top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | June 17, 2021



KATANUNGAN

1. Ako ay isang katulong at may malaki akong problema. Nasa abroad ang amo kong lalaki habang kaming dalawa lang ng amo kong babae ang naiwan sa bahay kasama ang kanilang anak na 5-anyos. May lihim na karelasyon ang amo kong babae at kapag nalaman ito ng aking among lalaki ay tiyak na may malaking gulo.

2. Kung hindi naman niya malalaman, naaawa ako sa kanya dahil nagtitiis at nagsisikap siya sa abroad para sa kanyang pamilya, tapos lolokohin lang siya ng kanyang asawa.

3. Sa ngayon, balak kong isumbong ang amo kong babae, pero nagdadalawang-isip ako. Kung hindi ko naman isusumbong, ako naman ang sisisihin ng isa kong amo.

4. Nalilito ako kaya balak ko nang umalis dito at lumipat ng ibang trabaho bago pa magkabistuhan. Tama ba ang pasya ko, kung oo, madali ba akong makakahanap ng bagong amo?


KASAGUTAN


1. Ang ‘wag na ‘wag mong pakikialaman ay away ng mag-asawa dahil ikaw pa ang sisisihin nila at sa bandang huli, ikaw pa ang magiging masama.

2. Mas tama ang iyong huling pasya. Bago mahuli ang lahat, umalis ka na sa kasalukuyan mong amo, na siya namang nais sabihin ng nagbagong Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow a.) pero hindi naman naputol o huminto (arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, isang hindi inaasahang sitwasyon ang darating na magpapabago ng iyong pasya at trabaho na sa bandang huli, mula sa dati at okey nang trabaho, lalo pang bubuti at gaganda ang iyong hanapbuhay. At tulad ng nasabi na, humigit-kumulang, ngayon na ito posibleng mangyari, kung hindi sa buwan ng Hunyo, pinakamatagal na sa buwan ng Hulyo 2021.

MGA DAPAT GAWIN

1. Kung nakakita ka ng pagkakamaling ginagawa ng iyong kapwa, lalo pa’t napansin mong ang ginagawang ito ay injustices o kawalang katarungan sa iba, dapat mo ba itong pakialaman o ipagsabi?

2. Sa mga sobrang tino at idealistic na indibidwal, mabilis silang sasagot na “Dapat lang,” samantalang sa mga praktikal at ayaw sumuong sa isang gulo, sa halip ay nangangarap ng simpleng buhay, sasagot silang “‘Wag na lang!”

3. Ganundin ang payo ni Ginoong Pasta kay Basilio sa nobela ni Dr. Jose Rizal na El Filibusterismo, kung saan tinatanong ni Basilio kung bakit si Ginoong Pasta, bagama’t isang mahusay na abogado nang mga panahong ‘yun ay hindi nakikialam sa organisasyong “reporma” para sa ikagaganda ng kalagayan ng kanyang mga kababayan na inaapi ng mga Kastila. Simple lang ang sagot ni Ginoong Pasta kay Basilio, “Mabuti pa, iho, pagbutihin mo na lang ang iyong pag-aaral bilang doktor at kapag naging mahusay kang manggagamot, gamutin mo ang iyong mga kababayan, pagkatapos ay mag-asawa ka at bumuo ng masayang pamilya.” Hindi sinunod ni Basilio ang payo, sa halip na pagbutihin ang kursong medisina, nakilahok siya sa pag-aalsa ng mga kabataan sa Maynila. Nang dakipin sila ng mga Kastila, nakulong si Basilio habang ang mayayamang kabataan na kasama niyang nagsipag-aklas ay nagkumahog magtago sa ibang bansa. Ang kaawa-awang Basilio, dahil mahirap at walang kamag-anak na tutubos sa kanya, siya lang ang nakulong.

4. Ganundin ang buhay ng tao sa kasalukuyan, kailangang piliin mong mabuti ang nais mong landasin. Gusto mo bang maging bayani at iahon ang mga kababayan mo sa kahirapan? Kung oo ang iyong tugon, magtiis kang makulong o isakripsiyo mo ang kinabukasan ng iyong pamilya. Subalit kung simpleng buhay ang ibig mo, mas mainam pa marahil sundin ang nasabing payo ni Ginoong Pasta.

5. Habang, ayon sa iyong mga datos, Daniela, hindi mo dapat pakialaman ang problema ng iyong mga amo, sa halip, ang isipin mo ay kung paano mapagaganda ang iyong career at sarili mong buhay. Sa ganyang paraan, mas magiging maunlad ka at habambuhay na magiging maligaya.

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | June 15, 2021




KATANUNGAN

1. Nagmamahal ako kahit alam kong mali dahil dati na akong nagmahal at lumuha. Nakapag-asawa kasi ako ng lalaking walang kuwenta kaya naghiwalay kami, pero bago ako nahiwalay sa kanya, nagkaroon kami ng isang anak. Heto na naman ako, umiibig sa lalaking may asawa na at hindi ko na naman kayang pigilin ang aking sarili.

2. Minsan ay naaasar at nalilito na rin ako kung sino talaga ang nasusunod sa buhay nating ito, ang sarili mo na gustong gumawa ng mabuti at magpakatino o ang kapalaran na tila siyang tinitibok ng puso ko?

3. Ewan ko kung paano ko pipigiling umibig muli, at ang masakit, sa maling lalaki na naman. Sa palagay mo, Maestro, totohanin kaya ng karelasyon ko ang kanyang pangako na kapag tuluyan kaming nagsama, iiwanan niya ang kanyang pamilya para sa akin?

4. Napangasawa niya lang daw ang misis niya dahil pinilit siya at ako raw talaga ang mahal niya. Siya na ba ang makakasama ko habambuhay?


KASAGUTAN

1. “There is always some madness in love. But always, there is also some reason in madness” – ang sabi ng ateistang si Friedrich Nietzsche. Palagi tayong nai-in love o nagmamahal, pero minsan, alam naman nating kahangalan ang pakikipagrelasyong ito, napakahiwaga at ang mahirap arukin ay kung bakit hindi natin ito maiwasan?

2. Tama ang philosopher na si Nietzsche, kaya hindi maiwasan ang makamundo at hangal na pag-ibig ay dahil sa mga panahong nagmamahal ang indibidwal, pansamantala siyang nababaliw o nagiging hangal. Kumbaga, nawawala ang wisyo at napangingibabawan ng pagnanasang sensual at sexual.

3. Ang ikinaganda ng kasabihang nabanggit ay natuklasan niyang may dahilan kung bakit nagiging hangal o nababaliw ang isang nagmamahal, at ito ay umiibig at nagmamahal kasi tayo. Kaya para kay Nietzsche, walang pagkakaiba ang pag-ibig at kabaliwan. Tulad din ng sabi ng isang Spanish Philosopher na si Calderon de la Barca, “Cuando amor no es locura, no es amor,” ibig sabihin, “When love is not madness, it is not love.” Kaya mahihirapan kang pigilin ang iyong damdamin ay dahil sa kasalukuyan, malinaw pa sa isang bote ng mineral water, ikaw ay hangal na nagmamahal.

4. Mahihiwalay kang muli sa kasalukuyan mong boyfriend o karelasyon, ito ang nais sabihin ng nasira na naman at gumuho na ikalawang Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na kung ano ang napala mo sa unang pag-aasawa, ganu’n ulit ang mapapala mo sa ikalawang pakikipagrelasyon. Matapos ng saglit at pansamantalang ligaya, hindi matatawaran ang isang balde ng luha ang isasakripisyo mo sa pagkawala ng ikalawang pag-ibig na inisip at inari mong panghabambuhay na, ‘yun pala ay hindi naman, na kinumpirma ng wasak-wasak din at hindi magandang Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad.

5. Ito ay tanda na sa minsang lumuha at mabigo, mauulit ang pagiging hangal at tanga sa pagpili ng iibigin ay maaring hindi mo maiaalis sa iyong ugali, damdamin at isipan.

MGA DAPAT GAWIN

1. Hindi naman masamang magpakabaliw sa ngalan ng pag-ibig. May mga pagkakataon kasing hindi naman talaga kayang utusan ng tao ang kanyang sarili upang pigilin ang nag-aalab na damdamin. Sabi nga ng British writer na si Alan Watts, “Never pretend to a love which you do not actually feel, for love is not ours to command.”

2. Habang, ayon sa iyong mga datos, Carla, ang pag-ibig na umiral noong unang pag-aasawa ay iiral muli sa ikalawang pakikipagrelasyon. Kung paanong nahangal at nagkamali ka sa unang pag-aasawa, muli kang magkakamali at luluha sa ikalawang pagkakataon, upang sa ikatlong pakikipagrelasyon (ikatlong mas malinaw at matinong Marriage Line, 3-M arrow d.), matututo ka nang umibig sa tamang panahon at nilalang. Sa sandaling ‘yun, sa larangan ng pag-ibig ay magtatagumpay ka na hanggang sa masasabi mo sa iyong sariling, “I’ve learned my lesson and I will love again!”

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | June 12, 2021




KATANUNGAN

1. Bakit kahit may guhit naman ako ng negosyo, na sinasabi n’yo sa ilalim ng hinliliit at may straight Head Line rin ang palad ko, hanggang ngayon ay hindi pa rin ako yumayaman? Ang isa pang napansin ko, imbes na yumaman ay nalulugi pa ang negosyo kong tindahan.

2. May pag-asa pa bang makaahon ako sa mga pagkakautang at yumaman? Anong negosyo ang angkop sa akin at kailan ako yayaman tulad ng madalas mong sabihing yumayaman ang mga taong may straight Head Line?

KASAGUTAN

1. Tama ang mga sinasabi mo dahil mayroon kang Business Line (Drawing A. at B. B-B arrow a.) at straight Head Line (Drawing A. at B. H-H arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad, pero nanatili pa rin ang tanong na bakit hindi ka yumayaman sa iyong negosyo?

2. Ang hindi mo kasi napansin, ang iyong Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow c.) na tinatawag ding Career Line o Guhit ng Hanapbuhay, nahulog ito sa pagitan ng hintuturo at panggitna (arrow d.). Ibig sabihin, kaya hindi ka yumayaman, wala sa ugali at katangian mo ang inuugali ng mayayaman. Ano ba ang ugali ng mayayaman? Tama ang sagot mo, “Karamihan sa kanila ay kuripot, may pagkatuso at matipid.”

3. At dahil nahulog ang Fate Line (F-F arrow c. at d.) sa pagitan ng iyong mga daliri, ito ay tanda na kabaligtaran ng ugaling mayaman ang inaasal mo. Maaaring madalas kang mag-ulam ng masarap, maaaring kapag nakahawak na ng pera, gasta ka nang gasta, maaaring ang pera na kinita ng tindahan ay iniisip mong sarili mong pera, kaya pati ito ay nagagasta mo rin sa araw-araw n’yong pangangailangan.

4. Kung ganyan ang istilo ng iyong pamumuhay, kahit may dobleng straight Head Line (H-H arrow b.) at ubod ng linaw ng Guhit ng Negosyo (B-B arrow ay.) sa kaliwa at kanan mong palad, hindi ka talaga yayaman.


MGA DAPAT GAWIN

1. Hindi naman masamang magmahal ng salapi o sabihin na nating “halos ginagawa nang Diyos ang pera” tulad ng ugali ng mayayaman kung ikukumpara sa taong naghihirap at umaasa lang sa kanyang kapwa sa halip na maghanapbuhay o ‘yung mga tao na walang ginawa upang maghanap ng mauutangan at hindi naman nagbabayad. ‘Yung iba naman ay halos ibenta na ang dangal ng kanilang dalagang anak upang magkapera lamang, pero ang masaklap, pagkatapos makahawak ng malaking halaga ng salapi ay lulustayin lang nang walang kapararakan.

2. Ikumpara mo ngayon, sino ang mas masaya? ‘Yung taong minsan lang nakahawak ng salapi at minahal ito nang todo at pinalago, pagkatapos ay hindi na siya umasa o nangutang. Samantalang ‘yung isa na galante, waldas, ayaw mahalin ang pera, masyadong maluho sa pamumuhay at nang naubos ang salapi na inutang lang, pipintasan ang mayayaman at sasabihing, “‘Di bale nang hindi ako yumaman, kung ganyan naman ako kakuripot at kakunat!” ‘Yan ang sinasabi na, ano ang mas mabuti — magmahal ng salapi o maging habambuhay na mangungutang?

3. Habang, ayon sa iyong mga datos, Nelissa, hangga’t hindi mo inaayos ang istilo ng iyong pamumuhay o hangga’t hindi mo natutunan ang masinop at mahusay na paghawak ng salapi, tulad ng kasalukuyang nangyayari sa iyo, mababaon ka talaga sa utang at hindi aasenso ang iyong tindahan.

4. Tandaang ang pagmamahal sa salapi na kinita mo naman at pinaghirapan ang tunay na simula at tamang daan patungo sa pag-unlad at ganap na pagyaman.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page