top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | Marso 24, 2024



 


 KATANUNGAN


  1. May karelasyon ako ngayon. Crush ko siya, at nagkataon din palang crush niya rin ako, kaya naging mag-on kami. Tuwing magkasama kami, gusto kong hindi na kami magkahiwalay pa at kapag hindi ko naman siya nakikita o nakakasama ay hinahanap-hanap ko siya.

  2. Gusto kong malaman kung umiibig na ba talaga ako? Ngayon ko lang naramdaman ang ganitong feeling,  at kapag nakikita ko siya na may kasama o kausap na iba, asar na asar ako. 

  3. Naitanong ko sa inyo ang mga bagay na ito dahil nalilito ako sa aking nararamdaman. Nagtataka kasi ako sa sarili ko kung bakit siya na lang palagi ang laman ng puso’t isipan ko mula umaga, tanghali, hanggang hapon pati na rin sa pagtulog ko sa gabi.

  4. Sana, matulungan mo akong bumalik sa normal ang buhay ko. Sa ngayon kasi, medyo nahihirapan ako. Ewan ko ba kung bakit puro siya na lang ang laman ng aking isipan. Talaga bang umiibig na ako o naloloka na? Natatakot tuloy ako na baka bigla akong makapag-asawa nito. 


KASAGUTAN 


  1. Ganyan talaga ang mga taong inlab, parang nagkahalong naloloka at nagmamahal. 

  2. Samantala, may babala ng maagang pag-aasawa ang nais sabihin ng sobrang lapit na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na kapag patuloy kang naloka at nahibang sa sinasabi mong lalaki, posibleng sa malapit na hinaharap, nasa panahon o wala sa panahon mang matatawag, bigla kang makakapag-asawa.

  3. Subalit, dahil bata ka pa at hindi ka pa tapos ng pag-aaral, kailangan mong pigilin mo ang iyong nararamdaman at haling na pag-ibig sa iyong boyfriend nang sa gayun ay bago ka makapag-asawa, makatapos ka muna ng pag-aaral.

  4. Makakaya mo naman itong pigilin, sapagkat ayon sa mataba at malaking itaas na bahagi ng daliring hinlalaki (arrow c.), kung gagamitin mo ang will power o pag-iral ng matining na kalooban, ang kasalukuyan pagka-inlab, hindi naman sa dapat mong pigilin, bagkus dapat din naman gamitan mo ng rason o isip upang hindi ka tuluyang mapalautan.

  5. Sa balanseng gamit ng rason at damdamin sa panahong ikaw ay umiibig, hindi ka magkakamali ng pagpapasya, sa halip ay matatama ka ng desisyon, hindi ka maliligaw ng landas at bago makapag-asawa, makakatapos ka muna ng pag-aaral. ‘Ika nga ng Mathematician at Philosopher na si Blaise Pascal, “We know the love, not only by the heart, but also by the reason.”


MGA DAPAT GAWIN


  1. Marga, kapag patuloy kang nahibang sa kasalukuyang pag-ibig na iyong nararamdaman, sa mura mong edad na 19, maaaring kang makapag-asawa na magiging dahilan upang hindi ka makatapos ng pag-aaral (Drawing A. F-F Drawing A. arrow d.). Ngunit sa kabilang banda, kung kasabay ng nakakabaliw na pag-ibig, babalansehin mo ito ng rason o malinaw na kaisipan, mas higit na matutupad ang tuluy-tuloy na Fate Line (Drawing B. F-F arrow d.) na nakasampa sa Bundok ng Tagumpay (arrow d.), sa kaliwa at kanan mong palad.

  2. Ibig sabihin, bago ka makapag-asawa, makakapagtapos ka muna ng pag-aaral upang minsan pa, muli na namang mapatunayan ang isa pang katotohanan na ang pag-ibig na ginamitan ng isip, sa halip na puro puso at puson lamang, tiyak ang isang mas maunlad at mas maligayang pag-aasawa (Drawing A. at B. 1-M arrow a.).

 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | Marso 22, 2024



 


KATANUNGAN


  1. Iniwanan ako ng live-in partner ko mula nang matuklasan niyang may ka-textmate at friend ko rin ito sa Facebook. Akala niya, boyfriend ko na ang lalaking ka-textmate ko, pero magkaibigan lang naman kami. Maestro, magkakabalikan pa kaya kami ng dati kong kinakasama? 

  2. Noong dalaga pa ako, pinangarap ko rin ang maikasal at lumakad sa harap ng altar, ‘yun nga lang ay hindi iyon nangyari at ngayon ay may dalawa na kaming anak.

  3. Sa palagay n’yo, Maestro, kung makikipagrelasyon ako sa iba, may lalaki pa kayang maghaharap sa akin sa altar upang matupad ang pinapangarap ko, kahit na 33-anyos na ako ngayon?



 KASAGUTAN


  1. Kapansin-pansin ang dalawang malinaw na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a. at 2-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na dalawang beses kang makakapag-asawa, kasal man o hindi.

  2. Pansinin mo ring nabiyak at sadyang pumangit ang unang Marriage Line (arrow a.) na tulad ng nangyayari ngayon, ang nasabing pag-aasawa ay nakatakdang mauwi sa pagkawasak at paghihiwalay n’yo nang kasalukuyan mong live-in partner.

  3. Ngunit, sa ikalawang pag-aasawa, malaki ang pag-asa na ito na ang mas malinaw at mas mahaba na Marriage Line (arrow b.) na iginuhit sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay may pangako ng isang tapat at panghabambuhay na relasyon.

  4. Ang pag-aanalisa sa ikalawang pag-asawa o pakikipagrelasyon ka susuwertehin ay madali namang kinumpirma ng birth date at destiny number mong 2. Ibig sabihin, sa mga bagay at ikalawang pangyayari sa iyong buhay, higit kang papalarin at susuwertehin.



DAPAT GAWIN 


Habang ayon sa iyong mga datos, Eloisa, kung ayaw na sa iyo ng kasalukuyan mong live-in partner, ano pa nga ba ang magagawa natin? Huwag mo na siyang habulin at huwag mo nang ipagpilitan ang iyong sarili mo sa kanya, sapagkat nakatakda na ang magaganap – kahit na may dalawang anak ka pa sa nasabing  lalaki, tiyak namang sa ikalawang pakikipagrelasyon na darating na hatid ng isang lalaking isinilang sa zodiac sign na Pisces, walang duda, siya na ang iyong mapapangasawa. Pakakasalan ka niya at habambuhay ka ng magiging maligaya na nakatakdang mangyari ngayong 2024.


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | Marso 20, 2024



 


KATANUNGAN


  1. Nakakahiya man aminin, 38-anyos na ako pero hanggang ngayon binata pa rin ako. Nagkaroon naman na ako ng girlfriend, kaya lang hindi ito nagtatagal dahil nasa abroad ako.

  2. Pero ngayon, may nililigawan akong babae na isinilang noong September 24, 1988. May pag-asa kayang maging girlfriend ko siya? 

  3. Sana siya na ang nakaguhit sa aking palad upang magkaroon na ako ng sariling pamilya, nagkakaedad na rin kasi ako, pero wala pa ring nangyayari sa mga naipon at naipundar ko.


KASAGUTAN


  1. Medyo napadulo ang Marriage Line (Drawing A at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Makikita ang nasabing guhit ng pag-aasawa hindi sa gitnang bahagi, sa halip ay mas malapit sa daliri ng kalingkingan o hinliliit (arrow a.). Ito ay malinaw na tanda na ang iyong pag-asawa ay magaganap humigit-kumulang sa edad mong 39 pataas. Ibig sabihin, kung hindi ngayong 2024, malamang sa susunod na taon ka pa makakapag-asawa.

  2. Pansinin mo ring tuwid na tuwid ang pagkakapahalang ng iyong Marriage Line (arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ang tinatawag na “good looking marriage line”, na nangangahulugan ng maligaya at panghabambuhay na pag-aasawa na siya ring pinapangarap ng bawat indibidwal na tulad mong malapit nang tumandang binata.

  3. Ang maligayang pag-aasawa ay kinumpirma rin ng iyong lagda na suwabeng-suwabe mong isinulat, walang bumabalik na guhit sa direksyong pakaliwa. Sa halip, malinaw at tuluy-tuloy na umusad patungong kanan na nagtapos sa isang straight line na stroke. Ibig sabihin, ito ay malinaw na tanda na sa sandaling nakapag-asawa ka, habambuhay ka nang liligaya sa piling ng kaisa-isang babaeng malaon mo nang tinatangi-tangi at minahal sa kasalukuyan. 

 

DAPAT GAWIN


Ayon sa iyong mga datos, hindi magtatagal at tuluyan nang mahuhulog ang loob sa iyo ng babaeng nililigawan mo na nagtataglay ng zodiac sign na Libra at pagsapit ng 2025 sa edad mong 39 pataas, siya na ang iyong mapapangasawa at makakasama sa pagbuo ng isang maligaya at panghabambuhay na pamilya.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page