top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | May 26, 2021





KATANUNGAN


1. Makapag-aasawa pa ba ako kahit iisa lang ang Marriage Line sa aking palad at alam kong nangyari na ‘yun nang ma-in love ako noong ako’y college sa lalaking may asawa na?

2. Sa ngayon, 40-anyos na ako kaya sa isip-isip ko, baka hindi na ako makapag-asawa pa. Ano sa palagay n’yo at ano ang nakaguhit sa mga palad ko?

KASAGUTAN


1. Para masabing hindi na makapag-aasawa ang isang tumatandang lalaki o babae tulad mo, ‘yun bang kapag kumurba paitaas ang kaisa-isang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. At pagkatapos ay ikinulong ang lagda sa isang malaking bilog o sadyang binurara o binaboy na pirma.

2. Ngunit nakita mo naman, hindi nakakurba o nakatingala sa langit ang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad, bagkus diretso at maganda naman ang nasabing guhit (arrow b.). Ibig sabihin, basta pinuwersa mo ang tadhana sa iyong layunin o kagustuhan na makapag-asawa, walang magagawa ang langit kundi ang pag-asawahin ka.

3. Pansinin mo rin naman ang iyong pirma na bagama’t maliit ay hindi naman ito nakakulong sa bilog at hindi rin naburara. Ibig sabihin, malaki talaga ang tsansa na makapag-asawa ka pa, basta mula ngayon ay lakihan mo ang pagkakasulat ng iyong pirma at palagi kang magsusuot ng kulay na pula o berde.

4. Sa kulay na nabanggit at kapag nilakihan mo ang iyong lagda, lalo na ang lower loop o lower zone ng letrang “g”, hindi imposible ang magaganap sa taong 2022 sa edad mong 42 pataas, walang duda na makapag-aasawa ka at habambuhay na magiging maligaya.


DAPAT GAWIN


Habang, ayon sa iyong mga datos, Jody, tiyak ang magaganap. Tulad ng nasabi na, sa 2022, sa buwan ng Oktubre o Disyembre at sa edad mong 42 pataas, makapag-aasawa ka at magkakaroon ng isang simple pero maligaya at very satisfied na pagpapamilya, na hatid ng lalaking isinilang sa zodiac sign na Libra (Drawing A. at B. h-h arrow c.).

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | May 22, 2021




KATANUNGAN

1. Sa edad kong 24, bakit kahit marami naman akong nililigawan, hanggang ngayon ay wala pa rin akong napapasagot? Ang nangyari tuloy sa aming magkakaibigan, ako na lang ang walang girlfriend.

2. Sana malaman ko sa pamamagitan ng guhit ng aking palad kung kailan ako magkaka-girlfriend dahil 25 na ako sa August 7 at gustong-gusto ko nang magka-dyowa pero parang malabo na naman yatang mangyari ito.

KASAGUTAN

1. Huwag ka nang magtaka, Denver dahil ang birth date mong 7 ay nagpapahiwatig na medyo mahina ang loob mo at walang gaanong tiwala sa iyong sarili, na nagiging hadlang o dahilan upang ikaw ay hindi magka-girlfriend. Kaya ang pinakamaganda mong dapat gawin ay magsanay kang makipagkaibigan o makipagkuwentuhan man lang sa kahit sinong babae.

2. Puwedeng magsimula ka sa mga pinsang buo mo na kaedad mo rin, mga kaklase o kapitbahay mo. Kahit hindi mo sila niligawan, basta makipagkuwentuhan ka lang upang masanay kang makipag-usap sa mga babae.

3. Kapag nagawa mo ito at hindi na naaasiwa o nahihiya kapag kasama mo sila dahil may hitsura ka naman, madali ka nang magkakanobya dahil kusa ka namang magugustuhan ng mga babae.

4. Kaya tulad ng nasabi na, basta’t makipagkaibigan ka lang sa mga babae kahit hindi mo ligawan, may babae ring magkakagusto sa iyo. Ito ang nais sabihin ng kaisa-isang mahaba at makapal na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na ang unang magiging girlfriend mo, dahil na rin sa iyong kasabikan, ang siya na ring mapapangasawa mo at makakasama habambuhay. Ito ay madali namang kinumpirma ng wala ring bilog, maganda at maayos na Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na sa minsan kang umibig at magmahal, ang relasyong mapapasukan ay magiging maligaya at panghabambuhay na.


DAPAT GAWIN

Habang, ayon sa iyong mga datos, Denver, sa sandaling sinunod mo ang mga simpleng rekomendasyong inilahad, hindi matatapos ang taong ito ng 2021, sa buwan ng Nobyembre hanggang Disyembre at sa edad mong 25 pataas, magkaka-girlfriend ka hatid ng isang babaeng nagtataglay ng zodiac sign na Aries.

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | May 19, 2021



Katanungan


1. May boyfriend ako na isang Virgo habang ako naman ay Taurus at alam kong compatible kami dahil sabi n’yo, ang Taurus at Virgo ay parehong nagtataglay ng elementong earth o lupa. Matagal na akong sumusubaybay sa inyong mga artikulo, kaya medyo may alam na ako tungkol sa compatibility. Ang problema ko ay ang mga kapatid niya dahil tutol na tutol sa akin sa hindi ko malamang dahilan.

2. Nais kong suriin n’yo ang palad ko kung kami na ba ang magkakatuluyan? Sabi niya, kahit tutol sa pag-iibigan namin ang mga kapatid niya, wala silang magagawa dahil siya naman daw ang masusunod at magpapasya.

3. Kaya sa susunod na taong 2022, kung matatapos na itong pandemya ay balak na naming magpakasal, at okey naman daw sa mga magulang niya na parehong nasa abroad na mag-asawa na siya dahil nasa tamang edad na siya.

Kasagutan


1. Wala namang nakikitang problema, lalo na sa pag-aanalisa sa aspetong zodiac sign dahil tama ka na sadyang compatible at tugma talaga ang zodiac sign n’yong Taurus at Virgo dahil kapwa kayo pinaghaharian ng elementong earth o lupa.

2. Dagdag pa rito, pansinin ding iisa lang ang malinaw at magandang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, kahit may manaka-nakang hadlang sa inyong relasyon, kumbaga, sa akuwal na buhay ay maliliit na problema o sagabal lamang ‘yan, na hindi naman gaanong makakaapekto sa relasyon n’yo ng boyfriend mo, lalo na kapag ikinasal at naging mag-asawa na kayo.

3. Kaya tulad ng nasabi na, kahit tutol pa ang mga kapatid ng boyfriend mo sa inyong pag-iibigan, tama siya dahil wala naman silang magagawa kung ikaw ang kanyang mahal at ipinasya niyang ikaw ang gusto niyang pakasalan at makasama habambuhay.

4. Ang pag-aanalisang kayo na ang magkakatuluyan at sa parte mo ay wala namang itatalang problema ay madali namang kinumpirma ng lagda mong maayos at suwabeng-suwabeng isinulat, hindi nababoy, naburara at wala ring guhit na bumabalik sa direksiyong kaliwa, na nagpapahiwatig na tumutol man ang mga kapatid ng boyfriend mo sa inyong pag-iibigan, wala silang magagawa dahil kayo na ang itinakdang magkakatuluyan.


Dapat gawin


Habang, ayon sa iyong mga datos, Olie, hadlangan man ng mga kapatid ng boyfriend mo ang inyong relasyon at kahit sabihin pang tutol ang buong barangay, wala silang magagawa sa nakatakda. Sa taong 2022, matutuloy ang binabalak n’yong pagpapakasal at sa nasabing taon, sa edad mong 27 pataas, makapag-aasawa ka at ang mapapangasawa mo ay ang kasalukuyan mong boyfriend. Pagkatapos nito, tuluyan na kayong magsasama at habambuhay nang makakabuo ng isang masagana at maligayang pagpapamilya habambuhay.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page