top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Palad | July 23, 2024



Kapalaran Ayon Sa Palad

KATANUNGAN


  1. Two weeks na kaming hiwalay ng ex-gf ko dahil nahuli niya akong nagbi-vape. Agad akong humingi ng pasensya sa kanya, pero mula noon, hindi niya na ako kinibo.

  2. Pumunta ako sa bahay nila para dalawin siya, na regular ko namang ginagawa, pero hindi siya nagpakita sa akin. Ayon sa kapatid niya,  umalis daw siya.

  3. Tine-text at tinatawagan ko siya, pero hindi siya sumasagot at madalas naka-off pa ang cellphone niya. Ang isa ko pang pinoproblema, binlock na rin niya ako sa Facebook. 

  4. Maestro, ano ba ang dapat kong gawin? Mahal na mahal ko siya, at ayokong tuluyan kaming magkahiwalay. Kung ako lang ang masusunod, siya na ang gusto kong makatuluyan. Sa katunayan, nag-iipon na ako para sa aming kinabukasan. Sa palagay n’yo, magiging okey pa kaya ang aming relasyon?


KASAGUTAN 


  1. Dahil medyo maliit na dahilan lang naman pala ang pinag-awayan n’yo, ang nangyayari sa inyo ngayon ay isa lamang lover’s quarrel. Kumbaga, para lamang kayong naglalambingang ibon sa puno ng mangga, mapapansin mo ‘yung dalawang ibon ay nagtutukaan, habang tumatakbo, at palipat-lipat naman sa sanga ‘yung isang ibon. Kunwaring umiiwas lang ‘yung isang ibon, pero sa katunayan, nagpapatuka at nagpapaabot naman talaga siya. Ganundin ang nangyayari sa inyo ngayon ng girlfriend mo, matapos magkunwaring nagtatampuhan, tiyak na magkakabati rin kayo, at muling magtutukaan.

  2. Kung tutuusin, ‘di naman talaga galit sa iyo ang girlfriend mo, dahil sure akong mahal na mahal ka lang niya. Ang totoo pa nga nito, kung siya lang ang masusunod ikaw din ang gusto niyang mapangasawa. Ang isang matibay na ebidensiya o patunay ay ang pagiging mahigpit niya sa iyo, lalo na pagdating sa pagbi-vape. Ibig sabihin, concern lang siya sa health mo, pero kung maitatanong mo naman kung bakit siya concern sa kalusugan mo? Simple lang ang sagot, concern siya sa iyo dahil mahal ka niya, at ayaw niyang magkasakit o maaga kang mawala.

  3. Kaya ayon sa kaisa-isa mong Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad, kung wala ka namang ginagawa sa inyo, mas maiging pasyalan mo siya, at kapag nawala na ang asar niya sa iyo, muli ka niyang tatanggapin at patatawarin.

 

DAPAT GAWIN

Habang ayon sa iyong mga datos, Jacob, anuman ang mangyari ang kaisa-isang malinaw at makapal na Marriage Line (1-M arrow a.) mo pa rin ang mananaig. Simula ngayong Hulyo hanggang Agosto, magkakabati na rin kayo ng girlfriend mo hanggang sa bandang huli, kayo na rin ang magkatuluyan na nakatakdang magsama sa pagbuo ng isang simple, pero maligayang pamilya habambuhay.


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Palad | July 21, 2024


Kapalaran Ayon Sa Palad

KATANUNGAN

  1. May nililigawan akong babae, ang problema ay nahihiya ako sa kanya, kaya hindi ko siya makausap ng personal. Pero sa Messenger ay nagpapalitan naman kami ng mensahe. Maganda ang aming napag-uusapan, kapag tinawagan ko siya o tinawagan niya ‘ko, wala na akong masabi, nahihiya at natotorpe na talaga ako. Maestro, kapag ba nahihiya ang lalaki sa isang babae, ibig sabihin ba nito ay mahal mo talaga siya?

  2. Ano ba ang dapat kong gawin para mawala na ang aking kaba at pagiging mahiyain sa tuwing nakakaharap ko na siya?

  3. Siya na rin kaya ang babaeng nakaguhit sa aking palad na makakasama ko habambuhay?


KASAGUTAN 

  1. Kapag hindi mo kayang kausapin ang isang babae sa personal, pero alam mo sa sarili mo na gusto mo siya, hindi ito nangangahulugang nahihiya ka dahil gusto mo siya. Ganu’n din sa babae, kapag nahihiya ang isang babae sa lalaking nagugustuhan niya, hindi ito nangangahulugang mahal niya agad ang lalaking iyon. Bagkus, ang tunay na dahilan kaya ka nahihiya sa kanya ay dahil immature o isip bata ka pa. Sa madaling salita “bata ka pa” o bata ka pa mag-isip. Kulang ka rin sa karanasan sa kung papaano makipag-usap at makisalamuha sa mga tao.

  2. Samantala, ang nais ipabatid ng guhit sa iyong palad ay malaki ang tsansa na ikaw ay mabasted ng iyong kasalukuyang nililigawan. Ito ay dahil sa hindi ka pa matured mag-isip. 

  3. Ang ibig sabihin naman ng maliit na bilog o anyong isla sa iyong Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad ay isang senyales na hindi dahil sa iyong katorpehan kung bakit hindi kayo nag-uusap ng iyong nililigawan sa personal. Ito ay dahil wala ka pang sapat na kakayahan upang magkaroon ng sapat na lakas na makipag-usap ng personal sa iyong nililigawan. Gaya ng aking ipinaliwanag, maaaring may gusto rin siya sa iyo, ngunit dahil naiinip na siya sa kahihintay na makipag-usap ka sa kanya ng personal, kapwa kayo manghihinayang sa isa’t isa, hanggang sa hindi na nga kayo magkatuluyan. Sa kabilang banda, kusang nagkakaroon ng sapat na oras ang isang tao upang mag-matured. Kasabay nito ang iyong pagkatuto na humarap ng maayos sa iyong napupusuan. 

  4. Samantala, kapag natuto ka na humarap at makipag-usap ng personal sa iyong nililigawan, makakatagpo ka rin ng isang babae na makakasama mo habambuhay. 


DAPAT GAWIN


Ayon sa iyong mga datos, Darren, nakatakda kang mabigo sa mga babaeng iyong niligawan. Pagkalipas ng 2 taon, sa edad mong 27 pataas, kusa namang magma-matured ang iyong pangangatawan at ang iyong isipan. Dahil dito, malaki na ang tsansa mo na makakilala ng isang babae na makakasama mo habambuhay. (Drawing A. at B. h-h arrow b.). Ang babaeng tinutukoy ko ay isinilang sa zodiac sign na Gemini, dahil hatid nito ang pagkamit mo sa iyong tinatamasang ikasal at makabuo ng isang masaya, malusog at masaganang pamilya. (Drawing A. at B. 1-M arrow c.).

 




 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Palad | July 19, 2024



Kapalaran Ayon Sa Palad

KATANUNGAN

  1. Maestro, may nais lang akong itanong, napansin ko kasi na parang dalawa ang guhit ng Fate Line ko sa aking palad. Ano ang ibig sabihin nito?

  2. Sa ngayon ay nagti-take ako ng Bachelor of Accountancy, at malapit na akong grumadweyt. Magtatagumpay kaya ako sa kursong ito? At matutupad ko rin kaya ang pangarap ko na maging isang CPA?


KASAGUTAN 

  1. Kapansin-pansin ang malinaw at makapal na Effort Line (Drawing A. at B. E-E arrow a.) na madali namang nakasampa sa Mount of Jupiter o Bundok ng Katuparan (arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, sa sandaling maka-graduate, at nakapag-review ka na, malaki ang tsansa mo na makapasa sa board exam na kinumpirma naman ng maayos at maganda mong lagda. 

  2. Sa susunod pang mga taon, magiging positibo na ang mga pangyayari sa larangang napili mo, tiyak na magtatagumpay at liligaya ka na rin.

  3. Samantala, kapag  dalawa ang Fate Line, ito ay tinatawag ding “double fate line” (Drawing A. at B. F-F arrow b.) sa kaliwa at kanang palad. Ito ay tanda rin ng “double source of income” na ang ibig sabihin, dalawa ang magiging trabaho o pinagkakakitaan mo.Halimbawa, naka-graduate ka na sa kursong Accountancy, at may regular work ka na, puwede ka pa magtrabaho every Sunday o Saturday. Ang ibig sabihin ng dalawang Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow b.) ay magtatagumpay ka sa napili mong larangan at may iba ka pang raket na maaari mong gawing libangan, habang kumikita ka ng regular na arawan mong kita.


MGA DAPAT GAWIN

  1. Ayon sa iyong mga datos, Samantha, ang dobleng Fate Line na nakikita mo sa kaliwa at kanan mong palad, (Drawing A. at B. F-F arrow b.) ay nagsasabing kapag nakapagtapos ka na ng kolehiyo at nagtatrabaho ka na, tiyak na hindi ka na mawawalan ng regular na trabaho. Bukod sa regular na trabaho, maraming sidelines at iba’t ibang pagkakakitaan pa ang matatanggap mo.

  2. Dagdag pa rito, ayon naman sa iyong Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow c. ) bukod sa maganda at mabungang karera na sadyang nakalaan sa iyo, sa taong 2029, sa edad mong 27 pataas, may isang mabunga at mabiyayang pangingibang-bansa ang maitatala sa iyong karanasan.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page