top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | August 19, 2021




KATANUNGAN


1. Ayaw kong lokohin ang misis ko, pero minsan ay sadyang dumarating ang tukso sa ating buhay at masasabi kong tama ka, Maestro, dahil minsan, mahirap maiwasan ang isang bagay na itinakda ng kapalaran.

2. Hindi ko na pahahabain pa ang aking kuwento. Nagkaroon ako ng kalaguyo na minahal ako nang todo, gayung siya ay dalaga at wala pang karanasan nang aking makuha. Noong una, aaminin kong sex lang ang habol ko sa kanya, pero ngayon ay napamahal na siya sa akin. Hindi ko rin maintindihan kung talagang napamahal ako sa kanya o naaawa lang ako kung makikipaghiwalay ako.

3. Gusto kong malaman kung maiiwasan ko pa ba siya, gayung halos araw-araw ay nagkikita kami at kadalasan ay paulit-ulit na may nangyayari na sa amin? Ang hindi ko lubos maisip, bakit ako nagustuhan ng babaeng ito, gayung marami namang binata at mas bagay sa kanya?

4. Ang kinakatakutan ko ay ang mabuntis siya. Bukod kasi sa ayaw kong magka-anak sa labas, natatakot din akong matuklasan ng misis ko ang lihim naming relasyon na ikasira ng pamilya ko. Mahal ko ang aking pamilya at ayaw kong maging broken family kami dahil ayaw kong maapektuhan ang kinabukasan ng mga bata.

5. Maestro, may pag-asa pa bang maiwasan ko ang babaeng ito at nakaguhit ba sa aking palad ang magkaroon ng wasak na pamilya kung sakaling matuklasan ng misis ko ang aming lihim na relasyon?

KASAGUTAN


1. Kung hindi buo ang loob mo sa pambababae na iyong ginagawa, mas mabuti pang hangga’t maaga-aga ay tumigil ka na dahil sa bandang huli, kapag nagkabukingan, ikaw din ang lalabas na kaawa-awa. Alam mo, ang ibang lalaking nambabae, ang totoo ay buo ang loob nila at bago pa nila ginawa ‘yun, tantiyado na nila kung paano sila magpapalusot sa kani-kanilang asawa kung sakali mang magkabistuhan.

2. Hindi bagay sa iyo ang pambababae – ‘yan ang nais sabihin ng magkasamang Head Line at Life Line (Drawing A. at B. H-H at L-L arrow a.) ng mahigit isang pulgada. Ibig sabihin, sa tanang buhay mo, kung tutuusin ay ngayon ka pa lang natutong gumawa ng kalokohan, kaya hindi mo maisip kung ano ang kahihinatnan nito. At sa bandang huli, dahil hindi ka marunong gumawa ng pagkakamali at hindi mo nakasanayang manloko ng iyong kapwa, mahuhuli ka na maaaring ikasira ng iniingat-ingatan mong pamilya.

3. Ito ang nais sabihin ng nawasak at nagulong Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Gayunman, buti na lang at nanatili pa ring matino ang kaisa-isa at maayos na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na matapos kang mahuli ng iyong misis, pansamantalang magugulo ang sistema at kaayusan sa buhay ng iyong pamilya, ngunit tulad ng pangkaraniwang pagsubok na dumarating sa buhay ng isang tao, malulusutan niyo rin ‘yan, hanggang sa muli kang patawarin ng iyong asawa at makabalik sa normal at maayos na buhay ang inyong pamilya.

MGA DAPAT GAWIN

1. Ayon sa iyong mga datos, AR, ngayon pa lang ay paghandaan mo na ang magaganap. Siguradong sa malapit na hinaharap ay mabibisto rin ni misis ang ginagawa mong pambababae. Ngunit tulad ng nasabi na, sa umpisa ay magkakagalit at magkakahiwalay kayo, pero pansamantala lang’yun.

2. Sa sandaling nakiusap at nagmakaawa ka sa kanya na hindi mo uulitin pa ang iyong pambababae, maluwag sa puso ka niyang tatanggapin upang muling mabuo at maging maligaya ang inyong pamilya.

3. Sa parte mo naman, ‘wag ka na muling mambabae. Tutal naranasan mo na ito at ang isa pang mas mahalagang dahilan, tunay ngang ayon sa iyong mga datos, hindi talaga bagay sa iyong pagkatao ang mambabae, dahil sa pambababae, hindi ka naman talaga magiging maligaya at sa halip na sarap, ang aanihin mo lang ay sakit ng ulo at dagdag na problema.

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | August 14, 2021




KATANUNGAN


1. May boyfriend ako at two years na kami, pero nasa abroad siya ngayon at may two years na contract. Sabi niya sa akin, sa kanyang pagbabalik ay magpapakasal na kami.

2. Gusto kong malaman kung siya na ba ang makakatuluyan ko at matutuloy ba ang pangako niya sa akin na sa kanyang pagbabalik ay magpapakasal na kami?

3. Mahirap naman kasing umasa sa wala kung halimbawang hindi pala siya ang aking makakatuluyan. At isa pa, naiinip na ako sa kanya dahil halos sampung taon na siyang nasa abroad.


KASAGUTAN

1. Positibo ang tugon, Anna Marie, matutuloy ang binabalak ninyong pagpapakasal ng boyfriend mo na nasa abroad, ayon sa kaisa-isa, tuwid at maganda namang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, ang unang meaningful at seryoso mong boyfriend ang iyo nang makakatuluyan kung saan hahantong ang nasabing relasyon sa isang walang maliw at maligayang pagmamahalan habambuhay.

2. Ang pag-aanalisang kahit malayo ang iyong boyfriend at kahit maghintay ka pa sa kanya ng dalawa o tatlong taon pa, walang magiging problema dahil madali namang pinatunayan ng maayos, maganda, walang bilog at tumuntong sa Bundok ng Kaligayahan na Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad.

3. Tanda na sa larangan ng pag-ibig, bagama’t nangungulila ka ngayon dahil sa pag-a-abroad ng iyong boyfriend, kaunting tiis na lang, dahil sa bandang huli, ang pagkasabik mo sa kanya ay nakatakda namang masuklian ng isang maligaya at panghabambuhay na relasyon sa malapit na hinaharap.


DAPAT GAWIN

Minsan, sadyang pinaglalayo ng kapalaran ang dalawang pusong nagmamahalan upang sa kanilang muling pagtatagpo ay lalo pang maging sweet at higit na maging kapana-panabik ang relasyon. Ito ay nakatakdang mangyari sa taong 2023 sa buwan ng Hunyo hanggang Agosto, sa edad mong 29 kung saan, ang kasalukuyan mo nang boyfriend na isang OFW ang iyong makakatuluyan, magiging asawa at makakasama sa pagbuo ng isang maligaya at panghabambuhay na pamilya.

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | August 10, 2021




KATANUNGAN


1. Madalas kaming mag-away ng aking asawa, gayung wala pang isang taon kaming naikakasal at sa katunayan, wala pa kaming baby.

2. Ang ikinatatakot ko, kapag palagi kaming ganito, kumbaga sa maliit na bagay lang ay nagtatalo kami, baka sa bandang huli ay magkahiwalay kami?

3. Naisipan kong ipabasa sa inyo, Maestro, ang guhit ng aking palad, para mapayapa na ang magulong isipan ko na maraming tanong kung bakit ba ganito kaming mag-asawa na parang aso’t pusa?

KASAGUTAN

1. Alam mo, ang mga bagong kasal na mag-asawa ay sadyang dumaraan sa tinatawag na ‘adjustment period’ ng kanilang relasyon. Ibig sabihin, dahil hindi naman kayo magkapatid o magkaanak, bagkus ay magkaiba talaga kayo ng background ng pamilya na pinagmulan at siyempre, magkaiba rin kayo ng orientation sa buhay, sadya at sa umpisa talaga ng samahan, maraming bagay kayong hindi magkakaunawaan. Pero sa totoo lang, bahagi ‘yun ng maturity ng inyong relationship, upang pagkatapos ng adjustment period, makabisado n’yo na ang ugali ng isa’t isa.

2. Sa panahong tanggap n’yo na ang weaknesses at negative traits ng bawat isa o sabihin nating ganap na natapos ang adjustment period, madali na kayong magkakasundo at magiging maligaya.

3. Wala ka namang dapat ikabahala na maghihiwalay kayong mag-asawa, sapagkat iisa lang naman ang malinaw, hindi magulo at hindi rin nabiyak na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na kahit ngayon ay tila aso’t pusa ang inyong relasyon, sigurado ang magaganap, makaka-gradweyt din kayo sa adjustment period sa buhay ng mag-asawa, hanggang sa bandang huli ay tuluyan na kayong magkasundo, magkaunawaan at panghabambuhay na magmamahalan at magiging maligaya.

MGA DAPAT GAWIN

1. Ang akala ng mga bagong kasal, kapag nag-away sila ay katapusan na ng kanilang relasyon pero maling-mali ang ganu’ng pananaw. Sa halip, kapag nag-away ang mag-asawa, dapat pa nga kayong magpasalamat dahil ‘yun ang simula ng “adjustment” ninyong dalawa na hahantong sa maturity ng relationship. At kapag narating na ang maturity ng isang relasyon, may pangako na ng maligaya at panghabambuhay na pagsasama.

2. Habang, ayon sa iyong mga datos, Abigail, tiyak ang magaganap. Kahit madalas kayong mag-away ng iyong asawa, hindi naman magiging dahilan ‘yun upang kayo ay tuluyang maghiwalay. Sa halip, magiging daan pa ‘yun upang lalong maging matatag, maging sweet ang inyong pag-iibigan, at sa bandang huli, hahantong din ang inyong relasyon sa isang masaya at panghabambuhay na pagmamahalan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page