top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | Pebrero 21, 2024



 


KATANUNGAN



  1. May boyfriend na ako pero ang pinagtataka ako, may crush akong iba. Sa totoo lang, Maestro, pantasya ko ring makasama ang crush kong ito, lalo na’t alam kong wala naman siyang girlfriend. Kapag nagkakasalubong kami sa daan, natutunaw ako sa hiya dahil crush na crush ko talaga siya.

  2. Medyo naguguluhan ako kasi more than two years na kami ng boyfriend ko, pero bakit humahanga pa rin ako sa lalaking ito? Iniisip ko tuloy na baka hindi kami ang magkatuluyan ng boyfriend ko, gayung mahal na mahal ko siya dahil mabait at sweet siya, masasabi ko ring very romantic naman ang relationship namin.

  3. Ano ba talaga ang nakaguhit sa aking mga palad, at sino ang makakatuluyan ko?

 


KASAGUTAN 



  1. Pangkaraniwan lang naman sa isang tao ang humanga, kaya hindi nakakapagtaka na kahit may boyfriend ka, nagkakagusto ka pa rin sa iba. Samantala, kahit may crush kang iba habang may boyfriend ka, ito ay masasabing normal hangga’t hindi nawawala ang pag-ibig at pagmamahal mo sa iyong boyfriend.

  2. Ang mahalaga, ayon sa kaisa-isang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad, kung mahigit dalawang taon na ang meaningful at romantic naman relationship n'yo ng boyfriend, sa takdang panahong inilaan ng kapalaran, kayo pa rin ang magkakatuluyan.

  3. Tunay ngang kapag maraming “punpon ng maliit na guhit” sa Bundok ng Venus (Drawing A. at B. arrow b.) ang isang babae o lalaki sa kaliwa at kanan niyang palad, ito ay malinaw na tanda na madali siyang magka-crush o humanga sa kanyang opposite sex. Ngunit ang mga paghangang ito ay hindi naman hahantong sa isang lehitimong relasyon hangga’t ang nasabing punpon ng maliit na guhit ay hindi naman lumagpas sa Life Line (L-L arrow c.) at Head Line (H-H arrow d.) sa kaliwa at kanang palad ng isang indibidwal.

  4. Matakot ka kapag ang nasabing guhit ng paghanga o “line of crushes” ay humaba nang husto, tumawid sa Life Line at Head Line, hanggang sa bandang huli, ang nabanggit na mga paghanga sa opposite sex ay mauuwi sa isang lehitimo, matamis at masarap, ngunit ito ay pawang panandaliang pakikipagrelasyon lamang.

 


MGA DAPAT GAWIN



  1. Kung ang average na buhay ng tao para sa mga lalaki ay sinasabing humigit-kumulang sa 75 years old, habang sa mga babae ay 80 years old, sa mahabang karanasang ‘yun ng kanyang buhay, hindi maiiwasan na humanga o ma-inlove pa nang hindi lang isang beses, bagkus ay maraming beses.

  2. Pero hindi naman sa dami ng hinahangaan o inibig mo ang basehan ng masaya at panghabambuhay na pagpapamilya. Bagkus, ang tunay na basehan ay ang isang beses mong minahal at inibig nang tapat ay naging habambuhay at siya ang nakasama mo sa pagbuo ng pamilya hanggang sa tuluyan na kayong tumanda.

  3. Ganu’n ang mangyayari sa takda mong kapalaran, Eva Marie. Ayon sa iyong mga datos, marami ka pang hahangaang lalaki, ngunit mauuwi na lang ‘yun sa purong paghanga at hindi magiging lehitimong relasyon, hanggang sa kusang dumating at matupad ang kaisa-isang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay nagsasabing ang kasalukuyan mo nang boyfriend ang makakatuluyan mo, na nakatakdang mangyari sa susunod na taong 2025 sa edad mong 26 pataas.


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | Pebrero 19, 2024



 


KATANUNGAN


  1. Gusto kong mag-abroad, pero bukod sa pinanghihinaan ako ng loob, ayaw din akong payagan ng nanay at tatay ko, nag-iisa lang nila akong anak at ayaw nila akong malayo sa kanila. 

  2. Mahirap lang kami kaya gusto ko silang bigyan ng magandang buhay. Gusto ko bago sila tumanda ay mabigyan ko sila ng magandang bahay, magkaroon ang nanay ko ng tindahan sa harap ng bahay namin at maibili ko ang tatay ko ng kapirasong lupa na kanyang pagtataniman ng mga halaman dahil mahilig siyang magtanim.

  3. Gusto kong malaman kung may maganda ba akong Travel Line sa aking palad. At kahit ayaw nila akong payagan, kung may maganda naman akong Travel Line, siguro ay mapipilit ko sila at hindi na sila mag-aalala kung sakaling matuloy ako sa ibang bansa.

 


KASAGUTAN


  1. Tama ka, Yvena Valerie, ituloy mo lang ang binabalak mong pangingibang-bansa. Ito ang nais sabihin ng malinaw at malawak na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. 

  2. Sapagkat ang nasabing guhit ay may pangako ng isang mabunga at mabiyayang pangingibang-bansa na madali namang kinumpirma ng birth date mong 23 o 5 (2+3=5). Kaso nga lang, dahil nasa “neutral number” ang five o nasa pagitan ng mga numero, kaya alanganing “strong” at “weak number”, kaya naman ngayon ay may pagdadalawang-isip ka.

  3. Ang five ay pupuwede maging strong at manatiling weak dahil kapag nagbilang ka ng 1, 2, 3 at 4, hindi ba’t 5 ang kasunod at sa kabilang pangkat naman ay ang 6, 7, 8, 9? Ibig sabihin, nasa gitna ng dalawang bilang na 1, 2, 3, 4 at 6, 7, 8, 9 ang numerong 5. Ito ay patunay na hindi niya malaman kung strong o weak number siya. At ito rin minsan ang dahilan kung bakit silang may birth date na 23 ay dumarami ang karelasyon kung hindi nila pipigilan, dahil nga madali silang maimpluwensiyahan ng kapalaran o ng mga taong umaali-aligid sa kanila.

  4. Ituloy mo lang ang iyong balak, sapagkat ang iyong lagda na maayos namang isinulat at iminarka ang nagsasabing anuman ang balakin mo sa panahon ngayon, tiyak na magkakaroon ng isang maganda at positibong resulta sa future.

 


DAPAT GAWIN


Habang, ayon sa iyong mga datos, Yvena Valerie, ituloy mo lang ang binabalak mong pag-a-abroad. Sapagkat sa susunod na taong 2025, payagan ka man o hindi ng mga magulang mo, sigurado na ang magaganap – matutuloy ka sa iyong pangingibang-bansa. Ito na rin ang magiging simula para mabigyan mo ng magandang buhay, lalo na sa panahon ng kanilang pagtanda ang iyong mga minamahal na magulang.



 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | Pebrero 16, 2024


 


KATANUNGAN


  1. Gusto ko sanang magnegosyo, ang kaso wala namang “Business Line” sa kaliwa at kanan kong palad. 

  2. Maestro, kahit ba wala ako nitong guhit, may pag-asa pa rin kayang umunlad ang itatayo kong negosyo?

  3. Kung may pag-asa akong umunlad sa pagnenegosyo, ano ang negosyo naman ang mairerekomenda n’yo para sa akin?

  4. At kung ngayong taon ako magsisimula, ano’ng buwan naman ang bagay para sa aming mag-asawa?  



KASAGUTAN



  1. “Huwag kang magnegosyo,” ito ang nais sabihin ng nahulog na Fate Line (Drawing  A. at B. F-F arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ang Fate Line na ito ay tinatawag din nating Career Line, na ang ibig sabihin ay guhit ng propesyon o paghahanapbuhay (arrow a.). Sa kaso mo, dahil ito ay nahulog sa pagitan ng daliring hintuturo at hinlalato (arrow a.). Tiyak ang magaganap, sa bawat pagdukot mo ng salapi sa iyong bulsa, gamitin mo man ito sa negosyo, kalakal, pulitika, sa pagpapasarap o anumang binabalak mong pagkakagastusan, tiyak ang magaganap - hindi na sa iyo makakabalik ang nasabing sarap na dinukot mo sa iyong bulsa.

  2. Sa madaling salita, isa kang gastador at hindi masinop sa kabuhayan. ‘Ika nga ng iba, “Parang tubig na nagdaan lang sa palad ko ang pera, at makalipas ang ilang araw ay dagli rin itong naubos at nawala.” 

  3. Gayunman, kung hindi ganyan ang Fate Line ng mister mo, siya na lang ang paghawakin mo ng negosyo para hindi masayang ang salapi na ilalabas n’yo.

  4. Ngunit, kung kapwa nahulog ang Fate Line n’yo, itabi n’yo na lang ang perang pangpuhunan na ipapadala sa inyo ng inyong mga anak, o kaya naman ay itabi n’yo ito sa bangko o saan mang trust fund na may malaking tubo. 

  5. Puwede n’yo rin namang tuparin ang matagal n’yo ng pinapangarap, tulad ng kumain sa masasarap na resto para sa ganu’n, sa inyong pagtanda, kapag mahina na kayo, wala kayong pagsisihan 



MGA DAPAT GAWIN



  1. Habang ayon sa iyong mga datos, Beth, ‘wag ka ng mag-isip na magnegosyo, dahil tulad ng naipaliwanag na, wala naman sa palad mo ang nasabing larangan.

  2. Sa halip, itabi mo na lang ang kalahati ng salapi na ipapadala sa iyo ng iyong mga anak na nasa abroad. Sa ganitong paraan lamang kayo mas mag-e-enjoy sa inyong buhay.


Minsan, tama ang sinasabi ng iba, maiksi lang ang buhay, kaya habang may pagkakataon at malakas ka pa, ‘wag n’yong sayangin ang pagkakakataon. Habang nagkukuwentuhan kayo ni mister, isaalang-alang mo ang ganitong katanungan, “Kung hindi tayo ngayon magpapakasaya at magpapakasarap sa buhay. Kailan pa? Kapag pinapahirapan na ba tayo ng rayuma? Kapag hindi na makabiyahe dahil may mga nararamdaman na, hindi na makalasa ng masasarap na pagkain, malabo na ang mga mata, matanda at uugod-ugod na?”


 
 
RECOMMENDED
bottom of page