top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | July 06, 2021




KATANUNGAN


1. Mahirap lang kami at nangungupahan lang habang ang mister ko naman ay construction worker, kaya nagpaalam ako sa kanya na mag-a-abraod ako at pumayag naman siya. Kaya noong 2020 ay nag-ayos ako ng mga papeles, pero nagka-pandemic at naudlot ang aking pag-alis. Balak kong ituloy ang pag-a-apply dahil tutulungan naman daw ako ng kaibigan ko na nasa abroad at matagal siya roon.

2. Ang gusto kong malaman, Maestro, may tsansa ba na makapag-abroad ako o sadyang wala sa guhit ng palad ko ang makapagtrabaho sa ibang bansa? Kung wala, ano ang dapat kong gawin upang makatulong ako sa aking mister at umunlad naman ang kabuhayan namin?

KASAGUTAN


1. Wala kang dapat gawin ngayon kundi ang ipagpatuloy ang kasalukuyan mong pag-a-apply sa abroad. Sapagkat ayon sa guhit ng iyong palad, makapag-a-abroad ka, pero sa kasalukuyan ay may bahagyang Guhit ng Hadlang (Drawing A. at B. d-d arrow a.) na kumansela sa Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad.

2. Gayunman, pansamantala lamang ito kung saan ito ay tanda na ang pagkakaroon ng pandemya noong nakaraang taon hanggang ngayon, subalit dahil bata ka pa naman sa edad na 27, tulad ng nasabi na, basta’t sumunod ka lang sa ipagagawa ng kaibigan mo na tumutulong sa iyo, tiyak naman ang magaganp.

3. Paglipas ng ilang buwan, may positibong kaganapan sa iyong kapalaran. Sa ikalawang pagtatangka na makapangibang-bansa, walang duda na maluwalhati ka nang makapag-a-abroad.


DAPAT GAWIN


Ayon sa iyong mga datos, Cynthia, kahit nagkaroon ng aberya sa unang pagtatangka mo na makapangibang-bansa, lipas na ang nasabing problema dahil sa panahon ngayon, kahit may pandemya pa rin, hindi na mahahadlangan pa ang nakatakda. Sa buwan ng Oktubre o Nobyembre, sa edad mong 28 pataas, may isang mabunga at mabiyayang pangingibang-bansang itatala sa iyong karanasan.

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | July 02, 2021




KATANUNGAN


1. Ang problema ko ay tungkol sa work at ito ay palala nang palala. Ang nangyari kasi rito sa pinapasukan ko ay simula nang mapalitan ang aming manager, sinisiraan ako ng bago naming manager sa may-ari ng kumpanya dahil matagal na ako rito, samantalang siya ay kadarating pa lang. Ang lamang lang niya sa akin ay kamag-anak niya ang may-ari. Madalas tuloy na magkasagutan kami at ang mga dating kasamahan ko na dati ay loyal sa akin, ngayon ay sa kanya na sumisipsip.

2. Kaya ngayon, tinatamad na akong magtrabaho at sa totoo lang, hindi na ako masaya rito. Balak ko nang mag-resign at magtayo ng sarili kong business na bakery o bake shop.

3. Gusto kong humingi ng advice sa inyo, kung tama ba ang desisyon ko na mag-resign dahil more than six years na ako rito, pero wala namang asenso kasi hindi ako gaanong nakakaipon at hindi rin naman kalakihan ang suweldo.

4. Kung magnenegosyo ako, may pag-asa rin ba akong yumaman na siyang talagang pangarap ko?


KASAGUTAN


1. Kung inaasar ka ng mga kasamahan mo r’yan sa kumpanya na matagal mo na ring pinaglilingkuran at sabi mo pa ay madalas mong makabangga ang bago n’yong manager na kamag-anak pala ng may-ari, tama lang ang desisyon mo na mag-resign ka at magtayo ka ng negosyo. Ito ang nais ipahiwatig at ipagawa sa iyo ng mas malinaw at makapal na Business Line (Drawing A. at B. N-N arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad, kung ikukumpara sa maganda rin naman, pero hindi masyadong makapal na Fate Line or Career Line (Drawing A. at B. F-F arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad.

2. Ito ay malinaw na tanda na higit ka ngang aasenso sa pagbubukas ng sarili mong business na may kaugnayan din sa kasalukuyan mong trabaho at larangan na may kaugnayan sa pagkain. Ang pag-aanalisang sa produkto o kalakal na pagkain ka aasenso ay madali namang kinumpirma ng zodiac sign mong Libra sa birth date na 6. Bagay na bagay sa isang “Venusian personality” tulad mo, lalo na’t kung may pagka-chubby ka, ang mga gawaing may kaugnayan sa pagluluto, pagbe-bake at pagma-manage ng masasarap, makulay, matamis at masusustansiyang pagkain, tiyak na uunlad at aasenso ang itatayo mong bagong negosyo.


MGA DAPAT GAWIN


1. Kung ikaw ay babaeng maputi, mahaba ang buhok, bilugan ang mukha at pangangatawan, sexy at maganda, tulad ng nasabi na, under ka sa tinatawag na “Venusian type of personality”. Dahil dito, susuwertehin ka sa negosyong may kaugnayan sa pagkain, na nagkataon pang ikaw ay Libra na may birth date na 6 sa destiny number na 9.

2. Samantala, sa pagtatayo ng sariling business, isaalang-alang mo ang kulay na pink o pula at iba pang kulay na hinango sa pula, gayundin ang pagdidispley ng mga sariwang halaman at bulaklak sa paligid ng iyong bakery.

3. Sa ganyang paraan, ayon sa iyong mga datos, Nicole, kung sa 2022 sa buwan ng Setyembre o Oktubre ay magsisimula ka na ng sarili mong business, tiyak ang magaganap— six o seven years from now, asensado na ang sarili mong bakery. Sa nasabing panahon, pagtuntong mo naman ng edad 42 pataas, magsisimula ka na ring umunlad hanggang sa tuluyan na ring matupad ang pangarap mong yumaman (Drawing A. at B. H-H arrow c.).

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | June 23, 2021




KATANUNGAN

1. Sa totoo lang, Maestro, marami na akong naging boyfriend at ngayon, masasabi kong nagsasawa at napapagod na akong makipagrelasyon na hindi naman nagtatagal at kung bibilangin sa mga daliri sa kamay, almost 10 relationships na ang naranasan ko since high school days. May boyfriend ako ngayon, pero away-bati ang sitwasyon namin at pakiramdam ko ay hindi na naman kami magtatagal.

2. Sa edad kong 26, gusto ko nang mag-asawa at magkaroon ng seryoso at panghabambuhay na relasyon, pero parang malabo itong mangyari sa kasalukuyan kong boyfriend.

3. Sa palagay n’yo, sino at kailan darating ang lalaking mapapangasawa at makakasama ko habambuhay?

KASAGUTAN

1. Masyado kasing matambok at malaman na nagkataon pang maraming maliit na hiblang-guhit pahalang ang Bundok ng Venus na tinatawag ding Bundok ng Pag-ibig at o Bundok ng Kalibugan (Drawing A. at B. arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay nagsasabing sadyang marami kang reserba at paminsan-minsan naman ay nairaraos ding sexual energy. Bagama’t aktibo ang iyong libido, hindi naman permanente o stable ang sulak at agos nito, na siya ring nagiging dahilan kaya nagkaroon ka ng karanasang maraming naging boyfriend pero papalit-palit lang naman.

2. Sa kabilang banda, may mga guhit na mula sa Bundok ng Venus na tumawid sa Life Line at Head Line (Drawing A. at B. f-f arrow b.), ngunit dagli ring naglaho at natunaw (arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ang larawan ng mga naging ka-on, ka-M.U, ka-fling, kabolahan at kaututang dila mo na parang boyfriend na ring maituturing, pero tulad ng nasabi na, ang lahat ng nabanggit na relasyon ay pansamantala at panandalian lamang.

3. Ang nakatutuwa lamang sa iyong mga palad ay mapapansin ang kaisa-isang Marriage Line (Drawing A. at B. 1- M arrow d.), na nagsasabing sa kabila ng masalimuot, makulay, pabagu-bago, masarap at romantikong pinagdaanang mga karanasan sa pag-ibig, sa sandaling nag-asawa ka na at natagpuan mo na si Mr. Right, matatahimik na ang iyong daigdig. Kumbaga, sa pag-aasawa at pagtatayo ng pamilya, mas magiging panatag ka na at habambuhay na magiging maligaya.

MGA DAPAT GAWIN

1. May kasabihang “Ang paglalakbay ay hindi naman masaya sa panahong narating mo na ang dulo ng isang lugar na nais mong puntahan. Sa halip, ang tunay na saya habang naglalakbay ka ay ang paglalakbay mismo.”

2. Ganundin ang nakatakdang mangyari sa buhay pag-ibig mo, Niña. Hindi ang pinal na destinasyon ang magbibigay sa iyo ng tunay na ligaya, bagkus, makapagbibigay din sa iyo ng ligaya at gintong aral ang lahat ng karanasang napagdaanan mo sa larangan ng pag-ibig, na sa bandang huli, dahil napuntahan at naranasan mo na ang lahat ng sari-saring konsumisyon, romansa at kung anu-ano pang kumplikadong relasyon, kapag nag-asawa ka na, bagama’t masaya rin, ang pagkakaroon ng mga anak at pagtatayo ng sariling tahanan ang higit na magpapaligaya at magbibigay sa iyo ng panatag at panghabambuhay na ligaya.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page