top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | May 15, 2021




KATANUNGAN

1. Dalawa ang boyfriend ko ngayon, kaya gusto kong malaman kung sino sa dalawang ito ang makakatuluyan ko? Ang una ay tawagin na lang nating ‘Martin’ na isinilang noong February 12, 1995 at ang ikalawa ay si ‘Marco’ na isinilang naman noong November 16, 1997. Sino ang ka-compatible ko sa kanilang dalawa? July 10, 1996 naman ang birthday ko.

2. Sa nakikita n’yo sa aking palad at birthday, sino sa dalawang boyfriend kong ito ang aking makakatuluyan at kung mag-aasawa na ako, magiging maligaya ba ako sa piling lalaking mapapangasawa ko?


KASAGUTAN

1. Sa pag-aanalisang Astro-Numerology, tunay ngang ang zodiac sign mong Cancer sa birth date na 10 o 1 (ang 10 ay 1+0=1) ay nagsasabing higit mong ka-compatible si Marco na Scorpio at may birthday na November 16, 1997 kung ikukumpara kay Martin, na Aquarius at may birthday na February 12, 1995.

2. Ito ay dahil ang Scorpio at zodiac sign mong Cancer ay may iisang elemento at ito ay ang tubig o water. Habang ang birth date mo namang 10 o 1 na isang strong number ay sadyang tugma at compatible na i-partner sa birth date na 7 na isang weak number ni Marco.

3. Ibig sabihin, kung Astro-Numerology na pag-aanalisa ang pagbabasehan, sadyang ang pinapipili sa iyo sa dalawang boyfriend mo ay walang iba kundi si Marco. Gayunman, ito rin ang nais sabihin ng ikalawang mas mahaba, makapal at malinaw na Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow b.) kung ikukumpara sa naunang mas maikli at hindi masyadong malinaw na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay nangangahulugang kung sino ang ikalawang lalaking dumating sa buhay mo, ‘yun ang mas malamang na seseryosohin mo, mapapangasawa at makakasama sa pagbuo ng maligaya at panghabambuhay na pamilya.


DAPAT GAWIN

May Lyn, ayon sa iyong mga datos, sa sandaling namili ka na sa dalawang boyfriend mo, walang duda na si Marco ang pipiliin mong mapangasawa at makasama sa pagbuo ng isang masaya at panghabambuhay na pamilya, na nakatakdang mangyari sa taong 2023 sa buwan ng Mayo sa edad mong 27 pataas.

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | May 10, 2021




KATANUNGAN


1. Tawagin n’yo na lang akong Carla. Nakapag-abroad na ako noon, pero hindi ako sinuwerte, gayundin, hindi pa ako nakakatapos ng kontrata ko bilang domestic helper sa UAE dahil nagkaroon ako ng karamdaman kaya umuwi ako nang wala sa panahon.

2. Mula noon, sinubukan ko muling mag-apply, pero parang malas dahil aalis na lang ako noong nakaraang taon ay bigla pang nagka-COVID-19, samantalang bago nagkaroon ng pandemic ay nakaalis na ‘yung iba kong mga kasabayang nag-apply.

3. Naisipan kong sumangguni sa inyo upang malaman kung sakaling matapos na ang pandemya, dapat pa ba akong mag-apply ulit sa abroad kahit na puro kabiguan at kamalasan ang napapala ko?

4. Sa palagay n’yo, Maestro, wala ba talaga sa kapalaran ko ang makapag-abroad? Kung wala sa pangingibang-bansa ang magandang kapalaran ko, baka naman sa pagnenegosyo ako susuwertehin? Kung sa negosyo naman, ano ang maganda o bagay sa aking produkto para umunlad ang aming kabuhayan?

KASAGUTAN


1. Tama, mas mainam pa na magnegosyo ka na lang o mamasukan sa mga lokal na kumpanya sa halip na mangibang-bansa ka. Ito ang nais sabihin ng magulo at may mga bilog na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad.

2. Tanda na hindi ka nga papalarin sa ibang bansa kahit na matuloy ka pa, dahil tulad ng mga lumabas sa pag-aanalisa at aktuwal mo na ring karanasan, nang minsang nakapag-abroad ka, maaaring magkaroon ka ulit ng karamdaman sa ibang bansa o magkaroon ng hindi mabuting amo at malamang na mapauwi ka na naman.

3. Ang pag-aanalisang sa negosyo ka uunlad ay madali namang kinumpirma ng malinaw na Business Line (Drawing A. at B. B-B arrow b.), makapal at malinaw ding Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na kung hindi ka pinalad sa pangingibang-bansa, tiyak namang sa pagtatrabaho at pagnenegosyo, na may kaugnayan sa agricultural products at iba pang kauri nito, sa gawaing ganyan ka nakatakdang umunlad, yumaman at umasenso na madali namang kinumpirma ng zodiac sign mong Capricorn.

DAPAT GAWIN


Habang, ayon sa iyong mga datos, Carla, higit kang aasenso sa ating bansa kaysa sa pag-a-abroad. Ang pag-asensong nabanggit ay nakatakdang maramdaman sa susunod na taong 2022 hanggang 2023 at nagkataong papatapos na ang pandemya, kung saan habang abala ka sa negosyong may kaugnayan sa mga butil, bungang kahoy o paghahalaman at paghahayupan at iba pang kauring kalakal, sa edad mong 37 pataas, mararamadaman mong unti-unti nang umuunlad ang iyong negosyo hanggang sa tuluy-tuloy nang lumago ang inyong kabuhayan. Sa bandang huli, maaari ka pang yumaman na nakatakdang mangyari sa taong 2028 sa edad mong 45 pataas (Drawing A. at B. H-H arrow d.).

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | May 01, 2021


KATANUNGAN

1. Paano nalalaman kung mayaman ang mapapangasawa ng isang tao? May nanliligaw sa aking mistisong Chinese na mayaman.

2. Siya na ba ang mapapangasawa ko kahit pansin ko na hindi naman siya masyadong seryoso?


KASAGUTAN

1. Sa Numerology, kapag ang birth date ng isang babae ay 5, 14 at 23, lalo pa’t August 23 ang birthday o October 14, sila ang tipikal o pangkaraniwan nang nakakapangasawa ng mayaman.

2. Lalo pa itong makukumpirma kung ang isang maganda o tuwid na Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow a.) ay sinabayan ng tuwid at maganda ring Guhit ng Lalaki o Influence Line na tinatawag din nating Guhit ng Magaling o Mayamang Lalaki (Drawing A. at B. K-K arrow b.). Kung nagkataon pang straight ang Head Line (Drawing A. at B. H-H arrow c.) sa kaliwa at kanang palad ng nasabing babae, siguradong siya ay makapag-aasawa ng mayaman, sa ayaw at sa gusto niya, tulad ng nakikita sa sarili mong palad, na nagtataglay ng tuwid na Fate Line (arrow a.) na sinabayan ng Guhit ng Lalaki (arrow b.) at sa bandang huli ay tuluyang nag-isang guhit na lang ang Fate Line at Guhit ng Lalaki (arrow c.) na dumiretso na sa Bundok ng Tagumpay o sa Bundok ng Saturno (arrow d.), sa kaliwa at kanan mong palad.

3. Ito ay tanda na kahit na hindi masyadong seryoso ang iyong manliligaw at kahit hindi ka niya tuluyang ligawan nang seryoso at magbago ang isip niya, sa ganito ring sitwasyon sa ibang pagkakataon ay mangyayaring muli. Ang kagaya ng ibang mga babae na madalas magreklamong lapitin ng mga lalaking may asawa na, sa parte mo naman, magiging lapitin ka ng lalaking mayaman hanggang sa isang pagkakataon na hindi mo sinasadya at inaasahan, isang lalaking mayaman ang magiging boyfriend mo at tuluyang mapapangasawa at makakasama habambuhay.


DAPAT GAWIN

Kaya, Mariz, tunay ngang seryosohin ka man o hindi ng kasalukuyan mong manliligaw, wala kang dapat panghinayangan o hindi ka dapat mangamba kung mawala man siya o manatiling nanliligaw. Sapagkat tulad ng naipaliwanag na, kahit sinong lalaki, kahit seryoso o hindi, tiyak ang magaganap — matutupad ang nakatakda at ito ay mangyayari at tuluyan nang magaganap sa taong 2023 sa edad mong 32 pataas, makapag-aasawa ka ng lalaking mayaman. At dahil na rin sa pag-aasawang ito, ito na rin ang ikayayaman mo at ng inyong pamilya habambuhay (Drawing A. at B. H-H arrow e.).

 
 
RECOMMENDED
bottom of page