top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | July 20, 2021




KATANUNGAN


1. Noong nasa barko ako, nanlalaki ang misis ko at nang dumating ako ng bansa at matuklasan ko ang ginagawa niyang panloloko, lumayas siya at ang balita ko ay sumama na siya sa kanyang kalaguyo. Sa ngayon, hindi ko pa rin alam kung dapat ko pa siyang hanapin o pabayaan ko na lang siya.

2. Gusto ko pa sanang makipagbalikan dahil mahal ko pa rin siya sa kabila ng ginawa niya, pero ayaw na ng mga magulang at kaibigan ko dahil sinasamantala lang ng misis ko ang aking kabaitan.

3. Naisipan kong sumangguni sa inyo, Maestro, dahil gusto kong malaman kung sa edad kong 42, ‘pag tuluyan kaming naghiwalay ng misis ko, makakahanap pa ba ako ng matino at mabait na babae na makakasama ko habambuhay?

4. Kung sakaling babalik ako sa abroad, halimbawang nakapag-asawa na ako muli, hindi ba ako lolokohin ng babaeng ‘yun?


KASAGUTAN


1. Tama ang advice sa iyo ng mga magulang at kaibigan mo na ‘wag mong habulin o balikan pa ang iyong asawa na sumama sa ibang lalaki habang ikaw ay nagpapakahirap sa abroad. Ito ang nais sabihin ng unang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Kung sakaling magkabalikan man kayo, hindi lilipas ang isa o dalawang taon, tulad ng dati, muli ka niyang lolokohin at ang lahat ng kabutihan at pagsasakripisyo mong ginagawa ay susuklian na naman niya ng panloloko at kataksilan.

2. Ibig sabihin, tanggapin mo nang maluwag sa iyong kalooban na hanggang doon na lang ang inyong pagsasama dahil kung pilit mo itong pagdudugtungin, muli lamang lalatirin ang relasyon niyo ng panibagong pagtataksil na uulit-ulitin lang ng iyong misis.

3. Samantala, sa sandaling naghiwalay na kayo, upang hindi ka iwanan ng ikalawang babaeng iyong mapapangasawa, siguraduhin mong siya ay katugma at ka-compatible mo na talaga. Isaalang-alang mo silang mga isinilang sa zodiac sign na Leo, Sagittarius at kapwa mo Aries na may birth date na 2, 11, 20, at 29. Kapag nagawa mo ‘yan, tiyak ang magaganap dahil ayon sa mas makapal at mahabang ikalawang Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad, kung ikukumpara sa nawasak at nabiyak na unang Marriage Line (1-M arrow a.), sa ikalawang pag-aasawa, may pangako na ng maligaya at panghabambuhay na pamilya.

DAPAT GAWIN


Ayon sa iyong mga datos, Ryan, sa taon ding ito ay tuluyan na kayong maghihiwalay ng misis mo (arrow a.). Sa ikalawang pag-aasawa (arrow b.) na nakatakdang maganap sa susunod na taong 2022 o 2023, sa buwan ng Disyembre at sa edad mong 43 pataas, walang duda na habambuhay ka nang makararanas ng maligaya at panghabambuhay na pamilya.

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | July 19, 2021




KATANUNGAN


1. Gusto kong mag-abroad, pero bukod sa pinanghihinaan ako ng loob ay ayaw akong payagan ng nanay at tatay ko dahil kaisa-isa akong anak at may pandemya pa.

2. Mahirap lang kami kaya gusto ko silang bigyan ng magandang buhay. Gusto ko, pagtanda nila ay mabigyan ko sila ng magandang bahay, magkaroon ang nanay ko ng tindahan sa harap ng bahay namin at maibili ko ang tatay ko ng kapirasong lupa na kanyang pagtataniman ng mga halaman dahil mahilig siyang maghalaman.

3. Gusto kong malaman kung may maganda ba akong Travel Line sa aking palad. At kahit ayaw nila akong payagan, kung may maganda naman akong Travel Line, siguro ay mapipilit ko sila at hindi na sila mag-aalala kung sakaling matuloy ako sa ibang bansa.

KASAGUTAN

1. Tama ka, Arlene, ituloy mo lang ang binabalak mong pangingibang-bansa. Ito ang nais sabihin ng malinaw at malawak na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Sapagkat ang nasabing guhit ay may pangako ng isang mabunga at mabiyayang pangingibang-bansa, na madali namang kinumpirma ng birth date mong 23 o 5 (2+3=5). Kaso nga lang, dahil nasa “neutral number” ang five o nasa pagitan ng mga numero, kaya alanganing “strong” at “weak number”, kaya naman ngayon ay may pagdadalawang-isip ka.

2. Naging neutral number ang five— puwedeng magpaka-strong at manatiling weak dahil kapag nagbilang ka ng 1, 2, 3 at 4, hindi ba’t 5 ang kasunod at sa kabilang pangkat naman ay ang 6, 7, 8, 9? Ibig sabihin, nasa gitna ng dalawang bilang na 1, 2, 3, 4 at 6, 7, 8, 9 ang numerong 5. Ito ay patunay na hindi niya malaman kung strong o weak number siya. At ito rin minsan ang dahilan kung bakit silang may birth date na 23 ay dumadami ang karelasyon kung hindi nila pipigilan, dahil nga madali silang maimpluwensiyahan ng kapalaran o ng mga taong umaali-aligid sa kanila.

3. Gayunman, ‘wag mo nang intindihin ‘yun. Sa halip, ang mas mahalaga ay ituloy mo ang iyong balak, sapagkat ang iyong lagda na maayos namang isinulat at iminarka ang nagsasabing anuman ang balakin mo sa panahon ngayon, tiyak na magkakaroon ng isang maganda at positibong resulta sa future.

DAPAT GAWIN

Habang, ayon sa iyong mga datos, Arlene, ituloy mo lang ang binabalak mong pag-a-abroad. Sapagkat sa susunod na taong 2022 o 2023, payagan ka man o hindi ng mga magulang mo, sigurado na ang magaganap – matutuloy ka sa iyong pangingibang-bansa. Ito na rin ang magiging simula upang mabigyan mo ng magandang buhay, lalo na sa panahon ng kanilang pagtanda ang iyong mga minamahal na magulang.

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | July 10, 2021




KATANUNGAN


1. Bago magkaroon ng pandemic, hindi na ako nagkakaroon ng regular na trabaho. Palagi akong palipat-lipat ng trabaho at hanggang ngayon ay wala pa rin akong work. Nais kong malaman ang kapalaran ko sa career, kailan ba ako magkakaroon ng matino o permanenteng trabaho?

2. HRM ang natapos kong kurso, pero balak kong sumakay sa barko kaya nag-a-apply ako sa barko at may tumutulong naman sa akin para makaalis ako. Saan ako dapat magtrabaho, sa barko o rito na lang sa Pilipinas?

3. Sa isip-isip ko kasi, kahit saan at ano ay papasukin ko na, basta maregular ako dahil sawang-sawa na ako sa palipat-lipat at paiba-iba na trabaho.

KASAGUTAN


1. Tama ang naisip mong mag-apply sa pagba-barko gayung medyo related naman ang natapos mong kurso dahil may malinaw na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, kung hindi ka nakukuntento sa kasalukuyang buhay mo rito dahil wala kang masumpungang regular at magandang trabaho, magbarko ka na lang. Ito ay dahil puwede naman ang course mo, basta’t makapag-training at makasunod ka sa mga requirements.

2. Sa susunod na taong 2022, ‘pag puspusan o pursigido kang mag-apply at mag-asikaso ng mga pepeles, kapag nagawa mo ‘yan, makikita at mare-realize mo na kaya hindi ka narere-regular ng trabaho rito sa ating bansa, nasa pagba-barko ang iyong suwerte. Ito ay madali namang kinumpirma at pinatunayan ng lagda mong may mga alon, pero patuloy na sumusulong at umaangat paitaas. Tanda na sa pangingibang-bansa na may kaugnayan sa tubig at laot ng dagat, higit kang uunlad at aasenso, hindi lang ang iyong career kundi pati na rin ang kabuhayan ng itatayo mong pamilya.


DAPAT GAWIN


Habang, ayon sa iyong mga datos, Jeremie, ituloy mo lang ang binabalak mong pagte-training at pag-a-apply sa barko. Kung hindi ka pinapalad magkaroon ng magandang trabaho sa local companies, tiyak na sa pagsi-seaman sa darating na taong 2023 sa buwan ng Agosto o Setyembre, sa edad mong 32 pataas, may isang mabunga at mabiyayang pangingibang-bansang itatala sa iyong kapalaran.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page