top of page
Search

ni Eli San Miguel - Trainee @News | March 25, 2024




Nahaharap ang Mongolia sa pinakamalubhang taglamig sa loob ng 50 taon na nagdulot ng pagkasawi ng higit sa 4.7 milyong hayop, ayon sa International Federation of the Red Cross (IFRC).


Itinuturing din itong banta sa kabuhayan at sa suplay ng pagkain ng libu-libong tao.


Humigit-kumulang sa 300,000 katao sa Mongolia ang tradisyonal na "nomad" at umaasa sa kanilang mga baka, kambing, at kabayo para sa pagkain at upang ipagbili sa pamilihan.


Mula Nobyembre, ayon sa IFRC, hindi bababa sa 2,250 pamilya sa bansa ang nawalan ng higit sa 70% ng kanilang mga alagang hayop. Dagdag pa nila, mahigit sa 7,000 pamilya ang wala nang sapat na pagkain.


Sa kasalukuyan, nakaapekto na sa 3/4 ng bansa ang malubhang taglamig at inaasahang lalala pa ang kalagayan nito.

 
 

ni Eli San Miguel - Trainee @News | March 24, 2024




Nagdurusa na sa gutom ang karamihan ng mga tao sa Haiti habang mas lumalala ang karahasan ng mga armadong grupo sa bansa, ayon sa mga pandaigdigang organisasyon.


Nagdulot naman ang inflation at kaunting ani sa bansa ng malubhang kakulangan sa pagkain.


Iniulat ng Integrated Food Security Phase Classification (IPC) — isang organisasyon na nagtatakda ng isang scale na ginagamit ng United Nations at mga pamahalaan upang sukatin ang kagutuman — na may 4.97 milyong tao mula sa populasyon na 11.5 milyon sa Haiti ang nakakaranas ng krisis o mas masahol na antas ng kagutuman.


Naiipit sa karahasan ang bansa mula nang magpakawala ng sunud-sunod na mga atake ang mga gangs, kabilang ang mga pagsalakay sa mga istasyon ng pulisya at sa pandaigdigang paliparan.


Sa kasalukuyan, nagdulot na ang sigalot ng libu-libong pagkasawi at daan-daang libong paglikas.

 
 

ni Eli San Miguel - Trainee @News | March 23, 2024




Nagpaputok at nagpasabog ng iba't-ibang armas ang mga armadong lalaki na nakasuot ng camouflage sa Crocus City Hall sa Moscow noong Biyernes.


Sa kasalukuyan, 115 katao ang naitalang patay dahil sa pag-atake na inako ng mga militante ng Islamic State, ayon sa Investigative Committee ng Russia.


Halos 100 katao naman ang ginagamot at nagtamo ng pinsala.


Ayon sa pahayag ng Federal Security Service ng Russia sa news agency na Interfax, nahuli ng mga otoridad ng Russia ang 11 katao na kaugnay ng atake.


Naglabas naman ng pahayag ang maraming lider sa buong mundo upang ikondena ang karahasan, at tinawag itong isang "heinous and cowardly terrorist attack” UN Security Council.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page