top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | November 19, 2023




KATANUNGAN

  1. May boyfriend ako, ang sabi niya hiwalay na siya sa kanyang asawa, naniwala naman ako. Kaya ang nangyari, tumagal ang aming relasyon ng tatlong taon. Kaya lang, ‘di pala talaga sila hiwalay, pero dahil mahal ko siya, wala akong nagawa.

  2. Maestro, gusto kong malaman kung kami na ba talaga para sa isa’t isa? Kung sila pa rin ng asawa niya ang nakatakda, tatanggapin ko ito nang maluwag sa loob ko. Kung saan siya masaya, ru’n ako.

  3. Naisipan ko ring sumangguni sa inyo upang itanong kung ang mag-asawa ay parehong hindi maganda at hindi maayos ang Marriage Line o isa sa kanila ang mayroong hindi maayos na Marriage Line, magkakahiwalay kaya sila?

  4. Maaari rin ba ‘yung ganito, kahit parehong maayos ang Marriage Line at parehong maganda ang Marriage Line nilang mag-asawa, pero dahil maraming nanggugulo sa kanilang relasyon may posibilidad ba na magkahiwalay din sila?

KASAGUTAN

  1. Alam mo, Faith, kung sinasabi ng boyfriend mo na hiwalay na siya sa kanyang asawa at nakita mong kapwa maganda ang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanang palad niya, at nagkataong maganda rin ang kanyang Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow b.), hindi nabiyak o hindi naputol, ang ibig sabihin nito, maaaring hindi siya nagsasabi ng totoo sa iyo. Sapagkat, ang magandang Heart Line (arrow b.) at magandang Marriage Line (arrow a.) sa kaliwa at kanang palad, ay isang patunay ng maayos, stable at successful na family life.

  2. Ngayon ‘wag mo nang intindihin ang Marriage Line o Heart Line sa guhit ng palad ng misis niya dahil sa katunayan, kani-kanya ‘yan ng dinadala at alalahanin sa buhay. Maaaring pangit ang Marriage Line ng kanyang asawa, dahil hirap na hirap na siya sa kabubuhat o kadadala ng mga problema nila, kaya pumangit ang Marriage Line at Heart Line niya, dahil sa dami ng problema at alalahanin niya sa buhay. Samantalang ito namang asawa niya ay pa-relax-relax at nagbubuhay binata lang na pinagkalooban ng magandang Marriage Line at Heart Line dahil hindi naman niya iniinda ang problema sa kanyang pamilya. Sa halip, nagpapakaligaya at nag-e-enjoy lang siya sa kanyang buhay ngayon.

  3. Ganu’n ‘yun! Kani-kanya lang tayo ng guhit ng palad, tadhana at kapalarang pinapasan. Kaya hindi mo maipagkukumpara ang palad na pag-aari ng iba’t ibang tao, dahil kani-kanyang guhit ‘yan. Ngayon, kung ganu’n nga ang nangyayari na hindi naman hiwalay ang boyfriend mo sa kanya asawa, bagkus nananatiling buo ang kanilang pamilya, ngunit ipinipikit mo ang iyong mga mata sa katotohanan, huwag mo nang intindihin ang guhit ng kanyang palad. Sa halip, ang pag-aralan at intindihin mo ay ang sarili mong palad.

  4. Kung wala kang makitang maganda at matinong Marriage Line (1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Magulo rin at hindi maganda ang Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad at may Guhit ka pa Influence Line, na tinatawag din nating Guhit ng Immoral na Relasyon (I-I arrow d.) sa kaliwa at kanan mong palad, ito ay isang kasiguraduhan tama ang sinasabi mo na, ngayon palang tanggap mo na ang nakatakda mong kapalaran, at ito ay maging isang kerida habambuhay.

DAPAT GAWIN

Tunay ngang masarap umibig at magmahal, lalo na’t ang nasabing pag-ibig ay nakakabaliw. Gayunman, minsan dapat tayong gumising sa katotohanan, na ang maling pag-ibig at maling pakikipagrelasyon ay sa pagsisisi at kalungkutan mauuwi. Wala kang dapat gawin ngayon, Faith, kundi hiwalayan ang boyfriend mong pamilyado na, upang makalaya ka na at magkaroon ng tamang direksyon ang iyong buhay, sa isang mas bago at mas masayang pakikipagrelasyon habambuhay hatid ng isang lalaking nagtataglay ng zodiac sign na Taurus (arrow a.).


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | November 17, 2023




KATANUNGAN

  1. Nitong nakaraang Oktubre, tumuntong na ako sa edad na 37. Nakakahiya at nakakalungkot man aminin, pero hanggang ngayon hindi pa rin ako nagkaka-girlfriend. Hindi naman ako bakla tulad ng iniisip ng iba at may hitsura rin naman ako. Naisipan kong sumangguni sa inyo upang malaman kung sa edad kong ito, magkaka-girlfriend pa kaya ako?

  2. May nakakausap ako ngayon, kaya lang hindi pa kami nagkikita. Madalas kasi ay pinanghihinaan ako ng loob na makipagkita sa kanya. Posible kaya na siya na ang maging girlfriend at mapangasawa ko?

  3. Sabi kasi sa amin ng mother ko, pang-asawa na raw ang ganitong edad. Nagtatrabaho ako sa isang BPO company.

KASAGUTAN

  1. Kung hindi ka makikipagkita sa nakakausap mo dahil pinanghihinaan ka ng loob at nahihiya ka, isipin mong mabuti at ikaw na ang sumagot: “Paano ka magkaka-girlfriend at makapag-aasawa?”

  2. Kapansin-pansin na higit sa isang pulgada na nagsama at nagpatong ang Life Line (Drawing A. at B. L-L arrow a.) at Head Line (Drawing A. at B. H-H arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na bagama’t hindi ka bakla, pero likas sa iyo ang pagiging mahiyain, mahina ang loob at may pagkatorpe pagdating sa panliligaw, sa sandaling hindi mo natalo ang kawalan ng tiwala sa sarili, mananatili kang walang girlfriend hanggang sa umabot ka ng 40-anyos o higit pa at hindi ka nakaranas ng tunay na sarap at ligayang dulot ng pakikipagrelasyon.

  3. Gayunman, ang nakatutuwa at pinakamagandang balita ay ang pagkakaroon mo ng kaisa-isang malinaw at makapal na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Isang malinaw na indikasyon na hindi ka naman aabot ng 40-anyos dahil sa bandang huli, magagapi mo rin ang iyong takot sa mga babae, lalakas ang iyong loob, kusa kang magma-mature at kasabay nito, dahil kailangan mo nang mag-asawa dahil nararamdaman mong nagkaka-edad ka na at malapit nang humupa ang iyong pagkagandang lalaki at kasiglahan, itutulak ka ng sobrang takot na baka tumandang binata, upang mapilitang makipagkita sa iyong textmate. Sa bandang huli, ang babaeng tulad mo na naghahangad na makapag-asawa at makakasama sa buhay na nasa pagitan ng edad 34 pataas, pagtatagpuin na kayo ng tadhana upang mabuo ng lehitimo, masarap, nakakikilig at kapana-panabik na relasyon hanggang sa tuluyan na kayong magka-ibigan at magplano na bumuo ng simple pero masayang pamilya.

DAPAT GAWIN

Habang, ayon sa iyong mga datos, Renzo, ang nasabing pagtaya ay magaganap sa susunod na taon 2024 sa buwan ng Disyembre. Magpapasya na kayong magkita at mabilis ang magaganap, magiging girlfriend mo siya hanggang sa tuluyan na rin kayong magpakasal at bumuo ng maligaya at panghabambuhay na pamilya na nakatakdang mangyari sa susunod na taon, hatid ng isang babaeng maputi, medyo chinita, mababa ang height at maganda.


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | November 14, 2023




KATANUNGAN

  1. Mahirap at nangungupahan lang kami. Ang mister ko ay isang construction worker. Nagpaalam ako sa kanya na gusto kong mag-apply sa ibang bansa at pumayag naman siya. Nag-aayos na ako ng mga papeles ko. Ang problema nga lang ay hindi pa rin ako nakakaalis.

  2. Sa ngayon, balak ko nang lumipat ng agency, may pangako kasi sa akin ang pinsan ko na nasa abroad na tutulungan niya umano ako para makaalis at makapangibang-bansa.

  3. Maestro, gusto kong malaman kung may chance ba akong makapangibang-bansa o wala talaga sa guhit ng aking palad ang pag-a-abroad?

  4. Kung wala akong tsansang makapag-abroad, ano ang dapat kong gawin upang makatulong ako sa aking mister at umunlad naman ang aming kabuhayan?


KASAGUTAN

Jecil, wala kang ibang dapat gawin kundi ipagpatuloy ang iyong pag-a-apply sa abroad. Ayon sa guhit ng iyong palad, makakapag-abroad ka. Kaya lang, may bahagyang Guhit ng Hadlang (Drawing A. at B. d-d arrow a.) na kumansela sa Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad, pero pansamantala lang ito. Basta’t sumunod ka lang sa ipinapagawa ng pinsan mo na nasa abroad ngayon. Tiyak ang magaganap, paglipas ng ilang mga buwan, sa susunod na taong 2024 o 2025, tiyak na makakapag-abroad ka na.


DAPAT GAWIN

Ayon sa iyong mga datos, Jecil, pansamantala lamang ang hadlang sa pagtatangka mong pangingibang-bansa, dahil sa susunod na taong 2024 sa buwan ng Abril o Mayo, hindi na mahahadlangan pa ang nakatakda - sa edad mong 27 pataas, may isang mabunga at mabiyayang pangingibang-bansa ang itatala sa iyong kapalaran.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page