top of page
Search

ni Angela Fernando @Overseas News | Nov. 25, 2024



Photo: Si Rabbi Zvi Kogan, Chabad supervisor ng kosher kitchens sa UAE, taong 2021. Times of Israel / Lazar Berman


Inaresto ang tatlong indibidwal sa United Arab Emirates (UAE) kaugnay sa sinasabing pagpatay sa isang Israeli citizen, ayon sa pahayag ng Emirati Interior Ministry kamakailan.


Hindi binanggit sa pahayag ng ministeryo ang mga detalye tungkol sa mga suspek o kung sila ay kinasuhan, ngunit sinabi nitong gagamitin ang lahat ng legal na hakbang upang tugunan nang tama ang anumang aksyon o pagtatangkang nagbabanta sa tibay ng lipunan.


Binigyang-diin ng opisina ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu ang pagpatay kay Rabbi Zvi Kogan, 28, bilang karumal-dumal at teroristang aksyon. Sinabi rin ng Israel na gagawin nila ang lahat ng kanilang makakaya upang maparusahan ang mga responsable.


Ayon sa mga lokal na otoridad, si Kogan ay isang residente ng UAE at mayroong Moldovan nationality.


Nagtatrabaho siya sa New York-based na Orthodox Jewish Chabad movement at unang iniulat na nawawala nu'ng Huwebes. Natagpuan naman ang kanyang katawan nu'ng Linggo.

 
 

ni Angela Fernando @Overseas News | Nov. 24, 2024



Photo: Shou Zi-Chew ng TikTok, Donald Trump at Elon Musk - Bloomberg, Alex Brandon-AP


Sumangguni ang ByteDance na pag-aari ng TikTok Chief Executive Officer (CEO) na si Shou Zi Chew para sa input ng bilyonaryong si Elon Musk upang matugunan ang mga potensyal na tech policy sa ilalim ng magiging bagong administrasyon ng United States (US) sa pamumuno ng President-elect na si Donald Trump, ayon sa Wall Street Journal (WSJ).


Hindi naman sumagot sina Chew, Musk, at ang administrasyong Trump nang matanong ng Reuters para sa kanilang komento patungkol dito.


Samantala, nilinaw naman sa nasabing report na hindi napag-usapan ng parehas na executives ang mga maaaring hakbang para magpatuloy ang pagtakbo ng TikTok sa US.


Idinagdag din sa ulat na si Chew ay patuloy na ipinapaalam sa mga senior leaders ng ByteDance ang patungkol sa pag-uusap, na inaasahan ng mga executives na mahahanapan ng solusyon upang magpatuloy ang nasabing application.


Matatandaang unang nakipag-ugnayan sila Chew sa mga taong malalapit kay Trump pati kay Kamala Harris bago pa ang naganap na halalan para sa maingat na pagsisikap na magpatuloy ang kanilang social media platform sa bansa.

 
 

ni Eli San Miguel @Overseas News | Nov. 23, 2024



Photo: Representation


Kinumpirma ng mga opisyal ng kalusugan nitong Biyernes, ang bird flu sa isang bata sa California, na siyang unang naiulat na kaso sa isang batang Amerikano.


Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention, mayroon ang bata ng banayad na sintomas, binigyan ng antiviral na gamot, at nagpapagaling na sinabi ng mga opisyal ng estado, na pumapasok ang bata sa daycare at nakatira sa Alameda County, kabilang ang Oakland at mga kalapit na lugar, ngunit wala nang ibang detalye na ibinigay. ​​


Ayon sa CDC, nagdala ang impeksyon ng kabuuang bilang na 55, ng mga naiulat na kaso ng bird flu sa U.S. ngayong taon, kabilang na ang 29 sa California.


Karamihan sa mga ito ay mga manggagawa sa farm na nagpositibo na may banayad na sintomas.


Sinabi ng mga opisyal na iniimbestigahan nila kung paano nahawa ang bata. Walang ebidensya na kumalat ang bird flu mula sa bata patungo sa ibang tao.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page