top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Palad | July 17, 2024



Kapalaran Ayon Sa Palad

KATANUNGAN

  1. Dati akong seaman, pero ayoko na sana muling mag-abroad, dahil ang hirap pala sa barko. Nang maipagawa ko ang bahay namin, at makapagbayad sa mga utang, nagdesisyon akong tumigil na muna sa pagsampa sa barko.

  2. Nais ko sanang magnegosyo, dahil may naitatabi pa naman akong puhunan kahit papaano. Naisipan kong sumangguni sa inyo, Maestro, kung ano ba ang nakikita n’yo guhit ng palad ko? Maaari ba akong magnegosyo? Kung sakaling oo, ano’ng negosyo naman ang bagay sa akin?

 

KASAGUTAN

  1. Kapansin-pansin na nagtataglay ka na tinatawag na “square type hand” (Drawing A. at B. arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad na nangangahulugang nagtataglay ito ng reserbadong lakas o energy ang iyong pagkatao. Kaya naman kapag sinalat ang iyong palad, iyong mapapansin na tumatalbug-talbog ito kapag sinasalat. Kaya puwedeng-puwede kang sumubok ng iba’t ibang uri ng negosyo at hanapbuhay.

  2. Ibig sabihin, malaki ang potensyal mo na magtagumpay sa larangan ng pangangalakal na madali namang kinumpirma ng bilugan mong pangangatawan at ng iyong kapanganakan na 26 o 8 (ang 26 ay 2+6=8).

  3. Kaya lang, dahil ang numerong 8 ay pinaghaharian ng planetang Saturn, ibig sabihin nito ay marami ka pang pagdaraanang hirap at pagsubok, bago mo makuha ang maganda mong kalagayan sa pagbabarko.

  4. Walang duda, uulit lamang ang lahat nang ito sa sandaling ikaw ay magsimulang magnegosyo. Kung saan, sa simula maraming pagsubok at mga problema ang iyong mararanasan. Subalit kahit ganu’n ang mangyari, hindi ka dapat sumuko, dahil nakatakda na sa iyong kapalaran na subukin ka ng tadhana. Para tumibay at tumatag ang iyong pagkatao na maihahalintulad sa punong kahoy. Magkakaroon ka ng mas marami at mas hitik na mga bunga, na lalo pang magpapaunlad at magpapaligaya sa iyo. 

  5. Ang pag-aanalisang susuwertehin ka sa negosyo, tulad ng sinuwerte ka sa barko ay madaling kinumpirma ng Straight Head Line (Drawing A. at B. H-H arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, basta’t binigyan mo ng buong atensyon ang isang bagay, makukuha mo ito at magtatagumpay ka.

  6. Ang pag-aanalisang may suwerte ka nga sa negosyo ay lalo pang pinagtibay ng Mercury Line (Drawing A. at B. n-n  arrow c.), sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay tanda na ang sinumang may isang malinaw at makapal na guhit ng Mercury Line (arrow c.) ay tiyak na magtatagumpay sa larangan ng pangangalakal. Higit lalo kung simple lang o kakaunti lang ang guhit ng kanilang palad na tinataglay ng mga taong may square type hand at pagkatapos ay may straight Head Line pa (Drawing A. at B. H-H arrow b.) sa kaliwa at kanang palad na tulad mo. At dahil nagkataon pa na otso (8) ang araw ng iyong kapanganakan, walang duda na sa usaping pagnenegosyo tulad ng nasabi sa nakatakdang panahong inilaan ng kapalaran ay uunlad at yayaman ka!


DAPAT GAWIN

Ayon sa iyong mga datos, Sam, kung magsisimula ka na magnegosyo sa last quarter ng taong ito ng 2024, tiyak na yayaman ka na.



 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Palad | July 11, 2024



Kapalaran Ayon Sa Palad

KATANUNGAN

  1. May manliligaw ako at parang gusto ko na rin siyang sagutin. Ang problema ay nagtataka ako at naiinis sa kanya dahil may nililigawan pa siyang ibang babae bukod sa akin. Ibig sabihin ba nito ay hindi niya talaga ako mahal dahil nanliligaw pa siya sa ibang babae?

  2. Kung sasagutin ko siya, titigilan na ba niya ang panliligaw sa ibang babae? Gayundin, sakali namang maging kami, magiging masaya ba ako sa piling niya? Siya na rin ba ang lalaking nakaguhit sa aking palad na makakasama ko habambuhay? 

 

KASAGUTAN

  1. Talagang ganu’n, Mia, minsan may lalaki talagang malandi. ‘Yung tipong may nililigawan na, manliligaw pa ng iba. 

  2. Pero unawain mo na lang siya dahil kung iisiping mabuti, ang ikakatwiran nila ay, “Bakit kayong mga babae, marami rin namang nanliligaw sa inyo, pero may narinig ba kayong lalaki na umangal at sinabing, ‘Ang gara mo naman, ang dami-dami mong manliligaw samantalang nililigawan na kita?’”  Hindi ba, wala namang ganu’n?

  3. Para kasing “double standard” ang nangyayari pagdating sa ligawan. Kapag babae, puwedeng maraming nanliligaw, pero kapag lalaki, hindi puwedeng maraming nililigawan?

  4. Samantala, kapansin-pansing nagsimula sa Bundok ng Kaligayahan o Mount of Jupiter (Drawing A. at B. arrow a.) ang Heart Line (h-h) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na kahit hindi mo sagutin ang manliligaw mo at may nanligaw sa iyong ibang lalaki, walang kaugnayan ang lahat ng ito, sapagkat nakatakda na ang mangyayari at magaganap. Sa sandaling nagkaroon ka ng boyfriend at nakipagrelasyon, isang romantiko at maligayang karanasan ang sisilid sa iyong pagkatao.

  5. Ang pag-aanalisang magiging maligaya at very satisfied ang buhay pag-ibig mo ay madali namang kinumpirma ng kaisa-isa at malinaw na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda hindi lang sa pakikipagrelasyon ka magiging maligaya. Bagkus, magiging maligaya ka rin sa panahon ng pag-aasawa at pagtatayo ng sarili mong pamilya, na kinumpirma at pinatunayan din naman ng maayos, hindi nababoy na iyong lagda.

 

MGA DAPAT GAWIN

  1. Mia, kung sa kasalukuyan ay magulo ang manliligaw mo dahil kung sinu-sino ang nililigawan, huwag mong sagutin kahit may gusto ka na rin sa kanya. Kung feeling mo naman na gusto mo talaga siya at siya na ang gusto mong maging boyfriend, mas maganda kung siya mismo ang tatanungin mo ng, “Bakit ba nanliligaw ka pa sa iba, samantalang nandito naman na ako?” Sa nakakikilig na tanong na nabanggit, makikita mo na kusang mabubuo ang isang matimyas at totohanang relasyon.

  2. Habang, ayon sa iyong mga datos, anuman ang mangyari, ang nakatakda pa rin ang magaganap. Sa taong ito ng 2024 magkakaroon ka na rin ng boyfriend, na magpapakilig at maghahatid sa iyo ng maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya.


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Palad | July 9, 2024



Kapalaran Ayon Sa Palad

 

KATANUNGAN

  1. Nagtatrabaho ako noon sa Taiwan, at hindi ko alam na niloloko na pala ako ng misis ko. Nang nakauwi ako rito sa ‘Pinas, du’n ko lang nalaman ang kalokohang ginagawa niya. Lumayas siya at ang balita ko ay sumama na siya sa kanyang kalaguyo. Sa ngayon, hindi ko pa rin alam kung dapat ko pa siyang hanapin o pabayaan na lang.

  2. Gusto ko pa naman sanang magkabalikan kami dahil mahal ko pa rin siya sa kabila ng ginawa niyang pagtataksil sa akin, pero ayaw na ng mga magulang at kaibigan ko dahil sinasamantala lang ng misis ko ang aking kabaitan.

  3. Naisipan kong sumangguni sa inyo, Maestro, dahil gusto kong malaman kung sa edad kong 42, ‘pag tuluyan kaming naghiwalay ng misis ko, makakahanap pa kaya ako ng matino at mabait na babae na makakasama ko habambuhay?

  4. Kung sakaling babalik ako sa abroad, halimbawang nakapag-asawa na ako muli, hindi na ba ako maloloko muli? 


KASAGUTAN

  1. Tama ang advice sa iyo ng mga magulang at kaibigan mo na ‘wag mo na habulin o balikan pa ang iyong asawa na sumama sa ibang lalaki habang ikaw ay nagpapakahirap sa abroad. Ito ang nais sabihin ng unang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Kung sakaling magkabalikan man kayo, hindi lilipas ang isa o dalawang taon, tulad ng dati, muli ka niyang lolokohin at ang lahat ng kabutihan at pagsasakripisyo mong ginagawa ay susuklian na naman niya ng panloloko at kataksilan.

  2. Ibig sabihin, tanggapin mo nang maluwag sa iyong kalooban na hanggang doon na lang ang inyong pagsasama dahil kung pilit mo itong pagdurugtungin, muli lamang lalatirin ang relasyon n’yo ng panibagong pagtataksil na uulit-ulitin lang ng iyong misis.

  3. Samantala, sa sandaling naghiwalay na kayo, upang hindi ka iwanan ng ikalawang babaeng iyong mapapangasawa, siguraduhin mong katugma at ka-compatible mo na talaga siya. Isaalang-alang mo silang mga isinilang sa zodiac sign na Leo, Sagittarius at kapwa mo Aries na may birth date na 2, 11, 20, at 29. Kapag nagawa mo ‘yan, tiyak ang magaganap dahil ayon sa mas makapal at mahabang ikalawang Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad, kung ikukumpara sa nawasak at nabiyak na unang Marriage Line (1-M arrow a.), sa ikalawang pag-aasawa, may pangako na ng maligaya at panghabambuhay na pamilya.


DAPAT GAWIN

Ayon sa iyong mga datos Adrian tiyak ang magaganap, sa taon ding ito tuluyan na kayong magkakahiwalay ng lalakero mong misis (arrow a.). Ang ikalawa mong pag-aasawa (arrow b.) ay nakatakda namang maganap sa susunod na taon sa buwan ng Oktubre o Disyembre, sa edad mong 43 pataas. Sa ikalawang pag-aasawa, walang duda, habambuhay ka na makakaranas ng isang maligaya at panghabambuhay na pamilya sa piling ng isang babaeng isinilang sa zodiac sign na Sagittarius.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page