top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | September 29, 2023



KATANUNGAN

  1. Nabaon kami sa utang simula nang magnegosyo kami ng pautangan. ‘Yung agent namin na nagrerekomenda ng mga umuutang at siya ring naniningil ay hindi na nakabayad, kaya kami ang sinisingil ng financer namin at kapag hindi raw kami nagbayad ay idedemanda niya na kami.

  2. Noong una malakas at nakakabayad sila pero nang tumagal, bihira na lang ang mga nagbabayad. Litung-lito na ako at hindi ko na alam ang gagawin ko, kaya gusto kong malaman kung may pag-asa pa kaya akong makaahon sa pagkakautang ko. Madalas na rin kami mag-away ng mister ko, at paulit-ulit niyang tinatanong kung bakit umaano ako pumasok sa ganitong problema.

  3. Makaka-recover pa kaya kami at kung susubukan kong mag-apply sa abroad para matakasan ko ang mga problema kong ito, may Travel Line kaya ako?

KASAGUTAN

  1. Walang malinaw na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad, kaya sa panahong ito, wala pang pangingibang-bansa ang itatala sa iyong kapalaran.

  2. Samantala, sadyang nahulog sa pagitan ng daliring hintuturo at hinlalato ang matayog at maganda sanang Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, maganda sana ang iyong mga hinawakang negosyo. Pero, dahil sa pagiging gastadora at walang habas mong paglalabas ng salapi, bumagsak at nagkandalugi-lugi tuloy ang iyong negosyo.

  3. Buti na lang at may isa pang sumusulpot na Business Line (Drawing A. at B. B-B arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad, na nagsasabing pagkatapos ng mga pagkalugi at pagkabigo sa nakaraang mga negosyong iyong hinawakan, malaki pa ang pag-asa mong maka-recover at makapagsimula ng panibagong pangangalakal tulad ng iyong binabalak.

  4. Tunay ngang sa mga produktong basic needs tulad ng bigas, kape, asukal, sabon, mantika, at iba pang, pang-araw-araw na ginagamit ng mga tao na hindi pupuwedeng mawala sa listahan ng mga bibilhin kapag mamalengke, dahil ang mga bagay na ito ay pangkaraniwan ng pangangailangan ng isang pamilya, ru’n ka na uunlad, aasenso hanggang sa tuluyang maka-recover ang iyong kabuhayan. At tulad ng nasabi na, sa nasabing negosyo, walang duda, ru’n ka na muling yayaman.

MGA DAPAT GAWIN

  1. Habang ayon sa iyong mga datos, Cecil, sa susunod na taong 2024, sa tulong ng iyong asawa (Drawing A. at B. K-K arrow d.), unti-unti na rin kayong makakabayad sa inyong mga pagkakautang at sa pagsapit ng taong 2025, makakapagsimula ka na ng isang bagong buhay at negosyo na may kaugnayan sa grocery at sari-sari store.

  2. Sa pagkakataong ito, kapag natuto ka nang magtipid at hindi na naging magastos pa, tiyak ang magaganap, muli n’yo nang mapapaikot ang inyong puhunan, at du’n na rin magsisimula ang iyong pag-asenso hanggang sa umunlad na muli ang inyong kabuhayan, na kinumpirma at pinatunayan ng Straight Head Line (Drawing A. at B. H-H arrow e.) sa kaliwa at kanan mong palad na nagsasabing sa taong 2032 sa edad mong 55 pataas, magsisimula nang umasenso ng husto ang inyong kabuhayan hanggang sa tuluyan na kayong yumaman.


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | September 26, 2023



KATANUNGAN

Nagbabalak na kaming magpakasal ng boyfriend ko sa susunod na taong 2024. Maestro, gusto kong malaman kung anong buwan magandang ikasal at kung halimbawang natuloy ang aming pag-iisang-dibdib, magiging masaya at maunlad kaya ang papasukin kong pag-aasawa? Ang birthday ko ay September 2, 1993 habang May 7, 1992 naman ang boyfriend ko.

KASAGUTAN

Maganda at maayos naman ang pagkakaguhit ng kaisa-isa at makapal na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na kung matagal na kayong may relasyon ng boyfriend mo at nagmamahalan naman kayong dalawa nang tunay at tapat, talaga namang puwedeng-puwede na kayong magpakasal. Sapagkat, ang maligayang pag-aasawa na binabanggit ng kaisa-isa at maayos na Marriage Line (arrow a.) ay kinumpirma ng walang bilog, hindi napatid at nakatuntong sa Bundok ng Jupiter na tinatawag din nating Bundok ng Tagumpay (arrow b.) na Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na ang papasukin mong buhay-pag-aasawa ay siguradong magiging matagumpay at maligaya.

MGA DAPAT GAWIN

  1. Ang zodiac sign mong Virgo at Taurus naman ang boyfriend mo ay nagsasabing mapalad at okey kayong magpakasal sa susunod na taong 2024 sa buwan ng Mayo hanggang Oktubre, sa mga piling petsang 1, 10, 19, o 28.

  2. Itapat lamang ang kasal sa panahong papabilog o papalaki ang buwan sa langit, upang tulad ng papabilog at papabulas na buwan, magiging maunlad din ang inyong samahan, hanggang sa habambuhay na kayong nagsasama at nagmamahalan.

 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | September 24, 2023



KATANUNGAN

  1. May mabigat akong problema ngayon dahil nabuntis ang aking girlfriend, gayung nag-withdrawal naman kami noong huli kaming nagtalik. Medyo may pagka-flirt ang girlfriend ko dahil bukod sa akin, nag-e-entertain pa siya ng ibang manliligaw, kaya iniisip ko na baka hindi sa akin ‘yung baby na dinadala niya. Pero, ‘pag binibilang ko naman mula nang araw na nagtalik kami, eksakto ‘yung pagbubuntis niya.

  2. Maestro, sa palagay mo, ako nga ba ang ama ng nasabing baby at kami na ang magkakatuluyan kahit na ‘di pa ako sigurado na siya na ang mapapangasawa ko?

  3. Sa totoo lang kasi, Maestro, hindi naman siya ang tipo ng babae na gusto kong mapangasawa at makasama habambuhay.


KASAGUTAN

  1. Dapat hindi ka na nakipagtalik sa girlfriend mo kung hindi ka pa pala sigurado na siya na ang gusto mong pakasalan. Pero, wala na tayong magagawa dahil nand’yan na ‘yan, kaya ang pinakamabuti mong magagawa ngayon ay ang paghandaan ang pagiging ama mo sa malapit na hinaharap at siyempre, nangangahulugan din ito na magkakaroon ka na ng sariling pamilya.

  2. Samantala, ganito naman ang nais sabihin ng guhit ng iyong palad kung saan ang kasalukuyan mong girlfriend ang iyong makakatuluyan. Ito ang nais sabihin ng kaisa-isang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na tulad ng nabanggit na, dahil iisa lang ang Marriage Line (arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad, ang girlfriend mo na ngang ito ang nakatakda mong makatuluyan at makasama sa pagbuo ng isang simple pero masayang pamilya habambuhay.

  3. Ang pag-aanalisang kahit hindi mo masyadong gusto ang girlfriend mo ay magiging masaya rin naman ang inyong relasyon ay madali namang kinumpirma ng Heart Line (Drawing A. at B. h-h) na dumila at ganap na tumuntong sa Mount of Jupiter, (Drawing A. at B. h-h arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay nagsasabing sa iyong pag-aasawa, may pangako pa rin ng masaya at panghabambuhay na pagpapamilya.


DAPAT GAWIN

Aldrin, huwag mo nang paghinalaan ang girlfriend mo dahil anuman ang maging resulta ng pagdadalawang-isip mo sa kasalukuyan. Sa bandang huli, wala ka ring magagawa sa itinakda ng kapalaran. Ang sinasabi mong hindi mo siya masyadong mahal, mas mamahalin mo siya sa sandaling isilang niya na ang panganay n’yong anak, at tunay ngang ayon sa iyong mga datos, walang duda na kayo ang magkakatuluyan at magsasama sa pagbuo ng simple, pero maligaya at panghabambuhay na pamilya.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page