top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | Pebrero 1, 2024


KATANUNGAN

  1. Minsan na akong nabigo sa pag-ibig at ayoko na muli mangyari ‘yun sa ikalawang boyfriend ko. Kaya lang nagkakalabuan na kami. Bihira na siyang tumawag at pumunta sa bahay, ang palagi niyang katwiran ay busy siya sa trabaho at tungkol naman sa tawag sa cellphone, palagi umanong walang signal sa location niya. Nakadestino siya ngayon sa Mindoro dahil isa siyang engineer. 

  2. May nakita akong island o bilog sa aking Heart Line at minsan ay nabasa ko sa inyong artikulo na ang bilog o island ay tanda ng kabiguan. Ibig sabihin ba nito, mabibigo na naman ako sa pag-ibig? Sana ay hindi na dahil mahal na mahal ko ang boyfriend ko at siya na ang gusto kong mapangasawa.

 

KASAGUTAN

  1. Tama ka, Bianca, kapag nakakita ka ng bilog o island sa Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow a.), higit lalo at matatagpuan ito sa kaliwa at kanang palad, tulad ng nasa palad mo, ito ay malinaw na tanda ng matinding kabiguan sa pag-ibig.

  2. Gayunman, ikaw din ang nagsabing nabigo ka sa unang pag-ibig, kaya naman imposibleng mabigo ka sa ikalawang pagkakataon. Dahil tulad ng nakikita sa iyong palad, iisa lang naman ang nasabing bilog o island (arrow a.), ibig sabihin, isang matinding kabiguan lamang ang iyong mararanasan at ang kabiguang ito ay tapos na.

  3. Habang ang Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow b.) na nagsimula o natapos sa ilalim ng hintuturo na tinatawag ding Mount of Jupiter, tinatawag din itong Bundok ng Kaligayahan (arrow b.), ay nagpapahiwatig na matapos ang matinding kabiguan sa pag-ibig, isang maligaya at panghabambuhay na relasyon ang magiging kapalit nito. Ang maligayang relasyong ito ay kasalukuyan mo nang nararanasan sa piling ng boyfriend mong engineer, higit lalo kung siya ay isinilang sa zodiac sign na Pisces o Scorpio, na siya namang ka-compatible ng zodiac sign mong Cancer.

 

MGA DAPAT GAWIN

  1. Anumang marka o tanda na nakikita sa guhit ng palad, ang lahat ng ito ay may petsa o takdang panahon kung kailan magaganap.

  2. Habang, ayon sa iyong mga datos, Bianca, dapat kang magtiwala sa kasalukuyan mong boyfriend dahil ang totoo, busy lang talaga siya, kaya naman pansamantalang tumamlay ang inyong komunikasyon. Ngunit anuman ang mangyari, walang duda na sa dakong huli, kayo pa rin ang magkakatuluyan. Ito naman ay nakatakdang mangyari sa susunod na taong 2025 sa edad mong 27 pataas, na hahantong sa maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya.  

 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | Enero 30, 2024



KATANUNGAN 

  1. Nag-apply akong domestic helper (DH) sa abroad, pero noong taong 2022 ay bigla akong nagkasakit, kaya hindi ako natuloy.  Aalis na sana ako noon, kaya lang kinailangan kong magpa-opera dahil mayroon akong gallstones. 

  2. Pero ngayon ay magaling at malakas na ko. Kaya naisipan kong sumangguni sa inyo para itanong kung sakali bang mag-a-apply ako ngayong 2024, matutuloy at susuwertehin na kaya ako?

  3. At kung sakaling makapag-abroad ako, ang isa ko pang nais malaman ay kung magiging maganda ba ang buhay ko roon? Sa Middle East kasi ako pupunta. Itatanong ko na rin sana, Maestro, kung may pag-asa pa ba akong yumaman? Balak ko kasing magnegosyo kung sakaling makapag-ipon na ako ng sapat na puhunan.

 

KASAGUTAN

  1. Kapansin-pansing may malinaw, mahaba, at malawak kang Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay malinaw na sa takdang panahong inilaan ng kapalaran may isang mabunga at mabiyayang pangingibang-bansa ang itatala sa iyong kapalaran na madali naman kinumpirma at pinatunayan ng iyong lagda na umalun-alon.

  2. Ibig sabihin, ngayon palang nasasagap na ng unconscious self mo, ang isang positibong pangyayari na magaganap sa iyong kapalaran patungong abroad.

  3. Ang pag-a-abroad na nabanggit ay muling kinumpirma at pinatunayan ng birth date mong 5. Kung saan, sa edad mong 32 pataas, may mahalagang pangyayaring magaganap sa iyong karanasan – tulad ng nasabi na, itatala sa iyong karanasan ang isang mabunga at mabiyayang pangingibang-bansa na tinatayang magaganap ngayon taon.

  4. At sa panahong makapangibang-bansa ka na, walang habas at walang tigil ka nang magpapabalik-balik sa pangingibang-bansa hanggang sa dumating ang panahong makapag-ipon ka na ng malaking halaga na maaari mong magamit na puhunan, upang lalo pang umunlad at sumagana ang inyong kabuhayan, na kinumpirma at pinatunayan ng straight Head Line (Drawing A. at B. H-H arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad na nagbabadya ng isang malaking pagyaman.

 

DAPAT GAWIN

Habang ayon sa iyong mga datos, Christine, tiyak ang magaganap kung mag-a-apply ka na ngayon, sa last quarter ng taon ding ito ng 2024, sa edad mong 32 pataas, may isang mabunga at mabiyayang pangingibang-bansa ang itatala sa iyong kapalaran na magiging simula para ang kabuhayan mo ay unti-unti na ring umunlad nang umunlad. Sa pagtuntong mo ng edad 41 pataas, mabilis na lalago ang iyong negosyo hanggang sa tuluyan ka ng yumaman (Drawing A. at B. H-H arrow b.).


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | Enero 28, 2024



KATANUNGAN

  1. May boyfriend ako ngayon at niyayaya na niya akong magpakasal. Wala namang problema dahil nasa wastong edad na kami. Kaya lang, putol at nabiyak ang Heart Line ko, habang nakabaluktot naman pababa ang unang Marriage Line sa aking palad. Sa pagkakaalam ko, ‘pag ganu’n ang guhit ay mahihiwalay sa asawa o mababalo. Tama ba ito, Maestro?

  2. ‘Yun ang gumugulo sa isipan ko kaya ngayon ay natatakot akong mag-asawa. Kung totoong ganu’n ang mangyayari base sa pagkakaintindi ko, tama ba ang iniisip kong ‘wag na lang mag-asawa upang hindi ako makaranas ng kalungkutan kung sakaling mawala ang lalaking pakakasalan ko?

 KASAGUTAN

  1. Wala namang buhay na permanenteng masaya o palaging maligaya. Kahit saang lugar sa mundo at kahit ano’ng sitwasyon, palaging may kalungkutan at problema. Kung meron mang lugar o bagay na “laging masaya”, ito ay sa mga kuwento lamang ng pag-ibig na nababasa natin sa mga fairy tale at pocket book. 

  2. Pero sa totoong buhay, tama ang ateistang pilosopo na si Arthur Schopenhauer. Sabi niya, “Kung itutuloy lang ang istorya sa natapos na nobela, tiyak na ang bida o prinsipe at ang prinsesa ay hindi naman magiging maligaya habambuhay. Siguradong kapag itinuloy ang kuwento, daranas din sila ng magulong buhay at sari-saring mga problema.” Posibleng maubusan ng pambili ng bigas ang mag-asawa at maaari ring magkasakit ang kanilang mga anak. Posible ring mambabae si mister o manlalaki si misis at maaaring mawalan ng trabaho si mister o magkasakit si misis. At sa bandang huli ay magkakasakit ang prinsesa at prinsipe, tatanda at mamamatay. 

  3. Ang mga senaryong nabanggit sa itaas ay ang katotohanan ng buhay na isinulat ni Schopenhauer sa kanyang aklat na The World as Will and Idea. Sabi niya, “As in popular fiction, the story must be ended when after interminable vicissitudes, the hero and heroine are happily wedded, for if the narrative continued, the reality of repeated misfortune would eventually prove, that life must be some kind of mistakes and that it is a sin to be born.” Ibig sabihin, hindi masarap ang buhay, sa halip ang buhay ay punumpuno ng pagdurusa. 

  4. Buti na lang, iba ang pananaw ng dakilang pintor na si Leonardo Da Vinci hinggil sa mga dinaranas nating pagdurusa, problema at kasawian sa buhay. Sabi Da Vinci, “There is no perfect gift without great suffering.” Ibig sabihin, bahagi ng buhay ang pagdurusa upang pagkatapos nito, ikaw naman ay lumigaya.

  5. Kaya nga kung ang itinakda sa iyo ng kapalaran ay mawalan ng asawa, ‘wag kang matakot na danasin ito dahil hindi porke nawala ang iyong asawa ay tapos na ang istorya ng iyong buhay. 

  6. Sa totoo lang, kabaligtaran ng sinasabi ni Schopenhauer, “Hindi natatapos ang kuwento ng trahedya at drama sa kalungkutan. Bagkus, kahit mamatay ang bida, kapag itinuloy ang istorya, ang pagkawala ng bida ay siya namang magiging simula upang lumabas ang ikalawang bida, na siyang magbibigay ng panibagong sigla at pag-asa sa mga manonood at mambabasa.” Sa termino ng mga nasyonalismo, “Kahit mamatay ang mga bayani, may mga bagong bayani na muling isisilang.”

  7. Kaya Trishia, maaaring tama ka, negatibo nga ang nais ipahiwatig ng nabiyak o naputol na Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow a.) na sinuportahan pa ng unang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad, na nagsasabing may tendency na sa iyong pag-aasawa, ikaw ay mabalo. 

  8. Subalit tulad ng naipaliwanag na, hindi naman sa pagkawala ng iyong asawa natatapos ang kuwento at drama ng iyong buhay. Sa halip, kapag itinuloy ang kuwento, simula palang ‘yun ng susunod na senaryo sa pagpihit ng maningning na camera kung saan ayon sa ikalawang mas malinaw, tuwid at mas magandang Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow c.), sa ikalawang pag-aasawa, walang duda, habambuhay ka nang liligaya.  

 

DAPAT GAWIN

Kaya hindi ka dapat matakot na harapin ang hamon ng tadhana. Mawala man ang una mong asawa, okey lang ‘yun sapagkat kapag itinuloy ang istorya ng iyong buhay, hindi ito matatapos sa pagkawala ng iyong asawa. Bagkus, sa ikalawang pag-aasawa, sigurado na ang magaganap — may pangako ng mas maligaya at panghabambuhay na pagsasama, (Drawing A. at B. 2-M arrow c.), upang minsan pa, muli na namang mapatunayan ang katotohanan sa sinasabi ng dakilang pintor na si Leonardo Da Vinci, “There is no perfect gift without great suffering.”

 

 

 


 
 
RECOMMENDED
bottom of page