top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | April 27, 2021


KATANUNGAN

1. Sa edad kong 51, bakit ang dami-dami ko nang nararamdaman na sakit sa aking katawan tulad ng rayuma at diabetic ako gayung bata pa naman ako? Sa palagay n’yo, aabutin ba ako ng 75-anyos, na siyang target kong edad?

2. Ayaw ko naman kasing pahirapan ang pamilya ko kung hindi na ako makatayo sa aking higaan at wala nang silbi dahil kawawa naman ang asawa at mga anak ko na mag-aalaga sa akin kung sakali.

3. Maestro, nakikita rin ba sa guhit ng palad kung anong edad mamamatay ang isang tao at kung gaano katagal ang haba ng buhay niya sa mundo? Isa pa, magiging mahaba rin ba ang buhay ko?



KASAGUTAN

1. Masasabing parang wala ring kuwenta ang mabuhay, lalo na’t iisipin mong tumatanda, nagkakasakit at mamamatay lang din naman ang isang tao. Bakit nga ba kailangan pang magkasakit, manghina ang pisikal na katawan at pagkatapos ay mamamatay, gayung masarap pa namang mabuhay? Samantala, nakikita rin sa guhit ng palad kung gaano katagal ang ilalagi ng isang indibidwal sa mundong ito.

2. Sa kaso mo, Garry, nakatutuwa namang makita na humaba ang Life Line (Drawing A. at B. L-L arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin (arrow a.), mararating mo pa ang “old age” na tinatawag, gayundin ang target mong edad na 75 kung ngayon pa lang ay mag-iisip ka na ng mapaglilibangan, tulad ng maliit na negosyo o makilahok sa isang public service o civic organization project na may layuning tumulong sa mga taong mahihirap at nangangailangan.

3. Kung anumang sektor ng lipunan na nais mong tulungan at puwede rin sa mga religious activities sa inyong lugar, kung saan, ayon nga sa mga pananaliksik ang pagsali sa mga samahang pang-simbahan ay sinasabing nakapagpapahaba rin ng buhay.

4. Dahil tunay ngang sa ganyang paraan, ‘pag nagkaroon ka ulit ng responsiblidad sa iyong kapwa, puwede ring maglingkod ka sa inyong simbahan o anumang relihiyon ang iyong kinaaniban o ampunin o ikaw na ang magpaaral at mag-alaga sa iyong ilang mga apo, doon naman sa parteng ‘yun ng iyong buhay, nagkakaroon ka ng silbi o bagong responsibilidad at tulad ng naipaliwanag na, tuluy-tuloy pang hahaba ang buhay mo at maaari mong abutin ang ideal age mo na 75 pataas.


MGA DAPAT GAWIN

1. Sa mga kabataan d’yan at ganundin sa mga malapit nang tumanda, tunay ngang dapat ngayon pa lang ay paghandaan mo na ang iyong pagtanda at planuhin kung ano ang iyong gagawin sa panahon ng iyong retirement age, upang kapag dumating ang panahong ito ay hindi ka maging alagain at lumabas na kaawa-aawa.

2. Habang, ayon sa iyong mga datos, Garry, kung ngayon pa lang ay maglalabas ka na ng bahay at sasali sa mga gawaing may kaugnayan sa paglilingkod sa iyong kapwa, tiyak ang magaganap — kahit sabihin pang kung anu-ano ang iyong nararamdaman, lalakas at sisigla ka dahil mararamdaman ng unconscious self mo na may silbi ka pa sa mundo at marami ka pang produktibo at kapaki-pakinabang na mga bagay na dapat gawin. Kaya tulad ng nasabi na, dahil may silbi ka pa at marami pang mga taong dapat paglingkuran at mahalin, kusang hahaba at lalo pang magiging produktibo at maligaya ang pang-araw-araw mong buhay sa kapaligiran o sa lipunang iyong ginagalawan.

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | April 26, 2021


KATANUNGAN

1. May kapalaran ba akong makapag-asawa ng lalaki kahit ako ay isang bading? May karelasyon ako, siya ang first boyfriend ko at magda-dalawang taon na kami. Siya na ba ang lalaking nakaguhit sa aking palad o may darating pang iba?

2. Gayundin, may pag-asa ba akong magkaroon ng isang matatawag na pamilya dahil balak naming mag-ampon ng baby para may makasama kami sa aming pagtanda?

KASAGUTAN

1. Kapansin-pansing nagtataglay ka ng dalawang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a. at 2-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, dalawang beses kang makakaranas ng pangmatagalan at mahabang relasyon, ngunit mahihiwalay ka rin sa una upang ang ikalawa ang panghabambuhay mong makasama.

2. Ganu’n ang kinalabasang pag-aanalisa dahil higit na mahaba at makapal ang ikalawang Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow b.) kung ikukumpara sa unang Marriage Line (1-M arrow a.). Ibig sabihin, dalawang beses kang magkakaroon ng kinakasama o parang asawa na ring matatawag at ang ikalawang lalaking makakaulayaw mo, ang siya na ngang pangmatagalan at maaari ngang makakasama mo na sa pagbuo ng isang masaya, pero hindi katanggap-tanggap sa lipunan, subalit anuman ang sabihin nila, habambuhay na ang nasabing relasyon na hahantong sa maligayang pagpapamilya.


MGA DAPAT GAWIN

1. Ayon sa iyong mga datos, Cha, magkakahiwalay din kayo ng lalaking kinakasama mo ngayon dahil mas maikli ang unang Marriage Line (arrow a.) kung ikukumpara sa mas mahaba at makapal na ikalawang Marriage Line (arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad.

2. Gayunman, dahil hindi naman nabiyak o pumangit ang unang Marriage Line (arrow a.), ibig sabihin lang nito, sa mabuting usapan at maayos na paraan pa rin kayo magkakahiwalay ng unang kinakasama mo ngayon. Pagkatapos nito, tulad ng nasabi na, sa ikalawang pakikisama sa isang lalaking isinilang sa buwan ng Nobyembre o Disyembre, tiyak ang magaganap – siya na ang makakasama mo sa pagbuo ng isang maligaya at panghabambuhay na relasyon na nakatakdang mangyari at maganap sa taong 2023 sa edad mong 34 pataas.

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | April 23, 2021



KATANUNGAN

1. Bakit ganu’n, masipag naman kaming mag-asawa at parehong may trabaho pero hanggang ngayon ay wala pa ring nagbabago sa buhay namin? Mahirap pa rin kami at walang sariling lupa at bahay.

2. May pag-asa pa ba kaming umunlad at magkakaroon pa ba kami ng sariling lupa at bahay na matagal na naming pinapangarap para hindi na kami nangungupahan?



KASAGUTAN

1. Nahulog kasi sa pagitan ng hintuturo at hinlalato ang Fate Line na tinatawag ding Career Line (Drawing A. at B. F-F arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad.

2. Bagama’t malinaw at makapal ang nasabing Fate Line, (arrow b.) dahil nahulog nga ito sa pagitan ng mga daliri (arrow a.) sa halip na pumirmi sa tuktok ng bundok o pinakailalim ng hinlalato, ito ay tanda na mahihirapan kang makaipon ng sapat na salapi upang matupad ang pangarap n’yong sariling lupa at bahay.

3. Sa ibang libro ng Palmistry, ang ibig sabihin ng nahulog na Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow a.) sa pagitan ng mga daliri ay magkakapera ka at hahawak din ng malalaking halaga ng salapi paminsan-minsan, pero ang hinawakang pera ay nauubos din agad.

4. Kumbaga, naging ugali mo na ang bumili ng kung anu-ano at walang kabuluhang bagay, sa halip na unahin mo ang pag-iipon. Kaya kung hindi ka magbabago ng kilos, parang trumpong mabilog, sa hinuhukayan mong kahirapan ay habambuhay ka na ring lulubog.

5. Kaya dapat ay maging mahusay ka sa paghawak ng pera o pagba-budget ng inyong kinikita at hindi gasta nang gasta. Sa ganyang paraan, baka sakaling umunlad ang inyong kabuhayan at matupad ang pangarap n’yong house and lot.

6. Ang isa pang pinakamagandang solusyon ay tingnan o suriin mo ang kaliwa at kanang palad ng iyong mister. Kung makita mong nanatili sa Bundok ng Saturn, ito ang ilalim na malamang bahagi ng daliring pangitna, ang kanyang Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow c.) sa kaliwa at kanang palad, siya ang paghawakin mo ng inyong income. Sa ibang salita, siya na ang pag-budgetin mo sa pang-araw-araw n’yong pangangailangan. Kapag si mister na may Fate Line na hindi nahulog sa pagitan ng mga daliri (arrow c.) ang humawak at nagpaandar ng inyong kabuhayan, magagawa niyang makapag-impok at makapagtabi ng pera, hanggang sa tuluyang magkatotoo ang pinapangarap n’yong sariling lupa at bahay.


DAPAT GAWIN

1. Sinasabing kung parehong nahulog sa pagitan ng mga daliri ang Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow a. at b.) sa kaliwa at kanang palad ng dalawang mag-asawa, malungkot sabihin, pero posibleng malabo silang umunlad o magtagumpay sa aspetong materyal.

2. Kung ganu’n, ano ang pag-asa na yumaman o umunlad ang pamumuhay ng nasabing mag-asawa? Siyempre, nakasalalay ang kanilang tagumpay sa larangan ng materyal na bagay sa paglaki o pagka-gradweyt ng kanilang mga anak. Isang anak na mayroong good looking Fate Line na hindi nahulog sa pagitan ng mga daliri (arrow c.) kung saan, darating ang panahon sa kanilang buhay na ang nasabing anak ang magpapayaman at maghahatid ng kasaganaang pang-materyal sa kanila.

3. Habang, ayon sa iyong mga datos, Carmela, ang dapat mong gawin ngayon ay mag-practice ng pormula ng tamang pag-manage sa inyong kabuhayan. Kapag dumarating ang araw ng suweldo, unahin mo ang pagtatabi ng kaunting halaga saka pa lang ang paggastos.

4. Sa ganyang paraan, ‘pag marunong kang mag-manage ng inyong kabuhayan, sa pakonti-konting pag-iipon kung saan hindi gagalawin ang nasabing pera, darating ang panahong lalaki rin ‘yan hanggang sa dumami. Kapag maraming-marami na ang naitabi n’yong pera, sa taong 2026 ay unti-unti na kayong makakabili ng sariling lupa hanggang sa maipagawa n’yo na ang matagal nang pangarap na bahay at lupa.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page