top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | October 22, 2023


KATANUNGAN

  1. Mag-iisang taon na kaming hiwalay ng mister ko. Maestro, magkakabalikan pa kaya kami? Kung sakaling hindi na kami magkabalikan, may lalaki pa kayang darating sa buhay ko?

  2. Nakita ko kasi sa guhit ng aking palad ang ikalawang guhit ng Marriage Line. Sa pagkakaintindi ko ay may chance pa akong makapag-asawa. Kung sakaling oo, kailan ito magaganap?

KASAGUTAN

  1. Tama ka, Annalyn, may namataan ngang ikalawa at mas malinaw na Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow b.) matapos mabiyak at tuluyang mawasak ang unang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay malinaw na tanda, kung nabigo ka sa unang pag-aasawa at nauwi ito sa hiwalayan. Umasa kang sa ikalawang pag-aasawa, tiyak na ang magaganap – magiging maligaya at panghabambuhay na ito, na kinumpirma ng pumangit na Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow c.) sa una hanggang gitnang bahagi, ngunit sa gitna hanggang dulong bahagi ng Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow d.), ang nasabing guhit ng pag-ibig o emosyon sa kaliwa at kanang palad ay gumanda rin na nagbabadya o nagpapahiwatig ng isang panghabambuhay at maligayang pag-aasawa.

  2. Kung saan, nangangahulugan lamang na sa pagtuntong mo sa edad na 41 pataas, kung pangit man ang napasok mong pag-aasawa, tunay ngang sa ikalawang pagkakataon, magiging matagumpay at panghabambuhay na ito.

MGA DAPAT GAWIN

  1. Tunay ngang sa aktuwal na karanasan hindi lahat ng pag-aasawa ay humahantong sa isang maligaya at panghabambuhay na pagsasama, dahil may mga pagkakataon sa buhay ng mag-asawa na hindi naiiwasang mambabae ang lalaki at kung minsan naman ‘yung mismong ilaw ng tahanan ang naliligaw ng landas.

  2. Ngunit, hindi ibig sabihin nito ay matatapos na ang buhay o tapos na ang kapalaran sa pag-aasawa. Sapagkat, maaaring sa susunod na pagliko ng kasaysayan ng buhay, maaaring sa ikalawa o sa ikatlong pakikipagrelasyon ay makasama mo na ang isang nilalang na itinakda para sa iyo.

  3. Habang ayon sa iyong mga datos, Annalyn, ang nasabing senaryo o pangyayaring tinuran sa itaas, tulad ng nabanggit na ay tiyak namang mangyayari at matutupad na sa susunod na taong 2024 sa buwan ng Oktubre sa edad mong 41 pataas, isang maligaya at panghabambuhay na pag-aasawa, hatid ng isang lalaking isinilang sa zodiac sign na Libra.

 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | October 20, 2023


KATANUNGAN

  1. May girlfriend ako sa ngayon, Maestro. Ang problema ko ay inilayo siya sa akin ng kanyang kamag-anak, at iniuwi siya sa probinsya. Ang buong akala nila ay wala na kaming komunikasyon. Pero, alam ko ang buong detalye ng nangyari at alam ko rin kung saan siya itinago ng mga kamag-anak niya. Nasa probinsya raw siya at sabi niya sa akin ay puntahan ko raw siya at magtanan na kami.

  2. Wala nang mga magulang ang girlfriend ko at ang nag-aalaga na lang sa kanya ay ang mga tiyahin at tiyuhin niya na pinagmamalupitan siya. Mula nang inilayo siya sa akin, pinagmamalupitan at ikinukulong na siya.

  3. Sabi ng girlfriend ko, sunduin ko siya at sasama na umano siya sa akin dahil may stable work na ako at nasa tamang edad na kami. Ang gusto kong malaman ay tama ba ang gagawin ko?

  4. Nalilito kasi ako, kung dapat na ba akong mag-asawa o hindi pa. Maestro, nais ko rin malaman kung compatible ba talaga kami? Ang zodiac sign ko ay Virgo habang Pisces naman ang nobya ko.

KASAGUTAN

  1. Tutal nasa legal age o nasa tamang edad na kayo upang mag-asawa at gumawa ng mga bagay sa sarili n’yong pagpapasya. Kaya kung mahal mo talaga ang girlfriend mo at siya na ang gusto mong mapangasawa, walang dahilan upang hindi mo sunduin ang girlfriend mo, saan man siyang lupalop o probinsya naroroon.

  2. Samantala, kayo na nga ang magkakatuluyan ng kasalukuyan mong girlfriend anuman ang mangyaring aberya o problema sa inyong pagmamahalan. Ito ang nais sabihin ng maganda at maayos na kaisa-isang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Kaya tulad ng nasabi na, puwede mo na siyang puntahan sa probinsya o kung saan lugar man siya itinago ng kanyang mga kamag-anak. Sapagkat, tiyak ang magaganap, hindi na nga maaawat pa ang pagmamahalan n’yo na madali namang kinumpirma ng maayos at magandang Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow b.) na nagsimula sa Bundok ng Kaligayahan (arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ngayon lang magkakaroon ng problema sa relasyon n’yo, pero kapag nakasal at nagsama na kayo, tiyak na ang isang maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya.

DAPAT GAWIN

Habang ayon sa iyong mga datos, Carl, anuman ang mangyari, sa bandang huli tiyak pa rin ang magaganap, kayo na nga ng kasalukuyan mong girlfriend ang nakatakdang magsama at bumuo ng isang maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya na nakatakdang mangyari at maganap sa taon ding ito ng 2023 sa buwan ng Nobyembre sa edad mong 28 pataas habang 25 pataas naman ang girlfriend mo.


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | October 16, 2023


KATANUNGAN

  1. Mag-iisang buwan na kaming hiwalay ng aking asawa. Mula nang umuwi siya galing abroad, halos ubusin niya na ang kanyang pera sa pagpapainom. Pinagsabihan ko siya pero ako pa ang naging masama. Bakit ko raw siya pinapakialaman? Samantalang pinaghirapan umano niya sa abroad ang perang inuubos niya, muntik na kaming magkasakitan, mabuti na lang ay inawat kami ng mga anak namin.

  2. Mula noon, hindi na siya umuwi ng bahay at ang balita ko ay nakikituloy siya sa kanyang mga kaibigan. Natatakot ako, Maestro, baka tuluyan kaming maghiwalay. Kung sakaling mangyari 'yun, nakakaawa naman ang mga anak namin dahil mga bata pa sila. Naguguluhan na ako ngayon sa sitwasyon namin. Kaya sana maanalisa mo ang kapalaran ko.

KASAGUTAN

  1. Sadyang napakalaki pa ng pag-asa na kayo ay magkabalikan, basta ang mahalaga, hanapin mo ang mister mo kung saang lupalop siya nagsuot at kausapin mo siya nang masinsinan.

  2. Nangyaring ganu’n, sapagkat ayon sa guhit ng iyong palad, nagtataglay ka ng isang malinaw, makapal at mahabang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay malinaw na tanda, na kung sino ang lalaking una mong inibig at pinakasalan, ang lalaki ring ito ang nakatakda mong makasama habambuhay.

  3. Ang iyong lagda na medyo magulo sa gitna ay nagsasabi namang marahil sa kasalukuyan ay dinadaan lang sa mabigat na pagsubok ang inyong relasyon, pero dahil gumanda at naayos din naman ang iyong lagda, ito ay malinaw na mahahawi rin ang makapal na ulap sa kalangitan at sa pagmulat ng iyong mata makikita mo ang isang maaliwalas at mas positibong bagong araw sa relasyon n’yo.

MGA DAPAT GAWIN

  1. Wala namang buhay sa mundong ito na walang problema. Katulad din ng mag-asawa, hindi talaga maiiwasan na dumaan sa mga suliranin at mabibigat na pagsubok ang relasyon. Sa sandaling malampasan nila ang mga pagsubok na ito, magkakaroon ng maturity sa kanilang pagkatao na magiging daan upang muli silang magkasundo at magmahalan habambuhay.

  2. Habang ayon sa iyong mga datos, Elora, nakatakda na ang muling pagkakasundo n’yong mag-asawa sa taon ding ito ng 2023 sa buwan ng Oktubre, magiging okey na muli ang lahat, at magkakasama-sama na muli ang isang buo at maligayang pamilya habambuhay, (Drawing A. at B. h-h arrow b. at 1-M arrow a.).

 
 
RECOMMENDED
bottom of page