top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | August 30, 2021




KATANUNGAN

1. Ako ay tindera sa palengke hanggang isang araw ay bigla akong kinontak ng kababayan at kababata ko na nagtatrabaho sa ibang bansa. Sabi niya sa akin ay nangangailangan ng domestic helper ang amo niya at inalok niya ako kung gusto kong mag-abroad. Sinabi niya pa sa akin na ayusin ko na ang mga papeles ko at siya ang bahala sa gastos dahil pahihiramin daw muna niya ako at saka ko na bayaran ang mga nagastos kapag nasa abroad na ako.

2. Sa madaling salita, tutulungan niya raw akong makapag-abroad, pero dahil may pandemic ngayon, iniisip ko na baka sa halip na gumanda ang kapalaran ko sa ibang bansa ay lalo pang pumangit. Kaya sobrang natatakot at pinanghihinaan ako ng loob kaya naisipan ko munang kumonsulta sa inyo.

3. Ano ba ang dapat kong gawin at ano ang nakaguhit sa palad ko, may maganda ba akong Travel Line at susuwertehin ba ako sa abroad?

KASAGUTAN

1. Kapansin-pansin ang sobrang ganda, malinaw at malawak na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay tanda na may isang panahon sa iyong buhay kung kailan makakaranas ka ng isang mabunga at mabiyayang pangingibang-bansa.

2. Ang pag-aanalisang makapag-a-abroad ka ay madali namang kinumpirma ng birth date mong 28 sa zodiac sign na Capricorn, kung saan ito ay tanda na matapos kang maghirap at magtiis, kumbaga sa panahon ng tag-ulan o bagyo, matapos ang mga pagsubok at unos sa iyong buhay, darating sa iyo ang isang maalwan, maganda at maligayang pamumuhay. Maaaring ito ay dulot ng isang mabunga at mabiyayang pangingibang-bansa na tiyak namang magaganap sa malapit na hinaharap.

MGA DAPAT GAWIN

1. “Timing” ang isa sa pinakamahalagang sangkap ng tagumpay, sapagkat kung puro pagsisipag at pagsisikap lang ang ginagawa ng isang tao pero wala naman sa tamang panahon, ang mga pagsisikap at pagtatangkang ito ay mababalewala rin. Ang ibig sabihin ng “timing”, tulad ng mga magsasaka, pagpatak ng ulan, kailangang bungkalin ang lupa at sa susunod pang pagpatak ng ulan, kailangang magpunla at pagkatapos ng pagpupunla ay ang pagtatanim.

2. Kung hindi tataymingan ang pagdating ng panahon o oportunidad sa ating buhay, maaaring ito ay makaalpas nang hindi natin namamalayan. Samantala, kung wala naman sa tamang panahon ang ating ginagawa, wala ring mabunga at mabiyayang pag-unlad na mapapala.

3. Kaya ayon sa iyong mga datos, Eva Marie, ngayon na ang tamang timing ng pag-a-abroad kaya hindi ka dapat panghinaan ng loob at magdalawang-isip. Sapagkat ayon sa iyong mga datos, sa taon ding ito ng 2021 sa buwan ng Nobyembre o Disyembre at pinakamatagal na sa first quarter ng 2022, kahit patuloy pa ring nananalasa ang COVID-19 pandemic, walang duda na sa nasabing panahon, sa edad mong 31 pataas, may isang mabunga at mabiyayang pangingibang-bansang itatala sa iyong karanasan.

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | August 27, 2021




KATANUNGAN


1. May problema ako sa aming pamilya dahil naghiwalay kaming mag-asawa. Gusto kong malaman kung magkakabalikan pa ba kami?

2. Tatlong buwan na siyang hindi umuuwi ng bahay at ang balita ko ay sumama na siya sa ibang babae na mas bata at maganda raw sa akin, pero hindi ko sure kung totoo ngang may babae siya kasi wala naman akong ebidensiya at bali-balita lang ang mga ito.

3. Ano ang dapat kong gawin upang mapabalik ko siya sa amin, alang-alang man lang sa mga bata? Pero kung hindi na siya babalik, may guhit ba sa aking palad na ako ay muling makapag-aasawa at sa ikalawnag pag-aasawa, may pag-asa pa ba akong lumigaya at hindi na lokohin pa ng lalaking mapapangasawa ko?

KASAGUTAN

1. Huwag ka nang malungkot sa pambababae ng mister mo dahil bagama’t tila dalawa ang namataang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M at 2-M arrow a. at b.) sa kaliwa at kanan mong palad, kapansin-pansin naman na halos magkasing-haba ito at halos pareho ng kapal at magkalapit (arrow a. at b.) na magkalapit talaga.

2. Ibig sabihin, posibleng ang ikalawang Marriage Line (2-M arrow b.) ay ang dati mo ring asawa, na pagkatapos mambabae at makipaghiwalay sa iyo, sa bandang huli ay magpapasya rin siyang bumalik upang muling buuin ang nasira niyang pamilya.

3. Ang pag-aanalisang napakalaki pa ng tsansa o pag-asa na kayo ay magkabalikan ng iyong mister ay madali namang kinumpirma ng lagda mong hindi naman nababoy, sa halip ay suwabeng-suwabe mo itong isinulat mula sa umpisa, gitna at dulong bahagi ng lagda. Ibig sabihin, bagama’t namumroblema ka ngayon, hindi naman ito ganap na makakaapekto sa buong kasaysayan ng buhay mo dahil tulad ng nasabi na, sa malaot-madali, tulad ng maganda mong lagda, muling maaayos, mabubuo at gaganda ang buhay ng iyong pamilya sa pagbabalik ng minsang nagloko at nambabae mong mister.

DAPAT GAWIN


Mara, kahit magkahiwalay kayong mag-asawa ngayon, pansamantala lamang ito, dahil ayon sa iyong mga datos, sa taon ding ito ng 2021, sa buwan ng Nobyembre o Disyembre, bago sumapit ang Pasko, tiyak na muling babalik sa iyong piling ang naligaw ng landas mong mister at muling mabubuo at habambuhay nang liligaya ang inyong pamilya.

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | August 24, 2021




KATANUNGAN


1. Matagal na akong hiwalay sa asawa at dahil hindi niya na ako sinusustentuhan at para na rin mabuhay ko ang aming kaisa-isang anak ay namasukan ako sa isang computer café at doon ko nakilala si Mr. Libra na kasamahan ko sa trabaho.

2. Isang araw, nang kaming dalawa na lang sa opisina ay ninakawan niya ako ng halik. Hindi ako nakatanggi, nakadama ako ng kakaibang init at pangangailangan, kaya sa halip na pigilin ang kanyang mga labi ay nagpaubaya ako hanggang sa halikan niya na rin ang maseselang bahagi ng aking katawan at bumigay na rin ako ng hapong ‘yun bago magsara ang pinagtatrabahuhan naming computer café.

3. Nang matapos ang pangyayaring ‘yun, parang nanliit ako sa aking sarili. Hindi ko matanggap at maisip kung paano ko nagawa ang bagay na ‘yun, gayung wala naman kaming relasyon ni Mr. Libra kung hindi magkasama lang talaga sa trabaho.

4. Ang tanong ko ngayon, Maestro, dapat ko pa bang ipagpatuloy ang anumang relasyon o anumang tawag sa namagitan sa amin ni Mr. Libra? Batid ko kasi na kahit binata siya ay hindi ko naman siya mahal at isa pa, baka sex lang ang habol niya sa akin dahil hindi man lang niya ako niligawan.

5. Ano ang kahihinatnan ng nangyari sa amin, masusundan pa ba ‘yun hanggang sa kami na ang magkatuluyan at magkasama habambuhay?

KASAGUTAN


1. Kung wala namang ibang nililigawan, asawa o girlfriend si Mr. Libra, maliban sa mga bagay na namagitan sa inyong dalawa, ang dapat mong gawin ay kausapin siya nang heart to heart. Kailangan mo kasing marinig mismo sa kanyang bibig na mahal ka niya kaya nangyari sa inyong dalawa ang nasabing kapusukan.

2. At sa totoo lang, hindi ka naman hahalikan ng isang lalaki kung wala siyang gusto sa iyo kahit konti. Kagustuhang seksuwal, pandamdamin o kahit kagustuhang tunay na pag-ibig, walang kaso ang mga salitang ‘yun dahil ang mas mahalaga, tulad ng nasabi na ay may gusto siya sa iyo at ang pagkagusto niyang ‘yun ang magiging susi upang sumibol ang isang relasyon.

3. Sa kabilang banda, hindi ka naman bibigay sa lalaki kung wala ka ring gusto sa kanya kahit konti. Dahil sa aktuwal na senaryo, habang ninanakawan ka ng halik, puwede mo siyang itulak, sampalin, pigilin at puwede ka ring manlaban. Ngunit sa halip ay bumigay ka, at ‘yun ay malinaw na tanda na kahit konti, hindi mo namamalayang may gusto ka rin pala sa kanya.

4. “Higit na magiging maligaya, romantiko at maaari ngang panghabambuhay na ang ikalawang pag-ibig na darating sa iyo na maaaring kasalukuyan na ring nagaganap,” – ito ang nais sabihin ng ikalawang mas malinaw at makapal na Marriage Line (Drawing A. at B. 2-m arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na kapag may sumibol na relasyon sa iyong puso sa panahong ito ng iyong buhay, kay Mr. Libra man ‘yun o hindi, sa taon ding ito ay tiyak ang magaganap. Siya na ang ikalawang pag-asawang iginuhit sa kaliwa at kanan mong palad, na nakatakdang mamunga ng isang makabuluhan at panghabambuhay ng pag-iibigan.

MGA DAPAT GAWIN


1. Minsan, may mga pangyayari sa ating buhay na mahirap sabihing ginagawa. Sa halip, ang eksaktong salita, maraming pangyayari sa buhay ng tao ang hindi ginagawa kundi nakagugulat dahil biglang nangyayari na waring itinakda sa isang aksidente o hindi inaasahang sitwasyon at pagkakataon.

2. Habang, ayon sa iyong mga datos, Ms. Virgo, tiyak ang magaganap sa taong ito dahil muli kang magkakaroon ng karelasyon na mauuwi sa isang panghabambuhay na pagsasama— legal man o ilegal ang nasabing relasyon, ikasal man kayo o hindi. Gayundin, ang nasabing lalaki na may zodiac sign na Libra ang siya mo na ring makakasama sa pagbuo ng ikalawa, panghabambuhay at mas maligayang pagpapamilya.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page