top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | August 08, 2021




KATANUNGAN


1. May boyfriend na ako, pero ang nagtataka ako dahil may crush akong iba. Sa totoo lang, Maestro, pantasya ko ring makasama ang crush kong ito, lalo na’t alam kong wala naman siyang girlfriend. Kapag nagkakasalubong nga kami sa daan, sobrang natutunaw ako sa hiya dahil crush na crush ko siya.

2. Medyo naguguluhan ako kasi more than two years na kami ng boyfriend ko, pero bakit humahanga pa ako sa lalaking ito? Iniisip ko tuloy na baka hindi kami ang magkatuluyan ng boyfriend ko, gayung mahal na mahal ko siya dahil mabait at sweet siya, masasabi ko ring very romantic naman ang relationship namin.

3. Ano ba talaga ang nakaguhit sa aking mga palad, sino ang makakatuluyan ko at ano bang papel sa buhay ko ng crush kong ito na ginugulo ang isip at damdamin ko?

KASAGUTAN

1. Pangkaraniwan lang naman sa isang tao ang humanga, kaya hindi nakapagtatakang kahit may boyfriend ka ay may crush kang iba, na kapag hindi sinasadyang nakakasalubong mo sa daan ay sobrang kinikilig at natutunaw ka. Samantala, kahit may crush kang iba habang may boyfriend ka, ito ay masasabing normal hangga’t hindi nawawala ang pag-ibig at pagmamahal mo sa iyong boyfriend.

2. Ang mahalaga, ayon sa kaisa-isang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad, kung mahigit dalawang taon na ang meaningful at romantic naman relationship ninyo ng boyfriend mo, sa takdang panahong inilaan ng kapalaran, kayo na ang magkakatuluyan.

3. Tunay ngang kapag maraming “punpon ng maliit na guhit” sa Bundok ng Venus (Drawing A. at B. arrow b.) ang isang babae o lalaki sa kaliwa at kanan niyang palad, ito ay malinaw na tanda na madali siyang magka-crush o humanga sa kanyang opposite sex. Ngunit ang mga paghangang ito ay hindi naman hahantong sa isang lehitimong relasyon hangga’t ang nasabing punpon ng maliit na guhit ay hindi naman lumagpas sa Life Line (L-L arrow c.) at Head Line (H-H arrow d.) sa kaliwa at kanang palad ng isang indibidwal. Matakot ka kapag ang nasabing guhit ng paghanga o “line of crushes” ay humaba nang husto, tumawid sa Life Line at Head Line, hanggang sa bandang huli, ang nabanggit na mga paghanga sa opposite sex ay mauuwi sa isang lehitimo, matamis at masarap, ngunit ito ay pawang panandaliang pakikipagrelasyon lamang.

MGA DAPAT GAWIN


1. Kung ang average na buhay ng tao para sa mga lalaki ay sinasabing humigit-kumulang sa 75 years old, habang sa mga babae ay 80 years old, sa mahabang karanasang ‘yun ng kanyang buhay, hindi maiiwasang humanga o ma-in love pa nang hindi lang isang beses, bagkus ay maraming beses.

2. Pero hindi naman sa dami ng hinahangaan o inibig mo ang basehan ng masaya at panghabambuhay na pagpapamilya. Bagkus, ang tunay na basehan ay ang isang beses mong minahal at inibig nang tapat ay naging habambuhay at siya ang nakasama mo sa pagbuo ng pamilya hanggang sa tuluyan na kayong tumanda.

3. Ganu’n ang mangyayari sa takda mong kapalaran, Alyssa. Ayon sa iyong mga datos, marami ka pang hahangaang lalaki, ngunit mauuwi na lang ‘yun sa purong paghanga at hindi magiging lehitimong relasyon, hanggang sa kusang dumating at matupad ang kaisa-isang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay nagsasabing ang kasalukuyan mo nang boyfriend ang makakatuluyan mo, na nakatakdang mangyari sa susunod na taong 2022 sa edad mong 27 pataas.

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | August 01, 2021




KATANUNGAN


1. Bago pa magkaroon ng pandemya, ako ay may kakaibang karamdaman na kung kani-kaninong doktor at faith healer na ako pumunta, pero hindi rin nila ako napagaling. Sumangguni ako sa inyo upang malaman kung nakaguhit ba sa aking mga palad na gagaling ako o dapat tanggapin ko na lang na ang karamdaman ko ay panghabambuhay na? Mahalaga ang inyong kasagutan upang hindi na ako mapagod at gumastos pa sa pagpunta kung saan-saan, gayung wala nang kagalingan ang aking karamdaman.

2. Nais ko ring malaman kung makapag-a-abroad ba ako, pine-petisyon kasi ako ng aking anak na nasa Canada at doon ako magpagamot, pero ayaw kong pumayag dahil masyadong malamig ang klima roon, baka hindi ako mahiyang at doon pa ako abutan ng kamatayan.

3. Pero sa kabila ng lahat, naniniwala pa rin akong kung nakatakda ang pag-a-abroad sa aking palad. Tulad ng madalas mong sabihin, ‘yun pa rin ang magaganap sa bandang huli. At kung may pag-a-abroad na magaganap sa aking kapalaran, kailan ‘yun?

KASAGUTAN

1. Noong panahon ng mga katutubo at tribo-tribo pa ang kinikilalang sibilisasyon, inaakala ng mga tao na ang sakit o karamdaman ay isang napakahiwagang bagay. Madalas nga na ibinibintang nila ito sa evil spirit at elemental beings, at inaakala rin nilang kapag gumawa ng pagkakasala ang isang tao, parusa ng langit ang sakit na kanyang iniinda.

2. Subalit nang maimbento ang microscope, taong 1670 ni Antonie Van Leeuwenhoek, doon na nagsimulang maobserbahan ng tao ang maliliit na mikrobyo at virus na nagiging sanhi ng mga pangkaraniwang karamdaman sanhi ng epidemya na lumilipol sa maraming populasyon.

3. Kasabay nito, taong 1928, natuklasan ng Scottish Biologist na si Alexander Fleming ang gamot na penicillin na may kakayahang pumuksa ng iba’t ibang uri ng mikrobyo at bacteria. Rito rin nagsimulang madiskubre ang sari-saring kumbinasyon ng antibiotic na kapag ininom nang nasa tamang dami at takdang panahon, siguradong mapapatay nito ang mikrobyo na nagiging sanhi ng karamdaman. Kaya nang mga panahong ‘yun, bihirang-bihira na ang namamatay sa sakit na dulot ng bacteria o mikrobyo, basta’t naagapan ng gamot na kung tawagin ay antibiotic.

4. Nang umunlad ang medesina, na halos kaya niya nang gamutin ang lahat ng uri ng sakit na sanhi ng mikrobyo at bacteria, naglabasan naman ang iba’t ibang uri ng karamdaman na kung tawagin ay “autoimmune disease” kung saan ang immune system na siya sanang magdedepensa sa sakit ng katawan ay hindi nagpa-function nang mabuti, bagkus, siya pa ang umaaway at naninira sa kanyang kakampi. Tulad ng sakit na cancer, ang “friendly cells” ay naging “enemy cells” kaya mabilis na kumalat ang cancer.

5. Hanggang ngayong moderno na ang panahon ay hindi pa rin masagot ng scientists kung paano nangyayaring hindi ma-distinguish ng immune system na ang sarili niya na pala ang kanyang sinisira.

6. Kaya ang ganitong mga uri ng sakit, hindi mikrobyo ang dahilan kundi abnormal na function ng immune system at cells ay sinasabing halos walang kagamutan o hindi pa lubusang natutuklasan kung paano gagamutin. Tulad ng diabetes, nagtataka ang mga doktor kung bakit ang “sugar” na mula sa carbohydrate ay ayaw matunaw dahil ayaw maglabas ng insulin ang pancreas.

7. Samantala, Mrs. Aquarius, kung ang iyong karamdaman ay hindi kayang pagalingin ng mga dalubsahang doktor, malamang na ang iyong sakit ay may kaugnayan sa immune system na kailangang mautusan mo ito na mag-function nang maayos at tama.

8. Tama ang anak mo, sa ibang bansa ka magpagamot dahil doon ka nga lubusang gagaling, ito ang nais sabihin ng lumawak na Life Line (Drawing A. at B. L-L arrow a.) na nagkaroon pa ng sanga na tinatawag ding Travel Line (Drawing A. at B,. t-t arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, madali kang gagaling at magiging malusog ang iyong katawan sa paglipat sa ibang lugar na kung tawagin sa medical term ay “milieu therapy.”

DAPAT GAWIN

Ayon sa iyong mga datos, Eleine, kung nagpatingin ka na sa mga doktor at sikat na faith healer pero hindi ka pa rin gumagaling, ang paglipat sa ibang lugar ang pinakasiguradong paraan. Sa susnod na taong 2022, sa sandaling natapos ang pandemya at madali na muling bumiyahe, may pangingibang-bansang itatala sa iyong kapalaran at sa ibang bansa na malayo sa Pilipinas, doon ka na magiging malusog at habambuhay na magiging maligaya hanggang sa abutin mo ang edad ng lubusang pagtanda, humigit-kumulang aabot ka pa ng edad 90 pataas (t-t arrow a. at b.).

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | July 28, 2021




KATANUNGAN


1. Ilang beses ba dapat patawarin ang isang babae bago siya tuluyang hiwalayan at palayasin sa inyong pamamahay? Naitanong ko ang mga ito dahil dalawang beses nang nagkakasala ang aking misis. Una noong nag-abroad ako, nanlalaki siya pero tinanggap at pinatawad ko siya dahil sa pakiusap ng mga biyenan ko. Pero matapos ang tatlong taon, naulit ang pagloloko niya. Sa pagkakataong ‘yun, pinatawad ko siya dahil sa awa ko sa panganay na laging umiiyak kapag nag-aaway kaming mag-asawa at naunawaan niya na maaaring masira ang aming pamilya.

2. Pagkalipas ng dalawang taon, nahuli ko siyang may ka-text na lalaki at nang minsang hindi niya alam ay pinasundan ko siya sa aking kaibigan at totoong nagkikita sila ng ka-text niya pero hindi agad ako naniwala. Sa halip, dalawang mata ko pa ang nakakita na sa tuwing katapusan ng buwan sila nagkikita at nagde-date.

3. Sa kasalukuyan, hindi pa niya alam na bistado ko na siya, kaya masusi kong pinag-iisipan ang aking plano. Sa palagay ninyo, ano ang nararapat kong gawin, katapusan na ba ito ng matagal-tagal kong sininop at binuo na sana’y isang maligayang pamilya?

KASAGUTAN

1. Kung tatlong beses nang nagkakasala ang iyong asawa, patawarin mo pa rin dahil asawa mo siya at ina ng iyong mga anak. Pero hindi porke pinatawad mo ang isang tao ay wala nang katapat na parusa. Ibig sabihin, ang bawat pagkakasala ay may kaakibat na pagpapatawad, pero sa bawat pagpapatawad, dapat may katapat na parusa.

2. Parang batas sa America, mababaw lang ang parusa kapag inamin ang kasalanan at may tinatawag silang “first, second at third offense” kung saan, sa bawat pag-ulit ng kasalanan, pabigat nang pabigat ang hatol na kaparusahan.

3. Kaya dapat noong unang nagkasala siya, pinarusahan at saka mo tinanggap. Nang nagkasala ulit, medyo parusahan mo ulit at saka tanggapin. At sa pangatlong pagkakataon, ‘wag mo nang parusahan, bagkus i-set-up mo siya habang magkasama sila ng kanyang kalaguyo at ay patulugin mo muna sila sa presinto dahil ang pangangalunya ay may mabigat na kaparusahan.

4. Kapag nagmakaawa na siya sa iyo dahil naranasan na niyang makulong at maiskandalo at humingi sa iyo ng tawad, sa puntong ‘yun, patawarin mo na siya upang muling mabuo ang inyong pamilya. Tulad ng naipaliwanag na, ‘pag pinatawad mo siya, dapat muna niyang ma-realize ang bigat ng kasalanan na kanyang ginawa habang siya ay naghihimas ng rehas.

5. Dapat mo kasing gawin ‘yun upang hindi siya pamarisan ng ibang kababaihan na may asawa, habang ang kalaguyo naman niya na tutuluyan mong makulong ay hindi na rin tutularan ng kapwa natin kalalakihan. Sa ganyang paraan, iiral ang tunay na katarungan at kaayusan sa ating lipunan.

6. Subalit kung patatawarin mo nang walang kaparusahan, mawiwili ang isang tao na paulit-ulit gumawa ng kasalanan. ‘Ika nga ng pusakal na makasalanan, “Gagawa ulit ako ng kalokohan, tutal hindi naman ako pinaparusahan ng aking asawa at parang okey lang sa kanya”. Salamat na lang at nanatiling buo at tuwid ang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Kahit bahagyang naputol at nagulo ang Heart Line (h-h arrow b.) na tanda na muntikan nang malagay sa panganib at paghihiwalay ang inyong relasyon, ngunit dahil sa iyong katalinuhan, pagiging makatarungan at marunong magpatawad, tulad ng sinasabi ng iyong Marriage Line (1-M arrow a.), mananatiling buo ang inyong pamilya habambuhay.

MGA DAPAT GAWIN

1. Sa lahat ng nasyon at kultura, pansinin ninyo, wala kayong makikitang batas na walang katumbas na kaparusahan. Kaya gumawa ng batas upang ang sinumang sumuway dito ay magkaroon ng kaparusahan na tinatawag. Kahit sa Sampung Utos ng Diyos at iba pang mga batas na mababasa sa Bible, palaging may kaakibat na parusa sa bawat pagkakasala.

2. Nangyari ang mga bagay na ‘yun, sapagkat nagkakaroon lamang ng katuturan ang isang batas kung sa bawat pagsuway ay may katapat na parusa. Kaya ang esensya o katuturan ng isang batas upang manatili ang kanyang pagiging batas ay ang kaparusahan na katumbas nito.

3. Habang, ayon sa iyong mga datos, Daniel, walang masama sa gagawin mong diskarte ng pagbibigay-katarungan sa panloloko sa iyo ni misis. Sapagkat sa bandang huli ng bawat panloloko niya sa iyo, handa mo siyang patawarin upang manatiling buo at maligaya ang inyong pamilya, na siya namang nakatakdang maganap sa susunod na mga buwan sa sandaling nakapagpasya ka na.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page