top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | Marso 16, 2024



 


KATANUNGAN



  1. Nag-break kami ng boyfriend ko matapos ang halos isang taong pagsasama. Hanggang ngayon, mahal na mahal ko pa rin siya. Maestro, nais ko lang malaman kung magkakabalikan pa kaya kami, kahit na may nililigawan na siyang iba, ang masaklap lang ay pinsang buo ko pa ‘yung bet niya ngayon. 

  2. Bukod sa love life, nais ko ring malaman kung makakapag-abroad kaya ako? Sa ngayon kasi ay nag-a-apply ako para makapangibang-bansa, kung sakaling matutuloy ako, magiging productive at masaya kaya ang buhay ko sa ibang bansa?



KASAGUTAN 



  1. Huwag mo nang isipin ang ganyang klaseng lalaki dahil panggulo lang siya sa buhay mo. Ito ang nais sabihin ng maraming bilog at putul-putol na Heart Line sa unahan hanggang gitnang bahagi (Drawing A. at B. h-h arrow a. at b.) sa kaliwa at kanan mong palad. 

  2. Tanda na malabo ka pang lumigaya at magtagumpay sa larangan ng pag-ibig, kung saan sa tuwing makikipagrelasyon ka, pagluha at pagtatalusira ang laging magiging sukli.

  3. Kaya tulad ng nasabi na, huwag mo munang intindihin ang mga lalaki. Sa halip, ang atupagin mo ay ang pagpapaunlad ng iyong career. Kaya mapapansing eksakto at tama ang ginagawa mo ngayon, mag-concentrate ka sa ginagawa mong pag-a-apply sa abroad dahil kung pangit ang iyong Heart Line (h-h arrow a. at b.), sadya namang pinagkalooban ka ng isang maganda, malawak at aliwalas na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad.

  4. Tanda na sa pangingibang-bansa ka susuwertehin at mas madali mo nang makakalimutan ang mga nagdaang kabiguan sa larangan ng pag-ibig. Gayundin, sa panahong may asawa ka na, may pangako na liligaya ang inyong pagpapamilya na kinumpirma at pinatunayan ng maganda at makapal na Marriage Line (1-M arrow d.) sa kaliwa at kanan mong palad.

  5. Tanda na kung bigo ka sa unang pag-ibig at sa kasalukuyan ay pagluha lamang ang dinulot ng iyong ex-boyfriend, umasa kang sa panahon ng pag-aasawa, tiyak na magtatagumpay at magkakaroon ka ng isang maligaya at panghabambuhay na pamilya.



MGA DAPAT GAWIN



  1. Sadyang may panahon sa bawat pangyayari sa silong ng langit at sa kaso mo, Aira, hindi mo pa panahon upang umibig at mainlab. Sa halip, ang angkop sa kasalukuyan ay ang pagandahin at paunlarin ang career sa pamamagitan ng pag-a-apply sa ibayong-dagat.

  2. Ayon sa iyong mga datos, basta’t mag-ayos ka lang ng iyong mga papeles, walang duda sa taon ding ito ng 2024, sa buwan ng Setyembre o Oktubre, sa edad mong 25 pataas, may pangako ng isang produktibo at maunlad na pangingibang-bansa.

 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | Marso 14, 2024





KATANUNGAN



  1. Maestro, noon pa ako nag-a-apply sa abroad, ang kaso palagi rin akong naloloko. Sa ngayon, nag-a-apply ulit ako kahit na sabihin ng iba na wala akong kadala-dala. 

  2. Matagal ko na kasing pangarap na makapagtrabaho sa ibang bansa para makapag-ipon ng pambili ng sariling lupa at bahay. Bata pa lang kasi ako ay nangungupahan na kami at hanggang ngayong may sarili na akong pamilya ay wala pa rin kaming sariling bahay at lupa.

  1. Sa pagkakataong ito susuwertehin na kaya ako? Kung sakaling makakapag-abroad ako, papalarin na kaya ako sa pangingibang-bansa?

 


KASAGUTAN



  1. Malamang na maloko ka ulit. Ito ang nais sabihin ng maraming krokes at buhol na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Kung saan, dalawa lang ang nais sabihin ng magulo at pangit na Travel Line (t-t arrow a.) na nabanggit. Kung hindi ka malokong muli, sigurado namang sa ibayong-dagat, imbes na suwertehin ay grabeng hirap at pagsasakripisyo ang daranasin mo, pero tulad ng inaasahan, hindi ka pa rin uunlad at makakaahon sa kahirapan, gayundin, hindi mo mabibili ang iyong pangarap na sariling bahay at lupa. Kung ganu’n, saang larangan at paano ka susuwertehin sa buhay, lalo na sa materyal na bagay?

  2. Ang malinaw at makapal na Business Line (Drawing A. at B. B-B arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad ang nagsasabing hindi ka sa pag-a-abroad aasenso kundi sa pagnenegosyo na madali namang kinumpirma ng birth date mong 14 at zodiac sign na Capricorn.

  3. Sa produktong may kaugnayan sa bungang kahoy, gulay, bunga ng mga halaman, laman-ugat o mga produktong butil, puwede rin ang matitigas na bagay at kalakal na nahuhukay o nakukuha sa ilalim ng lupa o sa ilalim ng ilog at dagat. Sa ganu’ng mga gawain at negosyo ka uunlad hanggang sa kusa mong matupad ang pangarap na magkaroon ng sariling bahay at lupa. Hindi lang ‘yun, kapag sinusuwerte ka, kung tulad mo ring “square type hand” (arrow c.) ang iyong misis, kaunti lang din ang guhit sa kanyang palad (arrow c.) at nagtulungan kayo sa nasabing mga negosyo, yayaman kayo. Kapag nangyari ‘yun, makapag-a-abroad ka pa rin, hindi na para magtrabaho kundi para mamasyal sa mga lugar na noon mo pa pangarap mapuntahan.



MGA DAPAT GAWIN 


  1. May kani-kanyang suwerte ang bawat tao. May mga taong sinuwerte sa pag-a-abroad kaya nakapagpatayo ng magarang bahay at nakakapagbukas ng isang simple pero click na negosyo.

  2. May mga tao namang suwerte sa pulitika, kaya simula nang naupo sa panunungkulan sa bayan, parang kumikita na rin ng limpak-limpak na dollar dahil sa pagnanakaw sa kaban-yaman. 

  3. Sa takdang panahong inilaan ng kapalaran dahil nagtataglay ka ng malaki at makapal na palad, darating ang panahon ang iyong kabuhayan ay lalago nang lalago hanggang sa tuluyan na rin kayong yumaman na nakatakdang mangyari at maganap sa taong 2031 sa edad mong 43 pataas.

 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | Marso 12, 2024



 


KATANUNGAN


  1. Naghiwalay na kami ng asawa ko for almost one year, but thanks to God, nagkabalikan kami nang dumating ako galing abroad at nangako siya na magbabago at magpapakatino na.

  2. Ang kaso, dahil sa kakabasa ko sa inyong mga artikulo lalo na sa Palmistry, napansin kong dalawa ang Marriage Line ko na pareho namang mahaba at maganda. Ano ba ang ibig sabihin kapag dalawa ang Marriage Line, nangangahulugan ba ito na dalawang beses din akong makakapag-asawa?

  3. Kunsabagay, matino na ang mister ko ngayon. Ang kaso, sa pag-aahente ko ng iba’t ibang produkto, may nakilala akong matanda at balong lalaki, nagkagusto sa akin isa siyang mayaman at mabait, gayundin ramdam ko na nanliligaw na siya ngayon.

  4. Natatakot ako dahil baka tuluyang mahulog ang loob ko sa kanya at mangyari ang kinatatakutan ko dahil dalawa ang nakita kong Marriage Line sa aking mga palad na ayoko naman mangyari. 

  5. Pero sabi n’yo, hindi maiiwasan ang kapalaran, kaya baka tunay ngang nakatakda na sa akin ang magkaroon ng dalawang asawa. Kung ganu’n, wala na rin akong magagawa. Tama ba ako na kapag ang kapalaran ay nakatakda, wala ka nang magagawa para baguhin pa ito?

 


KASAGUTAN


  1. Hindi ganu’n ‘yun! Sa halip, kapag ang kapalaran ay nakatakda, mayroon kang kakayahan upang baguhin ito, lalo na kung ito ay pangit o masama, pero kung mabuti naman ang kapalaran, puwede mong ikondisyon ang iyong sarili at isipin na ang kapalaran ay talaga namang nakatakda at hindi na ito mababago pa kailanman. Ganu’n dapat ang maging konsepto ng iyong isipan dahil ang kapalarang tinutukoy natin ay maganda.

  2. Pero ano nga ba talaga ang totoo? Kaya ba talagang baguhin ng isang tao ang kanyang kapalaran? Ang eksaktong sagot, depende sa guhit at texture ng iyong palad. Kapag makapal ang palad mo, tumatalbug-talbog kapag sinasalat at kaunti lang ang mga guhit, ito ay nangangahulugan na kaya mo pang baguhin ang iyong kapalaran. Pero kapag manipis ang iyong palad at saksakan ng dami ng guhit, kahit si Superman ka pa, hindi mo na mababago ang iyong kapalaran.

  3. Samantala, Bea, mali ang iniisip mo na dalawang beses kang makakapag-asawa, sa halip, ang tama at eksaktong interpretasyon ay ganito: Hindi dalawang beses na pag-aasawa ang nais sabihin ng dalawang Marriage Line (Drawing A. at B., 1-M at 2-M arrow a. at b.) sa kaliwa at kanan mong palad, lalo na kung titingnan, sobra ang pagkakalapit nito sa isa’t isa. Sa mas malinaw na paliwanag, halos masinsin o walang pagitan ang nasabing dalawang Marriage Line (arrow a. at b.) at halos magkapareho pa ng haba at kapal. Ang ibig sabihin ng nasabing mga guhit, iisang lalaki lang ang mapapangasawa mo, pero paglalayuin kayo ng tadhana.

  4. Gayunman, pagkatapos ng ilang kumpol na panahon, muli kayong magkakabalikan at makakabuo ng isang masaya at panghabambuhay na pamilya. Ganu’n ang nangyari! Nag-abroad ka at noong nasa abroad ka ay nambabae si mister, hanggang nang umuwi ka na ng Pilipinas ay humingi siya ng tawad, muli kayong nagkabalikan, hindi ka na nangibang-bansa at ngayon ay buo at masaya na muli ang inyong pamilya.

  1. Ang ganyang guhit ay wala ring iniwan sa dalawang magkasintahang naghiwalay nang mahabang panahon. Ngunit matapos ang mahabang panahong paglalayo, kahit malawak ang puwang sa kaibuturan ng kanilang mga puso, buo pa rin ang pag-ibig nila sa isa’t isa. Hanggang sa biglang dumating ang isang hindi inaasahang sitwasyon na muli silang pinagtagpo ng tadhana upang ang naunsyaming pag-ibig o true love ay siya nang maging “Love that last a lifetime.” Kaya nang muli silang nagkabalikan, naging masaya at panghabambuhay na ang kanilang pagmamahalan.

  2. Sa kaso n’yo namang mag-asawa, tulad ng naipaliwanag na, kahit dalawa ang Marriage Line (arrow a. at b.) sa kaliwa at kanan mong palad, ang nasabing dalawang guhit ay walang iba kundi siya pa rin o ang lalaki na iyong pinakasalan at napangasawa. Naging dalawa lang ang nabanggit na guhit upang ilarawan ang pagkakawalay at muling pagkakatagpo na hahantong sa maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya.



DAPAT GAWIN


Ayon sa iyong mga datos, Bea, hindi na nakatakda sa kapalaran mo ang muling paghihiwalay n’yo, ngunit kung paiiralin mo ang iyong kahibangan sa matandang balo na iyong kaibigan ngayon, tulad ng naipaliwanag na sa itaas, hindi ito nakatakda sa kapalaran. Bagkus, ginagawa mo lang ‘yan kung may makapal kang palad na masarap hawakan at tumatalbug-talbog habang sinasalat. Kapag ganu’n ang nangyari sakaling magkahiwalay kayong muli ni mister, masasabing ikaw na mismo ang pumili ng landas na ‘yun upang muling mawasak ang inyong pamilya.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page