindi pangmatagalan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page