top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | September 22, 2023



KATANUNGAN

  1. Dati akong OFW at nagkaroon ako ng mabigat na problema sa abroad, hindi na ako nu’n nag-renew ng kontrata. Sobrang hirap dahil na-diagnose ako ng depression, mabuti na lang ay pinagamot ako ng amo ko. Sa ngayon, medyo okey na ako dahil nakasama ko na ang pamilya ko.

  2. Nagbabalak akong mag-abroad muli kaya naisipan kong sumangguni sa inyong upang itanong kung sakali mangingibang-bansa muli ako, papalarin na kaya ako?

  3. Sa ngayon kasi ay may hiring sa Dubai, at isa sa mga kaibigan ko ang nagtatrabaho ru’n.

  4. Sa palagay n’yo ba, Maestro, makakaalis kaya ako at magkakaroon ng isang magandang karanasan sa ibang bansa? At kung sakaling matuloy ako, magiging maayos at maunlad na kaya ang kalagayan ko ru’n? Ang birthday ko ay March 10, 1988.

KASAGUTAN

  1. Siguradong matutuloy ka dahil kapansin-pansin na nagtataglay ka ng dalawang Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a. at arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad, bagama’t medyo nagulo ang unang Guhit ng Paglalakbay (arrow a.) kung ikukumpara sa ikalawang Travel Line (arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, tama ang iyong kutob, higit kang papalarin sa ikalawang pangingibang-bansa kumpara sa naunang pag-a-abroad. Kaya nga, kung ang nasabing dalawang Travel Line ang pag-uusapan, (arrow a. at b.) tiyak ang magaganap, sa ikalawang pagtatangka na makapangibang-bansa, walang dudang matutuloy ka.

  2. Ang pag-aanalisang papaboran ka ng tadhana sa ikalawang pakikipagsapalaran sa ibang bansa ay madali namang kinumpirma ng medyo magulong unang bahagi ng iyong lagda, pero mula sa gitna hanggang sa dulong bahagi ay gumanda na ito. Ibig sabihin, mula sa edad mong 35 pataas, gaganda na rin ang iyong kapalaran hanggang sa umasenso ka.

DAPAT GAWIN

Ashley, malinaw ang ipinahihiwatig ng iyong kapalaran. Kung saan, ayon sa iyong mga datos, sa ikatlong hati o third quarter ng susunod na taon 2024, sa edad mong 35 pataas, may isang mabunga at mabiyayang ikalawang pangingibang-bansa ang itatala sa iyong kapalaran.


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | September 20, 2023



KATANUNGAN

  1. Sa ngayon ay nagta-trabaho ako bilang kasambahay dito sa Quezon City. May boyfriend ako sa Bicol, at regular kaming nag-uusap. Alam kong mahal na mahal niya ako at ganundin ako sa kanya.

  2. Pero, simula nang ligawan ako ng driver ng amo namin, unti-unting nahulog ang loob ko sa kanya. Mabait, guwapo, disente at maasikaso ito. Nagtataka din ako sa aking sarili kung bakit bigla ko siyang sinagot at maski ang aking pagkababae ay naisuko ko na rin sa kanya.

  3. Mag-on na kami at dahil madalas kaming magkita at magkasama rito sa bahay ng mga amo namin, madalas ding may nangyayari sa amin.

  4. Sino kaya sa kanilang dalawa ang mapapangasawa ko? Pareho ko na silang mahal at patuloy pa rin ang kumunikasyon namin ng boyfriend ko sa probinsya.

KASAGUTAN

  1. Wala sa dalawang boyfriend mo ang makakatuluyan mo, Isabel. Ito ang nais sabihin ng medyo nagulo, nabiyak at nagkabuhul-buhol na Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na bago ka makapag-asawa at magkaroon ng permanente at panghabambuhay na relasyon, matinding kabiguan sa pag-ibig muna ang iyong mararanasan.

  2. Ang pag-aanalisa ng pinasok mong sitwasyon sa ngayon ay magdudulot din sa iyo ng malaking problema sa kinabukasan ay madali namang kinumpirma ng pumangit ding unang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na sa kasalukuyan, mahihirapan kang magdesisyon, magpapatuloy pa ang ganyang relasyon, ang pagkakaroon mo ng dalawang magkasabay na boyfriend sa iisang panahon. Hanggang sa bandang huli, magugulantang ka na lang sa mangyayari, kapag nabuntis ka na ng boyfriend mong kasamahan mo rin d’yan sa trabaho mo. Pero, ang masaklap ay bigla ka rin niyang iiwan. At unti-unting guguho ang iyong mga pangarap.

  3. Wala kang magagawa kundi sabihin at ipagtapat sa isa mo pang boyfriend na nasa probinsya ang tunay na nangyari. Ngunit, kapag nangyari na ang pagtatapat na nabanggit, sa mas mapait na kabiguan din mauuwi ang lahat – tuluyan na ring makikipaghiwalay sa iyo ang boyfriend mo, sa panahong tinuran ay dobleng sakit at pagluha pa ang iyong mararanasan.

MGA DAPAT GAWIN

  1. Buti na lang, Isabel, at may sumulpot na ikalawang mas maganda at malinaw na Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na matapos ang mga kaibiguang inilarawan sa itaas, at matitinding problemang dulot ng ginagawa mong pamamangka sa dalawang ilog o pagkakaroon ng dalawang magkasabay sa iisang panahon, sa dakong huli magiging maayos din ang lahat.

  2. Ayon sa iyong mga datos, sa taong 2025 sa edad mong 34 pataas, matapos kang maging isang single mom, may isang lalaki pa ring magmamahal sa iyo ng lubusan, na isinilang sa zodiac sign na Aquarius kung saan, siya ang hahango sa iyo sa kalungkutan, mamahalin ka niya ng tunay at kahit dalagang ina ka na, iaahon ka pa rin niya sa iyong nakaraan, upang makabuo kayo ng isang simple pero mas bago at mas maligaya pamilya habambuhay.

 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | September 18, 2023



KATANUNGAN

  1. Nag-break kami ng boyfriend ko noong August dahil nahuli ko siyang may ka-chat at ang kalandian ay walang iba kundi ‘yung bestfriend ko.

  2. Naisipan kong sumangguni sa inyo upang itanong kung magkakabalikan pa ba kami ng boyfriend ko o tuluyan na siyang maaagaw sa akin ng kaibigan ko?

  3. Kung hindi na kami magkakabalikan, kailan kaya uli ako magkaka-boyfriend?

  4. Ngayon kasi ay balak ko sanang mag-abroad, kung matutuloy ba ako ru’n, magkakaroon kaya ako ng magandang karanasan sa ibayong dagat?

KASAGUTAN

  1. Medyo naputol at pumangit ang unahan hanggang gitnang bahagi ng Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow a. at b.) sa kaliwa at kanan mong palad, Althea. Ibig sabihin, malaki ang posibilidad na tuluyan nang mawala sa iyo ang boyfriend.

  2. Ang isa pang ibig sabihin ng Heart Line na may bilog o bahagyang pumangit mula sa umpisa hanggang sa gitnang bahagi (Drawing A. at B. h-h arrow a. at b.) ay tanda na sa edad mong 26 hanggang edad mong 27, malabo ka pang lumigaya at magtagumpay sa larangan ng pag-ibig.

  3. Ngunit, sa pagsapit ng edad mong 28 pataas, magiging smooth at magiging maayos na rin ang iyong lovelife na madali namang kinumpirma at pinatunayan ng medyo gumanda at maayos na Heart Line (Drawing A. at B. h-h) sa gitna hanggang sa dulong bahagi (arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda nasa edad mong 28 pataas, darating na ang isang lalaki na magpapaligaya sa iyo habambuhay at sa bandang huli, siya na rin ang iyong makakasama sa pagbuo ng isang simple pero maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya (Drawing A. at B. 1-M arrow d.).

  4. Hinggil naman sa pag-a-abroad, kapansin-pansin ang malawak na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow e.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay malinaw na sa edad mong 28 pataas, sa pangingibang-bansa ka susuwertehin at sa nasabing pag-a-abroad, may magandang kapalaran kang aanihin at mararanasan sa ibayong dagat at du’n mo na rin matatagpuan ang isang lalaking nakalaan sa’yo na makakasama mo sa pagbuo ng isang simple pero masayang pamilya habambuhay.


DAPAT GAWIN

Ayon sa iyong mga datos Althea, mas mabuting kalimutan mo na ang ex-boyfriend mong manloloko. Sa halip, mag-concentrate ka na lang ngayon sa pagtatrabaho at pag-a-apply sa ibang bansa, upang pagsapit ng taong 2024. Sa edad mong 28 pataas, makakapag-abroad ka na at sa nasabing pangingibang-bansa, may isang lalaking isinilang sa zodiac sign na Sagittarius ang iyong makikilala na siya na ring ikalawang magiging boyfriend mo at sa bandang huli ay mapapangasawa at siya mo na ring makakasama sa pagbuo ng isang maunlad, maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page