top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | June 10, 2021



KATANUNGAN


1. May ina-apply-an akong trabaho ngayon, ano ang kulay ng damit na dapat kong suutin para suwertehin at matanggap agad ako? September 28, 1991 ang birthday ko.

2. Balak ko ring mag-abroad, kaya sana ay maanalisa n’yo kung may Travel Line sa aking palad at kung ano ang mangyayari sa aking career sa future. Gayundin, okey na ba ang signature ko?


KASAGUTAN


1. Maganda at okey na ang iyong lagda kung saan simpleng letrang S at R lang ang nasa unahang bahagi, habang tinapos mo ito sa tuwid na guhit. Ibig sabihin, ipagpatuloy mo lang ang paggamit sa nasabing pirma at susuwertehin ka na, higit lalo sa last quarter ng taong ito ng 2021 at magtutuloy-tuloy pa ang nasabing magandang kapalaran hanggang sa pagbungad ng taong 2022.

2. Ang kulang na lang talaga sa iyo kaya ayaw pang ngumiti nang husto sa karanasan mo ang mabuting kapalaran ay ang paggamit at pagsusuot ng kulay na pula at puwede rin ang pink, ganundin ng dilaw o yellow, na siyang mapalad mong mga kulay.

3. Isa sa mapalad mong kulay ay ang dilaw dahil ang birth date mong 28 ay may sumatotal na 1 dahil ang 28 ay 2+8=10, 1+0=1. Habang ang zodiac sign mong Libra at destiny number mong 3 (9+28+1991=2028/ 20+28=48/ 4+8=12/ 1+2=3) ay nagsasabi namang mapalad ka rin sa mga kulay na pink at red. Ibig sabihin, kapag palagi kang gumamit at nagsuot ng dilaw, pink at red, mas mabilis kang susuwertehin at magtatamo ng magagandang kapalaran.

4. Samantala, pansining tila good looking Simian Line (Drawing B. S-S arrow a.) ang kanan mong palad, habang straight na papalawak ang Head Line (Drawing A. H-H arrow b.) sa kaliwa mong palad. Ibig sabihin, sa pagpupumilit at tigas ng loob, mas madali mong mapipitas ang tagumpay. Ang mahalaga, anumang kabiguan ang dumating sa iyo, hindi ka dapat sumuko, bagkus, magpatuloy ka upang bigyan ka rin ng langit ng isang maganda at bonggang-bonggang kapalaran.

5. Halos may namataang Travel Line (Drawing A. t-t arrow c.) sa kaliwa mong palad, pero parang wala namang guhit ng paglalakbay sa kanan mong palad. Ibig sabihin, kailangang pagsikapan at pagpursigihan mo talaga ang pag-a-apply sa abroad upang magkaroon ng positibong bunga ang iyong mga pagsisipag dahil kung hindi, maghihintay ka lang ng tamang pagkakataon ay malabong mapasaiyo ang magagandang kapalaran. Kaya tandaan mo rin naman ang kasabihang ipinamana sa akin ni Kuya Manoling, “Sa taong buo ang loob, ang yaman at ligaya ay lubos!”

DAPAT GAWIN


Ayon sa iyong mga datos, Ms. S.R., wala kang dapat gawin ngayon kundi mag-apply nang mag-apply kung saanmang trabaho mo maibigan. Ito ay dahil sa taon ding ito ng 2021, sa edad mong 30 pataas, tuluyan nang ngingiti sa iyong buhay ang magandang kapalaran— matatanggap ka na sa ina-apply-an mong trabaho at sa susunod na taong 2022, sa ganitong panahon din na nag-aaway ang tag-init at tag-ulan, makapangingibang-bansa ka na rin hanggang sa tuluy-tuloy na umunlad nang umunlad ang iyong career at kabuhayan.

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | June 6, 2021




KATANUNGAN

  1. May boyfriend ako, pero parang ayaw niya pang mag-asawa, samantalang ako ay gusto ko na. Thirty-two years old na kasi ako habang 28 pa lang ang boyfriend ko at parang marami pa siyang pangarap at gustong gawin sa buhay.

  2. Pero sabi ko sa kanya, kahit mag-asawa na kami, hangga’t hindi pa kami nagkaka-anak ay magagawa pa rin niyang tapusin ang kanyang masteral at mag-review o mag-take ng board exam, pero tengang-kawali siya sa sinasabi kong ‘yun.

  3. Kaya ang balak ko ay pilitin siya o gumawa ako ng paraan para maikasal na kami. What I mean is, gagawa ako ng paraan na hindi na siya makakaatras pa na pakasalan ako. Tama ba ang balak kong ito?

  4. Gusto ko ring malaman kung siya na ba ang mapapangasawa at makakasama ko sa pagbuo ng maligaya at panghabambuhay na pamilya?

KASAGUTAN

  1. Hindi mo dapat pilitin ang iyong boyfriend sa isang bagay na hindi naman niya talagang ginusto, lalo na kung ito ay may kaugnayan sa pag-aasawa o pagpapakasal. Dahil sa bandang huli, ang relasyon o buhay pag-aasawang papasukin n’yo, gayundin ang itatayo n’yong pamilya ang maaring magdusa.

  2. Kaya ang pinakamabuti mong magagawa ngayon ay hayaan mong magkusa ang iyong boyfriend na pakasalan ka dahil ito ang pinakamagandang relasyon o pag-aasawang gagawin ng isang lalaki. Kumbaga, ‘yung siya mismo ang nagpasya na gusto na niyang mag-asawa at ang gusto niyang mapangasawa ay ang pinili talaga niyang babae.

  3. Sa ganitong sitwasyon, tulad ng naipaliwanag na, higit na magiging matatag, maunlad at maligaya ang itatayo n’yong pamilya.

  4. Ganundin ang posibilidad na maaaring mangyari sa hinaharap basta’t ‘wag kang magmadali sa kasalukuyan n’yong relasyon. Ito ang nais sabihin ng kaisa-isang maganda na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na sa pag-aasawa, ‘pag hindi ka nagpadalos-dalos ng pagpapasya, tiyak ang magaganap — sa piling ng iyong boyfriend, magtatagumpay ang papasukin n’yong pag-aasawa at habambuhay nang magiging maligaya ang itatayo n’yong pamilya.

DAPAT GAWIN


Ayon sa iyong mga datos, Cindy, ang inyong pagpapakasal ay nakatakdang mangyari sa susunod na taong 2022, sa edad mong 33 at 29 naman ang boyfriend mo. Ang nasabing pag-aasawa ay may pangako ng maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya (Drawing A. at B. 1-M arrow a. at h-h arrow b.).


 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | May 31, 2021




KATANUNGAN


1. May manliligaw ako at parang gusto ko na rin siyang sagutin. Ang problema ay nagtataka ako at naiinis sa kanya dahil may nililigawan pa siyang ibang babae bukod sa akin. Ibig sabihin ba nito ay hindi niya talaga ako mahal dahil nanliligaw pa siya sa ibang babae?

2. Kung sasagutin ko siya, titigilan na ba niya ang panliligaw sa ibang babae? Gayundin, sakali namang maging kami, magiging masaya ba ako sa piling niya? Siya na rin ba ang lalaking nakaguhit sa aking palad na makakasama ko habambuhay?


KASAGUTAN


1. Talagang ganu’n, Ms. Libra, minsan ay may lalaki talagang malandi. ‘Yung tipong may nililigawan nang kunwaring tinatangi-tangi niyang babae, pero nanliligaw pa pala sa iba.

2. Pero unawain mo na lang siya dahil kung iisiping mabuti, ang ikakatwiran nila ay, “Bakit kayong mga babae, marami rin namang nanliligaw sa inyo, pero may narinig ba kayong lalaki na umangal at sinabing, ‘Ang gara mo naman, ang dami-dami mong manliligaw samantalang nililigawan na kita?’” Hindi ba, wala namang ganu’n?

3. Para kasing “double standard” ang nangyayari pagdating sa ligawan. Kapag babae, puwedeng maraming nanliligaw, pero ‘pag lalaki na, hindi puwedeng maraming nililigawan?

4. Samantala, kapansin-pansing nagsimula sa Bundok ng Kaligayahan o Mount of Jupiter (Drawing A. at B. arrow a.) ang Heart Line (h-h) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na kahit hindi mo sagutin ang manliligaw mo at may nanligaw sa iyong ibang lalaki, walang kaugnayan ang lahat ng ito, sapagkat nakatakda na ang mangyayari at magaganap. Sa sandaling nagkaroon ka ng boyfriend at nakipagrelasyon, isang romantiko at maligayang karanasan ang sisilid sa iyong pagkatao.

5. Ang pag-aanalisang magiging maligaya at very satisfied ang buhay pag-ibig mo ay madali namang kinumpirma ng kaisa-isa at malinaw na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda hindi lang sa pakikipagrelasyon ka magiging maligaya. Bagkus, magiging maligaya ka rin sa panahon ng pag-aasawa at pagtatayo ng sarili mong pamilya, na kinumpirma at pinatunayan din naman ng maayos, hindi nababoy na iyong lagda.


MGA DAPAT GAWIN


1. Ms. Libra, kung sa kasalukuyan ay magulo ang manliligaw mo dahil kung sinu-sino ang nililigawan, huwag mong sagutin kahit may gusto ka na rin sa kanya. Kung feeling mo naman na gusto mo talaga siya at siya na ang gusto mong maging boyfriend, mas maganda kung siya mismo ang tatanungin mo ng, “Bakit ba nanliligaw ka pa sa iba, samantalang nandito naman na ako?” Sa nakakikilig na tanong na nabanggit, makikita mo na kusang mabubuo ang isang matimyas at totohanang relasyon.

2. Habang, ayon sa iyong mga datos, anuman ang mangyari, ang nakatakda pa rin ang magaganap. Sa taong ito ng 2021, magkakaroon ka na rin ng boyfriend, na magpapakilig at maghahatid sa iyo ng maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page